Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Agosto 8, 2010
PRAKTIKAL NA PANANAMPALATAYA: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year C - August 8, 2010
"Panginoon... iligatas mo ako! Sumasampalataya ako sa 'yo!" Sigaw ng isang lalaki sa itaas ng bubong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Basyang. Dumaan ang isang bangkang padala ng Red Cross. Tumanggi lamang ang lalaki at sinabing: "Mauna na kayo, ang Panginoon ang magliligtas sa akin." Dumaan din ang isang amphibian ng PNP. Pinasasakay siya ngunit umiling lamang at sinabing: "Iba na lang ang inyong isakay. Hindi ako pababayaan ng Panginoon." Sa wakas ay dumating ang isang helicopter na padala ng AFP. Ayaw pa rin ng matandang sumakay. "Malakas ang pananampalataya kong hindi ako pababayaan ng Panginoon kaya yumao na kayo!" Para matapos na ang kwento, namatay ang matanda at ng humarap na sa Panginoon ay hindi naitago ang kanyang pagkadismaya. "Panginoon, bakit mo ako pinabayaan. Malakas naman ang pananampalataya ko sa 'yo?" Sagot ng Panginoon, "Anung pinabayaan kita? Tatlong beses akong nagpadala ng tulong sa 'yo pero tinanggihan mong lahat! Kung naging praktikal lang sana ang pananampalataya mo..." Kailan natin masasabing praktikal ang isang pananampalataya? Alam natin ang kahulugan nito: paniniwala... pagtitiwala. Pero kalimitan ay nakakaligtaan natin ang ikatlong katangian ng praktikal na pananampalataya at ito ay ang... pagsunod! Kaya nga't madalas ay nakakakita tayo ng mga "doble-karang Kristiyano", magaling sa salita ngunit kulang naman sa gawa, saulado ang kapitulo at bersikulo ng Bibliya ngunit hindi naman isinasabuhay ito... Ano ba ang nais ng Diyos sa atin? Simple lang... isabuhay mo ang pinaniniwalaan mo! Maging tulad tayo ng aliping laging handang naghihintay sa pagdating ng Panginoon. Hindi patulog-tulog, tamad, walang ginagawa, nagsasamantala sa kapwa. Ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay! Pananampalatayang hindi lamang laman ng mga isinaulong panalangin o kaalaman sa katesismo, ngunit isang pananampalatayang nakikita sa ating pagsaksi bilang mga tagasunod ni Kristo. Huwang lang nating ipangaral ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap... isagawa natin ito... Tandaan natin na sa ating pinagkalooban nito ay mas higit ang inaasahan sa atin ng Panginoon. Buhay ba ang pananampalataya mo?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento