Biyernes, Hulyo 29, 2011

TINAPAY AT ISDA: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - July 31, 2011

Nilapitan ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy, laro po tayo..." sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n'yo?" tanong ng bata. "Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera..." sagot naman ng nanay. Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto n'yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya't pasigaw na sumagot, "Para hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa 'yo!" Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy... hindi po ako gutom!" Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata... pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa pagmamahal... gutom sa katarungan ... gutom sa kapayapaan ... Ang Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom. Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit. Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain..." Bagama't si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito. Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan, kakayahan at kayamanan... ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa. Wag mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, simpleng tao ka lang na walang kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa. Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?

Walang komento: