Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 4, 2012
MANATILI AT MAMUNGA: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 6, 2012
May tatlong magkakaibigan na nagpapayabangan sa kanilang pananampalataya: isang Muslim, isang Hindu at isang Kristiyano. Nagpunta sila sa isang mataas na gusali at nagpasiklaban sa kanilang sinasambang "diyos." "Sige, tatalon tayo sa gusali at hihingi tayo ng tulong sa ating diyos at ang makakaligtas ang siyang may pinakamakapangyarihang diyos!" Unang tumalon ang muslim. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbulusok ay isinigaw niyang "Allah.. iligtas mo ako!" Lumagpak siya sa lupang bali-bali ang buto. Sumunod naman ang Buddhist. Nakapikit siyang nagmeditate at pagkatapos ay tumalon. Sa kaligitnaan ng kanyang pagbulusok ay sumigaw siya ng "Buddha iligtas mo ako!" At nang malapit na siyang lumagpak sa lupa ay parang himalang dinala siya ng hangin na animo'y bulak at dahan-dahang bumaba sa lupa. At sa kahuli-hulihan ay tumayo ang Kristiyano. Nagtanda ng krus at sabay talon. Sa kalagitnaan ng pagbulusok ay sumigaw siya ng "Hesus, Anak ni David, iligtas mo ako!" Aba... lalo pang bumilis ang kanyang pagbulusok! (9.8 m/sec2) Nang malapit na syang lumagpak ay biglang sigaw ng: "Buddha... Buddha... tuloooong!!!" Tayong mga Katoliko nga naman, madaling kumalas sa ating pananampalataya kapag nahaharap sa kagipitan. Ano nga ba ang nagbibigay ng kasiguruhan sa ating pananampalataya? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay gumamit ang Panginoong Jesus ng isang paglalarawan: ang sangang nakakabit sa puno! Ang sanga ay mabubuhay lamang kung ito ay nakakabit sa puno. Ang ating pananamapalatayang Kristiyano ay mananatili kung ito ay nakaugnay kay Kristo! Noong tayo ay bininyagan ay tinanggap natin ang pananampalatayang ito. Iniugnay tayo kay Jesus. Sa katunayan ay tinaglay natin ang Kanyang pangalan... KRISTIYANO! Ngunit hindi lang sapat na nakakabit sa puno. Dapat din ay namumunga ang sangang ito! Ang ating pagiging Kristiyano ay hindi lamang "baptismal certificate." Ito ay ang matapat na pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan sa pamamagitan sa pagsunod sa utos at kalooban ng Diyos. Sa panahon ngayon na nababalot ng materyalismo, komersiyalismo at hedonismo ay hinahamon tayong mamunga bilang mga Kristiyano. Hindi madali sapagkat ang pinaiiral ng mundo ay kasarapan at kaginhawaan ng pamumuhay. Ayaw ng mundo na kahirapan. Ngunit kailangan ang pagtitiis kung nais nating mamunga. Sabi ng Panginoon: "Pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga." Tanggapin natin ang kahirapan ng buhay bilang pagpuputol at paglilinis ng Diyos sa atin. Kapalit ng pagtitiis na ito ay ang masaganang bunga naman para sa ating may pananampalataya. Manatili tayo kay Jesus. Mamunga tayo ng sagana sa pamamagitan ng mabuting gawa. Ito ang ang tanging paraan upang tayo ay maging mga "buhay na Kristiyano" na may kaugnayan kay Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento