Linggo, Abril 28, 2013

PAGBABAGO: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - April 21, 2013 - Year of Faith

Kasabay ng mainit na panahon ngayong summer ay ang mainit na pangangampanya ng mga kandidato para sa Halalan 2013.  Halos lahat ng kandidato ay may dala-dalang pangakong "pagbabago"  para sa ating bayan.  "Kapag kami ang ibinoto ninyo, magdadala kami ng pagbabago!"  Pababagong dadalhin daw ng mga pangakong mula sa "mga tunay na matuwid sa daang matuwid", o kaya naman ay ang pangakong sa kanila raw ay "gaganda ang buhay!"  Hindi ito ang unang pagkakataong pinangakuan tayo ng pagbabago.  Sa katunayan ay lumang tugtugin na ang mga ito.  Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan.  Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin?  Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito?  May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao.  Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa paghahanda sa darating na halalan sa Mayo 13.  Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na LP at UNA.  Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng UNA at LP.  Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, PDP Laban at UNIDO." Lalong naguluha si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan.  Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang ang kanyang napagtanungan.  Sagot ng binata:  'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang!"  At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated."  Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang ang nangyayari sa mga tumatakbong kandidato sa ating lipunan.  Wala silang pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters. Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal. Kapag may katarungan ay walang pandaraya, pamimilit at pagyapak sa dignidad ng kapwa. Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang.  Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may pagmamahal.  Ang pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano.  Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos.  "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin.  Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba.  Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag:  "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!"  Nayong Taon ng Pananampalataya ay pairalin natin ang katarungan at pagmamahal sa pakikitungo sa ating kapwa. Ipagdasal natin ang patuloy na paghahanda sa darating na halalan upang pamayanihan ito ng kaayusan at kapayapaan.  Tahakin natin ang daang matuwid ng katarungan at pagmamahal ng sa gayon ay marating natin ang kagandahan ng buhay.

Sabado, Abril 20, 2013

PINTUANG BUKAS: Reflection for 4th Sunday of Easter Year C - aPRIL 14, 2013 - YEAR OF FAITH


Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing PastolSiya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Sa modernong takbo ng pamumuhay ngayon at malakas na impluwensiya ng komersiyalismo at materyalismo ay tila napakahirap ng mag-anyaya ng mga kabataang nais sumunod sa yapak ni Jesus. Ngunit mas mahirap itong ipaliwanag kung hindi muna natin naiintindihan ang ibig sabihin ng salitang "bokasyon". Ano ba ang ibig sabihin ng bokasyon? Sagot sa aking ng isang bata: "Father ang pinto pag hindi nakasara... bukas yon!" hehehe... May tama ang batang iyon at tunay namang may punto ang kanyang sagot. Ang isang pintong bukas ay naghihintay... nag-aanyaya! Ang bokasyon ay ang paghihintay ng Diyos sa kanyang paanyaya sa atin. Ito ay ang ating pagtugon sa Kanyang pagtawag. Ang unang pagtawag ng Diyos ay ang tayo ay mabuhay bilang tao (human vocation). Sinasagot natin ito kung nabubuhay tayo ng mabuti at kapag pinagyayaman natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ang ikalawang pagtawag ay ang ating pagiging Kristiyano (Christian vocation). Sinasagot natin ito kapag tayo ay nabubuhay na katulad ni Kristo (Christ-like). Ang resulta ay ang pinakamataas na pagtawag ng Diyos sa atin... ang pagiging banal (Call to Holiness!). Isinasagawa natin ang mga ito sa iba't ibang estado ng ating buhay bilang may asawa, single o walang asawa, at bilang pari o relihiyoso. Lahat ay daan tungo sa kabanalan. Bukas ang pintuang nag-aanyaya at ang pintuan ay walang iba kundi si Jesus! Siya ang pintuan na kung saan ay dapat dumaaan ang Kanyang mga tupa. Nakasalalay ang ating kaligayahan sa pagpasok sa tamang 'pintuan'... sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Ngayong Taon ng Pananampalataya ay muling nag-aanyaya ang Diyos na buong pagtitiwala nating tugunan ang kanyang pagtawag upang mabuhay na buhay...pagtawag upang maging mga tunay na tagasunod ni Kristo at pagtawag upang maging mga taong may taglay na kabanalan sa kanilang sarili. Marami ang tinatawang ni Jesus sa pag-aasawa at pagtatayo ng pamilya.  Ang ilan naman ay sa  "Single Blessedness" na kung saan ay nakikita nila ang kaganapan ng buhay sa paglilingkod. Ngunit may kaunti na tinatawag ng Diyos sa isang buhay na ganap na pagbibigay ng sarili sa Diyos at sa tao.
Kapag tinawag ka ng Diyos sa pagpapari o pagmamadre ay wag ka ng mag-atubili pa! Wag magpatumpik-tumpik! Wag kang matakot o mag-alinlangan sapagkat hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang tinawag. Paano na ang pamilya ko? Sino na ang mag-aalaga sa aking mga magulang at mga kapatid? Paano na ang career ko? Paano na ang mga kaibigan ko? Iiwanan ko ba silang lahat? Kung minsan din ay pinangungunahan tayo ng ating "kakulangan" at naiisip nating di tayo karapat-dapat sa pagtawag ng Diyos. Ang Diyos na tumatawag sa atin ang magpupuno ng ating kakulangan. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay upang sumunod sa Kanya! Pamilya, kaibigan, kayamanan, "career", kakayahan at kakulangan ay di dapat hadlang sa pagpasok sa "Pintuan". Isa lang ang pintuan... si Jesus! At sa Kanya nakasalalay ang ating kaligayahan. Kung nais mong tunay na lumigaya ay sagutin mo ang paanyaya ng Mabuting Pastol.

