Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 31, 2012
BANAL O MAHAL? (Reposted) : Reflection for PALM SUNDAY Year B - April 1, 2012
"Mahal na Araw na naman! Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine. Kapag ganito ang ginagawa natin ang mahal ay ginagawa nating mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang! Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."
Sabado, Marso 24, 2012
PAGPATAY NA BUMUBUHAY: Reflection for 5th Sundau of Lent Year B - March 25, 2012
Sabi ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Kung sa bagay may mga tao naman kasi na sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay... bawal ang pork, hipon, karne, itlog...Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, etc... Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa... Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay.
Linggo, Marso 18, 2012
HUMANAP KA NG PANGIT IBIGIN MONG TUNAY: Reflection for 4th Sunday of Lent Year B - March 18, 2012
May isang pari na mahilig biruin ang kanyang mga parokyano lalong-lalo na ang mga nag-aaply ng kasal. Minsan may lumapit sa kanya at nagtanong,"Father, magkano po ang kasal sa inyong parokya?" Sinagot siya ng pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo." At dinala ng babae sa kanya ang kanyang gwapong nobyo at sabi ng pari, "Iha, sampung libo ang kasal mo dahil sa may itsura ang nobyo mo!" Pagkatapos ay my nagtanong uli sa kanya, "Fadz (short for father), magkano ang kasal sa simbahan ninyo?" Sumagot uli ang pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo!" At pilit na hinila ng babae ang kanyang nahihiyang nobyo. Tiningnan siya ng pari mula ulo hanggang paa at ang sabi, "Iha, libre na lang ang kasal mo!" At pabulong na sinabi ng pari sa babae, "Bakit naman siya ang napili mong pakasalan? Napakalayo ng anyo ninyo. 'Pag nakasal kayo, siya, parang nanalo sa lotto, ikaw naman, nasunugan bahay." At sinabi ng dalaga, "Father, minahal ko siya; hindi sa kanyang anyo kundi sa kanyang puso! I fell in love not with his face. I fell in love... with his heart!" Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!" Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal. Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos ng ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay. Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos Nya tayong minahal. Ang Kanyang Anak ay nagtangi sa mga taong mababa, inaayawan ng lipunan... mga taong makasalanan. Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa. Ang pag-ibig ng Diys ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita sa ating kapwa. "Mag-ibigan kayo, tulad ng pag-ibig ko sa inyo." Ito ang kanyang huling habilin bago niya lisanin ang sanlibutan. Ngayong panahon ng Kuwaresma ay turuan natin ang ating sariling magmahal ng tunay. Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig kundi ang mga tao ring mahirap nating lapitan. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin nating tunay!"
Sabado, Marso 10, 2012
MGA BUHAY NA TEMPLO NG DIYOS: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year B - March 11, 2012
Masama ba ang magalit? Minsang nagmisa ako sa isang patay na nakaburol sa bahay. Hindi ko napigilang magalit bago magsimula ang Misa. Papaano ba naman, pagdating ko pa lang sa lugar ng pinagbuburulan ang tumambad sa akin ay mga kalalakihang lasing na nagvivideoke. Isang dipa mula sa kabaong ay mga lamesa ng mahjong at baraha at mga mga maiingay na nagsusugal. Ang mas nakakagalit ay hindi pa nakahanda ang lugar na pagdarausan ng Misa. Kaya ito rin ang dahilan kung bakit hindi agad-agad akong pumapayag na misahan ang patay sa bahay. At tama lang naman, dahil hindi nabibigyang rispeto ang pagdiriwang ng Banal na Misa; ibig sabihin ay hindi rin nabibigyan ng tamang paggalang ang Diyos! Ito rin ang dahilan kung bakit nagalit si Hesus sa mga nangangalakal sa Templo. Nagalit siya sapagkat hindi nabibigyan ng paggalang ang bahay ng Diyos. Sa katunayan ito ay nagiging lugar pa ng pandaraya at panlalamang sa kapwa. May karapatan siyang magalit sapagkat nilalapastangan ang templo na tahanan ng Diyos. Ngunit higit pa sa gusali ang templong kinakailangan nating igalang ay ang ating katawan. Ang sabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Ang tinutukoy niya ay kanyang katawan. Tayo rin ay naging templo ng Diyos noong tayo ay bininyagan. Nanahan sa atin ang Espirit Santo at ginawa tayong kanyang tahanan. Dapat din nating igalang at alagaan ang ating katawan bilang templo ng Diyos. Paano natin isasagawa ito? Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin tayo, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa. Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga buhay Niyang TEMPLO.
Sabado, Marso 3, 2012
NO ID, NO ENTRY... NO CROSS, NO GLORY: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year B - March 4, 2012
Sabi sa isang text na aking natanggap: "NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! NO ID, NO ENTRY!" Ano'ng "connect?" Ano ba ang ID natin para makapasok sa pintuan ng langit? May kwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na malapit ng maging paru-paro na nakasabit sa isang puno. Tamang-tamang nakita niya ang unti-unting paglabas ng tila isang uod sa kinalalagyan nito. Nakita ng bata ang hirap na hirap na pagpupumilit nitong lumabas. Sa sobrang habag nito ay kumuha siya ng gunting at ginupit ang pupa. Nakalabas naman ang kaawa-awang nilalang ngunit sa laking pagkadismaya niya ay isang "malnourished na paro-paro" ang kanyang nakita na hindi halos maibukas ang di pa kumpletong pakpak. Hindi naunawaan ng bata na kinakailangan talaga nitong maghirap sa paglabas upang makakuha ng kinakailangang "fluids" sa katawan at magamit ito upang magkaroon ng isang malakas at magandang pakpak bilang isang paruparo. Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Hesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipnaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng gawaing bahay. Ito ang ID kung nais nating makapasok sa pintuan ng langit. Tandaan: NO ID, NO ENTRY... NO CROSS, NO GLORY!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)