Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 30, 2012
PANANAMPALATAYANG TRIP-TRIP LANG! : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - July 1, 2012
Bakit ganun? Gusto nating pumunta lahat sa langit pero ayaw naman nating mamatay? Bakit ganun? Kasi nga naman walang taong nasa matinong pag-iisip ang magsasabing gusto niyang mamatay! Sa katunayan lahat tayo ay takot sa kamatayan. May isang paring nagpakumpisal. "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala talagang may gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Naniniwala ka pa rin ba sa Diyos o trip-trip lang ba ang pananampalataya mo sa kanya?
Sabado, Hunyo 23, 2012
MABAIT ANG DIYOS: Reflection for the Solemnity of the Birth of St. John the Baptist Year B - June 24, 2012
Isa sa nakakatuwang bahagi ng binyag ay ang pagsasabi ng pangalan ng batang bibinyagan. Doon ka kasi makakarinig ng iba-t ibang uri ng pangalan. May pangalang "in na in" tulad ng "Lady Gaga." Ginaya ito ng isang tatay para sa kanyang anak na lalaki at ang lumabas na pangalan ay "Baby Gago." Minsan naman ay kakaiba ang mga pangalan na tila "out of this world." May nagpabinyag ng baby at ang gusto niyang pangalan ay "Toyota". Ang dahilan ay sapagkat ang pangalan ng panganay ay Ford, at ang kasunod naman nito ay Mercedez kaya itong bunso dapat daw ay Toyota. Sasabihin ko na sana, "Anung gusto n'yong ibuhos natin sa ulo niya? Unleaded ba o diesel?" Ngunit sana ay nag-iingat din tayo sa pagbibigay ng pangalan. Nauuso kasi ngayon ang pagdudugtong ng pangalan ng tatay at nanay. Halimbawa: Jomar, kasi ang tatay ay Jose at nanay naman ay Maria. Ok lang naman kung ganito ngunit minsan kasi ay may nagpabinyag na ang pangalan ng bata ay hango sa pinagdugtong na pangalan ng mga magulang. Ang pangalan ng tatay: Conrado, ang nanay naman ay Dominga. Ang pangalan ng bata: CONDOM! Hehehe. Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga pangalan. Sa katunayan may isang pari kami, na pumanaw na, na binibigyan ng kahulugan ang aming pangalan ayon sa pagkakasunod-sundo ng mga letra nito. Hindi ko alam kong totoo kasi masyado ng worldy o secular ang mga pangalan ngayon. Hindi tulad ng dati, kinukuha pa sa kalendaryo ang pangalang ibinibigay sa bata ayon sa patron o santong ipinagdiriwang sa araw ng kanyang kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating tulad ng "Candelario" o "Immaculada" ay wag ka ng mabigla sapagkat kabilang ka sa mga pangalang sinauna! Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng pangalan. Laging kakambal nito ay ang misyon na iniaatang sa isang tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At "Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!"...mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila nang biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin...dapat tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos. Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos ay patuloy pa ring mabait sa atin. Maging mabait din tayo sa iba. Dapat ay nasasalamin sa atin ang kabaitan ng Diyos. Maging mapagkumbaba, mapang-unawa at mapagpatawad sa maraming kakulangan ng ating kapwa sapagkat tayo rin naman ay may pagkukulang sa ating sarili. Maging mabait din tayo sa ating sarili. Maging mapagpasensiya tayo sa ating pagkakamali at kayang patawarin ang ating sarili sa ating masamang nakaraan. Si Juan Bautista ay nakalaan para maging dakila. Hindi lamang sapagkat siya ay hinirang na tagapaghanda ng daraan ng Panginoon ngunit sapagkat siya ay naging tapat sa kahulugan ng kanyang pangalan. Tayo rin, kung isasabuhay lamang natin ang kahulugan ng pangalang "Kristiyano" na ating taglay ay magiging dakila rin tayo sa harapan ng ating Diyos.
