Sabado, Agosto 11, 2012

PAGKAGUTOM: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 12, 2012


Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang mga araw. Kung paanong tila naulit na naman ang bangungot ni Ondoy. Wala namang bagyo ngunit ang hanging habagat ay nagdala ng ilang araw na pag-ulan at kasama nito ay ang nakapipinsalang baha! Sinasabing sa isang banda ay mas nahigitan nito ang bagsik ni Ondoy sapagkat mas matagal ang perwisyong idinulot nito sa mas maraming tao! Ang resulta mas maraming kumakalam na sikmura, mas maraming taong gutom at walang makain. "Pagkain" ang sigaw ng ating mga kababayan sa maraming relocation center. Ang iba ay mas pinili pang manlimos sa kalsada para lamang may pantawid gutom sa kanilang pamilya. Kung babasahin mo ang mga mukha ng marami nating kababayang lagi na lamang nasasalanta ng ganitong trahedya ay parang sinasabi nilang: "Tama na! Sobra na! Pagod na kami!" Ngunit ito'y isang uri lamang ng pagkagutom. May pagkagutom na hindi inaangal ng sikmura. May pagkagutom na hindi pisikal. May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan. Si Jesus ang Tinapay ng Buhay na nagbibigay sa atin ng pag-asa! Tanggapin natin ang kanyang paanyaya. Makibahagi tayo sa alok niyang buhay ng sa gayon tayo naman ang magbibigay din nito sa iba. Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang tunay na kahulugan ng kaligayahan!

Walang komento: