Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 26, 2011
ADBIYENTO... DAPAT KATAKUTAN? : Reflection for the 1st Sunday of Advent Year B - November 27, 2011
Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Kristong Hari na kung saan ay pinaalalahanan tayo na lahat ay may simula at katapusan. Kung kinatatakutan natin ang katapusan ng panahon ay mayroon pa tayong mas dapat katakutan... ang pagsisimula ng panahon ng Adbiyento. Bakit? Tanungin mo ang sarili mo: "May pera ka na ba?" Kung ang sagot mo ay "wala pa", aba... dapat matakot ka na sapagkat malapit na ang Pasko! hehe... Dapat paghandaan mo na ang pagdating ng Pasko. Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy! Mayroong isang katulong na nadatnan ng kanyang kapwa katulong na nanonood ng TV na nakataas pa ang paa sa sofa. Ang pinapanood niya? Tama ang iniisip ninyo... Diyosa! Sinigawan siya ng kanyang kapwa katulong: "Hoy Inday! Anung ginagawa mo d'yan at nanonood ka lang ng TV?" Ang sagot ni Inday: "Eh kasi, kabilin-bilinan ni Mam, wag na wag daw niya akong matatagpuan sa kanyang pagdating na walang ginagawa... kaya eto... nanonood ako!" hehehe... Me katwiran nga naman si Inday. At least, meron siyang ginagawa! Tayo ay nasa unang Linggo na ng Adbiyento. Naghuhudyat ito na tayo ay nasa kapanahunan na ng paghahanda sa pagdating ng Pasko. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda! “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-untiing tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ang pinaghahandaan mo kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!
Biyernes, Nobyembre 18, 2011
TAKE HOME EXAM: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year A - November 27, 2011
Kapistahan ngayon ni Kristong Hari. Ito ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon. Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon. Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda. Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan? Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. May text message akong natanggap: "Sa isang bus. BOY: I hate it when I see a girl standing in a bus while I'm comfortably seated. GIRL: So what do you do? BOY: I just sleep... It hurts my feelings eh!" Madalas din bang masaktan ang iyong damdamin kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan? Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin... dedmahin! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila: tamad kasi! Ayaw magbanat ng buto! Buti nga sa kanila! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Nawa ay pagharian ng pagmamahal ni Kristong Hari ang ating mga puso ng sa gayon ay maging bukas ito sa paglilingkod at ng mapagharian tayo ng kanyang pag-ibig. Mabuhay si Kristo na ating hari!
Sabado, Nobyembre 12, 2011
KATAMARAN (Reposted): Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 13, 2011
"Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring di ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya, tutubo! Ito ay isang halimbawa uli ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang lahat ng biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. At tanungin mo kung nagagamit mo ba ito upang mapalago ang iyong sarili at makatulong sa iyong kapwa. May kuwento ng tatlong magkakaibigang hayop na nagpapayabangan kung ano ang kanilang naibibigay sa kanilang amo. Ang sabi ng manok, "Ako... buwan-buwan ay kung magbigay ng itlog sa ating amo. Yun lang? Ang sabad ng kambing. Ako araw-araw ay nagbibigay ng sariwang gatas! Tahimik lang ang baboy. At sabi niya: Ako isang beses lang magbigay pero ang ibinibigay ko naman ay ang aking sarili... ang aking buong pagkababoy!" Ano na ba ang naibigay mo sa Diyos? Baka naman tinitipid mo siya? Baka tira-tira lang ng biyayang tinatanggap mo mula sa Diyos? O baka "ibinabaon" mo rin sa lupa ang mga ito? Ibigay natin ang lahat sa Diyos. Pagyamanin ang ating buhay na taglay at iaalay natin muli sa kanya. Sabi nga sa ingles: "Our life is a gift from God, what we make of our life is our gift to God!"
Sabado, Nobyembre 5, 2011
BE WISE! : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year A - November 6, 2011
Isa ka ba sa mga pumunta sa sementeryo noong Araw ng mga Patay? Kung hindi ka pumunta ay 'wag kang mag-alala. May natanggap akong isang text noong November 1: "Tinatamad ka bang dalawin ang iyong "loved ones" sa sementeryo? Text DALAW (space) NAME (space), ADDRESS, send to 2366. Sila mismo ang dadalaw sa 'yo! Text na!" Kung hindi ka man pumunta sa sementeryo sana naman ay naipagdasal mo sila! Mahirap ng sila pa ang dadalaw sa iyo! hehehe... Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay maluwalhati na sa kabilang buhay! Nais natin na ligtas sila, masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, kasama na sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro. Sa katunayan ay ito ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Ang mga babaeng matalino ay naniniguro na hindi mawawalan ng langis ang kanilang mga ilawan at hindi naman sila nabigo sa kanilang pagiging segurista. Kung naniniguro tayo sa ating mga kapatid na pumanaw sana ay naniniguro rin tayo sa ating bunay dito sa lupa. Sana tayong lahat din ay "WISE!" Ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang para alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw na ngunit ito rin ay pagkakataong ibinibigay ng Simbahan upang pag-isipan natin ang ating sariling kamatayan. Wag tayong matakot na pag-isipan ito sapagkat ang katotohanan naman ay lahat tayo ay mamamatay. May nauuna lang sa atin ngunit siguradong susunod din tayo. Ang mahalaga ay lagi tayong handa anumang oras na tawagin tayo ng Diyos. Maging "wise" tayo sa ating buhay-kristiyano. Iwasan ang masama, gawin ang mabuti habang may oras pang ibinibigay sa atin ang Panginoon. Hindi dapat laging nasa huli ang pagsisisi. Mag-ipon tayo ng sobrang "langis" ng mabubuting gawa at tatamuhin natin ang biyayang pumasok sa "kasalan" ng Kaharian ng Diyos.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)