Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 26, 2012
KULASISI (Reposted & Revised): Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 27, 2012
Iba't iba ang simbolo ng Espiritu Santo sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. E ang ibon?
Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa}. Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha?" hehe... Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! Ang unang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito." Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking kapaligiran? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa.
Miyerkules, Mayo 23, 2012
MARIA TULONG NG MGA KRISTIYANO (Reposted & Revised): Reflection for the Feast of Mary Help of Christians - May 24, 2012
Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "HIndi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tandaan natin: hindi Tagapagligtas ang Mahal na Birhen. Iisa lamang ang ating tagapagligtas, ang ating Panginpoong Jesus. Ang pagbubukas ng bintana ay hindi nangangahulugang may kapangyarihang magligtas si Maria. Ang nais ipahiwatig nito ay maari siyang makatulong sa atin upang mas mapadali ang ating pagpasok sa langit. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang makapangyarihang pamamagitan (intercession) ni Maria... ang Tulong ng mga Kristiyano!
Sabado, Mayo 19, 2012
LANGIT ANG ATING HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension - Year B - May 20, 2012
Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabuloong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumuntan nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako at bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito namana talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay angtao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap sa gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng munding ito ay pandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan at magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan!
Sabado, Mayo 12, 2012
DAKILANG PAG-IBIG: Reflection for 6th Sunday of Easter Year B - May 13, 2012
Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal? Sabi ng isang text na natanggap ko: "ubod ng lungkot... parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw..." hehehe... Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: "Ito ang iniuutos ko sa inyo: magibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa't isa! Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig? Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabslitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay. Dapat ang ating pagmamahal ay gayun din. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal. Kung susundi lamang natin ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa't isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin... isang dakilang pag-ibig!
Biyernes, Mayo 4, 2012
MANATILI AT MAMUNGA: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 6, 2012
May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang "diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!" Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha... tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit sa puno. Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito ay nakaugnay kay Kristo! Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na may kaugnayan kay Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)