Sabado, Hunyo 16, 2012
MY DADDY DEAREST: Reflecton for 11th Sunday in Ordinary Time Year B - June 17, 2012 - Fathers' Day
Isang kuwento tungkol sa mga tatay: May isang ama ng tahanan na hindi nagagampanan ang tungkulin sa kanyang pamilya,iresponsable, sugarol, walang malasakit sa asawa at higit sa lahat, walang oras para sa kanyang mga anak. Minsan naisipan niyang baguhin ang kanyang sarili at maging isang mabuting ama. Kaya isang araw ay ipinasyal niya ang kanyang pamilya sa isang "amusement park". Sa loob ng park ay may isang lugar na ang tawag ay "Echo Point." Nagtanong ang kanilang anak kung ano ito at sinabi ng nanay: "Anak, ito ay lugar na puno ng alingaw-ngaw. Kapag sumigaw ka ay babalik sa iyo ang sinigaw mo ng maraming beses. Pakinggan mo." At sumigaw ang nanay: "I love you!" at biglang umalingaw-ngaw ng: "love you, love you, love you, you...you... you... Namangha ang bata at sumigaw din. "I hate you!" Ang alingawngaw: "hate you, hate you,you,you..." At sabi ng bata sa kanyang ama: "Tay, ikaw naman. Sigaw ka rin. At sumigaw ang tatay: "I am a good Father!" At ang bumalik na tinig: "Sinungaling, sinungaling, ngaling, ngaling... ngaling!" hehehe. Kung sisigaw kaya ngayon ang mga tatay ng "I am a good father", ano kaya ang babalik na echo? Kapag ako ay nagpapakumpisal sa mga kabataan, ito ang malimit nilang tanong sa akin, "Father, bakit ganun ang tatay ko, iresponsablen, mabisyo, walang panahon para a amin. Ano ang gagawin ko?" Ang lagi ko lang sagot ay: "Anak, hindi mo puwedeng baguhin ang tatay mo. Siya lang ang puwedeng bumago sa kanyang sarli. Kailangan mo lang ng pasensya, tiyaga, at pagtitiwala na balang araw magbabago rin siya. Siguro simulan mo munang baguhin ang iyong sarili. Maging responsable kang anak, mag-aral ng mabuti, maglaan ng oras sa bahay at maging masipag. Kapag nakita yan ng tatay mo, magbabago siya!" Pasensya, pagtitiyaga, at pagtitiwala... ito rin ang nais ni Jesus na gawin natin upang lumaganap ang paghahari ng Diyos. Katulad ng isang binhing itinanim, hindi naman agad ito nagbubunga. Kailangan muna nitong manatili sa lupa, umusbong, tumubo, lumaki at pagkatapos ng mahabang panahon... magbunga! Upang mangyari ang mga ito, kailangan ng mahabang paghihintay, pagpapasensya at pagtitiwala. Hayaan natin ang Diyos ang magtarabaho at gumawa. Magtiwala tayo na Siya ay nasa ating piling. Kahit gaano kasama ang mundo, kahit puro na lang kahirapan at problema ang nararanasan natin sa ating pamilya, kahit panay pagkabigo ang ating buhay, magtiwala tayo na ang Diyos ay gumagalw at may plano siya para sa atin. Sapat lamang na tayo ay magtiwala sa kanyang maka-amang pagmamahal. Kung ang mga tatay natin sa lupa ay hinahangad ang ating kabutihan, paano pa kaya ang Diyos na ating Ama. Makalimot man ang ating mga tatay sa kanilang tungkulin, ang Diyos bilang Ama ay mananatiling tapat sa atin. Mga kapatid magtiwala tayo sa maka-amang pagkalinga ng Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. Gampanan lamang natin ng tapat ang ating mga tungkulin bilang kanyang mabubuting mga anak. Mapalad tayo sapagkat may Diyos tayo na natatawag nating... AMA. Tatay, daddy, dad, erpat, pafu, papa... anuman ang ating itawag sa ating mga ama, ang ating Diyos bilang ama ay mananatili pa rin bilang ating... MY DADDY DEAREST!
Sabado, Hunyo 9, 2012
SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 10, 2012
Muli na namang pinagkaisa ng "Pambansang Kamao" ang ating bansa! Talagang kakaiba ang nangyayari kapag may laban si Manny Pacquiao, humihinto ang pag-ikot ng mundo: tigil putukan muna ang mga rebelde at sundalo ng gobyerno, day-off muna ang mga holdapers at snatchers, pahinga muna ang mabigat na traffic sa kalsada... lahat ay nakatunghay sa harap ng telebisyon, radyo at internet at malugod na sinusubaybayan ang bawat suntok at pag-ilag ng ating "bayani". Tunay ngang pinagkakaisa ng "Pambansang Kamao" ang mamamayang Pilipino! Kung si Manny Pacquiao ay simbolo ng pagkakaisa nating mga Pilipino, Si Jesus naman sa Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay "Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa! Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Marahil ay hindi kailanman mapapapantayan ang kakaibsng karisma ng ating pambansang kamao ngunit bilang Kristiyano ay maari naman nating matularan si Kristo. Tayo rin ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. Pagkakaisang mananatili at hindi panandalian lamang. Pagkatapos ng laban ni Manny Pacquiao "back to bussiness" na naman ang mga magnanakaw at kriminal, balik putukan na naman ang mga sundalo at rebelde, buhol-buhol na naman ang trapik sa kalsada. Wala na namang pagkakaisa! Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA!
Sabado, Hunyo 2, 2012
I AM NUMBER 3 : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year B - June 3, 2012
May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso. May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang mumber one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!" Ad maiorem Dei gloriam! (All for God's glory!) Ang Banal na Sangtalo at ang Kanyang pag-ibig ang dapat na maghari sa ating buhay!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)