Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 25, 2010
SMP: SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO: Reflection for Christmas Day - December 25, 2010
Naitanong mo na ba kung bakit may Pasko? Bakit nga ba pinili ng Diyos na maging tao gayong kaya naman Niya tayong iligtas sa isang pitik lamang ng Kanyang kamay? May kuwento ng isang grupo ng mga bibe na tuwang-tuwang nagtatampisaw sa ilog. Sa kanilang katuwaan ay di nila namalayan ang papalapit na unos. May isang magsasakang nagmagandang loob na dalhin sila sa isang kuweba upang mailigtas sa paparating na bagyo. Ngunit sa halip na magpuntahan doon ay nagkanya-kanya sila at hindi sumunod sa pambubugaw na ginawa ng magsasaka. Ang tanging nasabi ng magsasaka ay: "Sana, maging katulad din ako nila, makapagalita sa kanilang lengguwahe ng maintindihan nila ako at mailigtas ko sila!" Bakit nga ba naging tao ang Diyos? Simple lang ang sagot: dahil mahal Niya tayo! Nais niya tayong mailigtas sa pamamagitan ng pag-ari sa ating pagkatao at ng sa ganoon ay maipadama sa ating ang kanyang pagmamahal. Ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao. Sa pananalita ni San Juan: "Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!" (Jn. 3:15) Kung mauunawaan natin ito ay mas magiging makahulugan ang ating Pasko. Magiging kakaiba sa mga nagdaang Pasko na ating naipagdiwang. Kung nais mong maging kakaiba ang Pasko mo ay isama mo si Kristo sa iyong pagdiriwang. Ang mga nagsasabing matamlay ang kanilang Pasko, tulad ng mga miyembro ng SMP ay may maling pag-intindi ng masayang Pasko. Hindi lang ang mga materyal na bagay ang nakapagsasaya sa atin sa Pasko. Hindi masaya ang Pasko sapagkat marami kang pera, may bago kang jowa, may bag o kang damit, o maraming nagregalo sa 'yo. Ang sukatan ng isang masayang Pasko ay kung si Kristo ba ay nasa puso mo! Kung magagawa mo ito ay makakasama ka sa mga tunay na SMP... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! Masaya ang Pasko sapagkat kasama natin si Kristo!
Linggo, Disyembre 19, 2010
ANG PLANO NG DIYOS PARA SA 'YO: Reflection for 4th Sunday of Advent Year A - Jan.19, 2010
Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"
Biyernes, Disyembre 10, 2010
S.M.P. BA AKO NGAYONG PASKO? : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 12, 2010
Labing dalawang tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakailala na may ilan-ilan na magiging mga malungkot ang paskong darating. Sila ang mga bumubuo ng SMP (Samahan ng Malalamig ang Pasko)? Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na karapatang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay. Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa... matulungin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!
Sabado, Disyembre 4, 2010
MAGBAGO KA... NOW NA! : Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 5, 2010
Kailan ba ang huli mong pagkukumpisal? Marami sa atin ang tumatanggap ng "Katawan ni Kristo" sa Banal na Komunyon kapag nagmimisa ngunit ilan kaya ang palaging nagkukumpisal? "Next time na lang po Father... kapag malapit na akong mamatay! Bata pa naman ako. Mahaba pa ang buhay ko!" Tingnan natin kung may katotohanan ito. Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay!Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Handa ka na ba kung tatawagin ka ng Diyos ngayon? Magbago ka NOW NA!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)