Linggo, Marso 18, 2012

HUMANAP KA NG PANGIT IBIGIN MONG TUNAY: Reflection for 4th Sunday of Lent Year B - March 18, 2012


May isang pari na mahilig biruin ang kanyang mga parokyano lalong-lalo na ang mga nag-aaply ng kasal. Minsan may lumapit sa kanya at nagtanong,"Father, magkano po ang kasal sa inyong parokya?" Sinagot siya ng pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo." At dinala ng babae sa kanya ang kanyang gwapong nobyo at sabi ng pari, "Iha, sampung libo ang kasal mo dahil sa may itsura ang nobyo mo!" Pagkatapos ay my nagtanong uli sa kanya, "Fadz (short for father), magkano ang kasal sa simbahan ninyo?" Sumagot uli ang pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo!" At pilit na hinila ng babae ang kanyang nahihiyang nobyo. Tiningnan siya ng pari mula ulo hanggang paa at ang sabi, "Iha, libre na lang ang kasal mo!" At pabulong na sinabi ng pari sa babae, "Bakit naman siya ang napili mong pakasalan? Napakalayo ng anyo ninyo. 'Pag nakasal kayo, siya, parang nanalo sa lotto, ikaw naman, nasunugan bahay." At sinabi ng dalaga, "Father, minahal ko siya; hindi sa kanyang anyo kundi sa kanyang puso! I fell in love not with his face. I fell in love... with his heart!" Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!" Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal. Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos ng ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay. Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos Nya tayong minahal. Ang Kanyang Anak ay nagtangi sa mga taong mababa, inaayawan ng lipunan... mga taong makasalanan. Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa. Ang pag-ibig ng Diys ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita sa ating kapwa. "Mag-ibigan kayo, tulad ng pag-ibig ko sa inyo." Ito ang kanyang huling habilin bago niya lisanin ang sanlibutan. Ngayong panahon ng Kuwaresma ay turuan natin ang ating sariling magmahal ng tunay. Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig kundi ang mga tao ring mahirap nating lapitan. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin nating tunay!"

Walang komento: