Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Abril 28, 2013
PAGBABAGO: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - April 21, 2013 - Year of Faith
Kasabay ng mainit na panahon ngayong summer ay ang mainit na pangangampanya ng mga kandidato para sa Halalan 2013. Halos lahat ng kandidato ay may dala-dalang pangakong "pagbabago" para sa ating bayan. "Kapag kami ang ibinoto ninyo, magdadala kami ng pagbabago!" Pababagong dadalhin daw ng mga pangakong mula sa "mga tunay na matuwid sa daang matuwid", o kaya naman ay ang pangakong sa kanila raw ay "gaganda ang buhay!" Hindi ito ang unang pagkakataong pinangakuan tayo ng pagbabago. Sa katunayan ay lumang tugtugin na ang mga ito. Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan. Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin? Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao. Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa paghahanda sa darating na halalan sa Mayo 13. Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na LP at UNA. Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng UNA at LP. Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, PDP Laban at UNIDO." Lalong naguluha si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan. Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang ang kanyang napagtanungan. Sagot ng binata: 'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang!" At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated." Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang ang nangyayari sa mga tumatakbong kandidato sa ating lipunan. Wala silang pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters. Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal. Kapag may katarungan ay walang pandaraya, pamimilit at pagyapak sa dignidad ng kapwa. Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang. Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may pagmamahal. Ang pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano. Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos. "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin. Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba. Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag: "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!" Nayong Taon ng Pananampalataya ay pairalin natin ang katarungan at pagmamahal sa pakikitungo sa ating kapwa. Ipagdasal natin ang patuloy na paghahanda sa darating na halalan upang pamayanihan ito ng kaayusan at kapayapaan. Tahakin natin ang daang matuwid ng katarungan at pagmamahal ng sa gayon ay marating natin ang kagandahan ng buhay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento