Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Agosto 24, 2012
SUNDIN ANG LOOB MO: Reflection for 21st Sunday in Ordinary time Year B - August 26, 2012
May isang pari na nangangaral tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!" Bakit nga ba ganoon? Bakit parang pinipili natin ang gusto nating maintindihan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating mapakinggan? Bakit maraming Katoliko ang lumalaban sa aral ng Simbahan tungkol sa abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Bakit may mga Katolikong sumasalungat sa turo ng Simbahan kapag ang pinag-usapan na ay RH Bill? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos at mas mahirap isabuhay ito. Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita. At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?" Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang RH Bill ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan. Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!"
Biyernes, Agosto 17, 2012
EAT AND LIVE! : Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 19, 2012
Sabi ng isang kantang ginawa namin sa isang Musicale: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same, so why not EAT and DIE!" Puwede rin itong gawing motto ng mga taong ang tanging kahulugan ng buhay ay "kumain." Ang kumain ang isa sa mga mahahalagang gawain natin bilang tao. Lalo na tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may bonggang kainan! Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! Tanggapin natin siya at magkakamit tayo ng "buhay na walang hanggan!" Hindi ibig sabihing mabubuhay tayo magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay ang "Buhay-Diyos" na ating tinatanggap kapag nanatili tayo kay Jesus. Isang buhay na masaya, mapayapa, walang inaalala sa kabila ng maraming kaguluhan at alalahanin sa buhay. Kaya nga sa pagtanggap natin sa katawan ni Jesus sa Banal na Misa, hindi tayo "eat and die!" Sa halip "we EAT AND LIVE!"
Martes, Agosto 14, 2012
ANG MAGAANG... TUMATAAS! (Revised) : Reflection for the Solemnity of the Assumption - August 15, 2012
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan."Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
Sabado, Agosto 11, 2012
PAGKAGUTOM: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 12, 2012
Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang mga araw. Kung paanong tila naulit na naman ang bangungot ni Ondoy. Wala namang bagyo ngunit ang hanging habagat ay nagdala ng ilang araw na pag-ulan at kasama nito ay ang nakapipinsalang baha! Sinasabing sa isang banda ay mas nahigitan nito ang bagsik ni Ondoy sapagkat mas matagal ang perwisyong idinulot nito sa mas maraming tao! Ang resulta mas maraming kumakalam na sikmura, mas maraming taong gutom at walang makain. "Pagkain" ang sigaw ng ating mga kababayan sa maraming relocation center. Ang iba ay mas pinili pang manlimos sa kalsada para lamang may pantawid gutom sa kanilang pamilya. Kung babasahin mo ang mga mukha ng marami nating kababayang lagi na lamang nasasalanta ng ganitong trahedya ay parang sinasabi nilang: "Tama na! Sobra na! Pagod na kami!" Ngunit ito'y isang uri lamang ng pagkagutom. May pagkagutom na hindi inaangal ng sikmura. May pagkagutom na hindi pisikal. May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay na nagbibigay sa atin ng pag-asa! Tanggapin natin ang kanyang paanyaya. Makibahagi tayo sa alok niyang buhay ng sa gayon tayo naman ang magbibigay din nito sa iba. Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang tunay na kahulugan ng kaligayahan!
Sabado, Agosto 4, 2012
MGA BUTIHING PASTOL: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time B - Linggo ng Mga Kura Paroko - August 5, 2012
Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!" Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro... "Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Kahapon ang kapistahan ni San Juan Maria Vianney at ngayon ay inaalala at pinagdarasal natin ang mga paring nangangalaga sa ating parokya. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Diyos? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa "pastulang mainam." Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus. Ipagdasal natin sila sa paggabay sa kanilang kawan tungo sa isang moral na pamumuhay! Marami ang mga bumabatikos sa kanila lalo na sa kasalukuyang isyu ng RH Bill dahil sa kanilang paninindigan sa turo ng Simbahan na tapat nilang ipinapahayag sa kanilang nasasakupan. Hindi sila mabubuting pastol kung hindi nila ito gagawin. Ipagdasal din natin ang isa't isa na maging bukas sana ang ating isipan kapag itinuturo sa ating ang mga utos ng Simbahan. Iba man ang ating pananaw, hindi man tayo sa sang-ayon dahil sa iba ang takbo ng ating pag-iisip, at taliwas man ang ating paniniwala sa usaping ito, ay manaig pa rin sana ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos na ipinapahayag sa atin ng mga turo ng Simbahan. Walang ibang layunin ang Simbahan kundi upang ihatid tayo sa "pastulang mainam." Nawa ay maging mabubuti tayong kawan sa pamumuno ng ating mga butihing pastol at ng ating Mabuting Pastol... ang ating Panginoong Jesus!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)