Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 4, 2013
KAPAYAPAANG HANDOG NI KRISTO: Reflection for 6th Sunday of Easter Year C - May 5, 2013 - Year of Faith
Saan nga ba matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano ba natin ito makukuha? Maari ba natin itong makamit? Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon. Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan. Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan. Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili. At pinakawalan niya ang kalapati. Nagpalipad-lipad ito. Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa. Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan. Hanggang sa makalabas ang kalapati. Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan." Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na "kalapati ng kapayapaan" upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili. KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo! Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan." Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito. Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo. Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos. Kaya nga ang kapayapaan ay "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili. Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay. Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan" ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran. Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Pangalawa ay ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin, Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang. At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Sa Taon ng Pananampalataya ay pagsumikapan nating kamtin ang tunay na kapayapaan. Magtiwala tayo na pasasaan bat makakamit din natin ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay kay Kristo at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay. Ipagdasal natin ang darating na halalan na sana ay pagharian ng tunay na kapayapaang nagmumula sa Diyos na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Jesus!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
3 komento:
Mag-post ng isang Komento