Sabado, Abril 13, 2013

MAHAL MO BA AKO? : Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - April 14, 2013 - YEAR OF FAITH

Noong nakaraang mga taon ay nauso ang mga "cheezy text" kung tawagin! Kung sa bagay hanggang sa ngayon ay may nagpapadala pa rin naman nito paminsan-minsan. Nag-evolve pa nga ito sa mga "pick-up lines" na talaga namang nakakakilig "to the bones."  Sa katunayan sa dami ng ganitong uri ng texts ay nakagawa at napasikat ang isang kanta na pinamagatang "Mahal kita... kasi!" Ganito ang ilang banat ng kanta: "Bangin ka ba kasi... nahuhulog na ang puso ko sa 'yo kasi! Unggoy ka ba kasi sumasabit na ang puso ko naman kasi! Pustiso ka ba... You know I can't smile without you..." May nagtext pa nga sa akin: "Alam mu feeling ko di ako magaling pag target... lagi kasi kitang NAMIMISS!"  Namiss din ba kaya ng mga alagad si Jesus? Ayon sa Ebanghelyo, pagkatapos mamatay si Jesus ay hindi naman agad  naniwala ang mga alagad na siya ay muling nabuhay. Sa katunayan ay nagdesisyon silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro ay nilapitan si Jesus. Namiss ni Pedro ang kanyang bossing! Namiss niya ang kanyang kaibigan. Namiss niya ang kanyang Panginoon! At dito nga naganap, pagkatapos nilang kumain ang "cheezing" pag-uusap ng Panginoon at alagad! “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus sapagkat marahil ay bumalik sa kanyang ala-ala kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala siya na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Sabi ng isang librong aking nabasa: "Believe in a God who believes in you!" May tiwala ang Diyos sa atin kaya dapat lang na hindi mawala ang ating pagtitiwala sa Kanya!  Ngayong Taon ng Pananampalataya, palalimin natin ang ating pagtitiwala sa isang isang Diyos na unang nagtiwala sa atin.

Sabado, Abril 6, 2013

DOUBT NO LONGER BUT BELIEVE! : Reflection for 2nd Sunday of Easter Year C - April 7, 2012 - YEAR OF FAITH

Isang matandang pari ang kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguihin ang kanyang masamang pag-uugali.  Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried..." pero may karugtong "... and on the third day he rose again!" May katwiran ngang magduda ang kanyang kasama kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda!  Kahit nga nga tayo ay laging naghahanap muna ng katibayan bago paniwalaan ang isang bagay. "To see is to believe!"  Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya! Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..." At ngayong Taon ng Pananampalataya ito rin ang paanyaya sa 'tin; palalimin natin ang ating pagtitiwala sa Diyos.  Siya ay nag-aanyaya sa ating makibahagi sa Kanyang buhay tulad ng isang bukas na pintuan.   Ang pakikibahagi sa Kanyang buhay ay nangangahulugan ng isang tunay na pagbabago at pagtalikod sa ating dating buhay ng pagkakasala. Ito ang ibig sabihin ng mulng pagkabuhay kay Kristo!  Ito rin ang ibig sabihin ng "pagkakaroon ng buhay sa pamnamagitan Niya."