Biyernes, Disyembre 10, 2010

S.M.P. BA AKO NGAYONG PASKO? : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 12, 2010

Labing dalawang tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakailala na may ilan-ilan na magiging mga malungkot ang paskong darating. Sila ang mga bumubuo ng SMP (Samahan ng Malalamig ang Pasko)? Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na karapatang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay. Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa... matulungin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!

Walang komento: