Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 25, 2013
GOOD THINGS COME IN THREE: Reflection for the Solemnity of the Most Blessed Trinity Year C - May 26, 2013 - YEAR OF FAITH
May kasabihan tayo sa ingles na "All good things come in three!" Siguro nga. Kaya siguro kapag nagbigay ka ng rosas sa taong mahal mo ay nagbibigay ka ng tatlo. Kapag nagbigay ang "genie" ng kahilingan ay dapat tatlo lang! Kapag nagbilang ka upang simulan ang isang bagay ay "One... two... three... GO!!!" Nagbibigay din ng kaligayahan ang "tatlo". Naririyan ang grupo ng "Three Stooges" nung kapanahunan ng mga lolo at lola natin. Sumikat din ang Big Three Sulivans, (nakakarelate ba kayo?), Apo Hiiking Society, Tito, Vic & Joey (ayan kilala n'yo na siguro!). Sa "numerology", ang numerong 3 ay sumasagisag sa kahulugang "all is given!" sapagkat tinataglay nito ang simula, gitna at katapusan. Kaya nga't ginagamit ito sa pagsasalarawan ng maraming katotohanan: halimbawa ay 1) heaven, earth and water, 2)body, soul and spirit, 3) birth, life and death, 4) past, present and future. Kahit sa Bibliya ay makikita ang paggamit ng sets of three: 3 gifts of the Magi, 3 temptations of Christ, 3 denials of Peter, 3 crosses in Calvary, 3 days of Christ's death, 3 appearances of the Resurrected Christ, 3 Mary's, 3 theological virtues, etc... at syempre ang tampok sa lahat ay ang 3 Persona ng Iisang Diyos o tinatawag nating Holy Trinity. Ngayon ang ang kapistahan ng Banal na Santalo: Ama, Anak at Espiritu Santo. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagpapahayag ng Diyos sa tao, masasabi natin na sa pamamagitan ng Misteryong ito ang pagpapahayag ng Diyos ay "All is given!" Natapos na at pinaging ganap na ang pagpapahayag ng Diyos. Bagama't hindi diretsahan ay ito ang pilit na ipinapahayag ni Jesus katulad ng ating narinig sa Ebanghelo ngayon. Binanggit ni Jesus ang Ama, Anak at Espiritu Santo bilang pagpapahayag ng mga Misteryo ng Diyos bagamat hindi pa rin natin lubos na mauunawaan: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon." (Jn. 16:12) Bagama't hindi natin lubos na matatalos ang kahulugan ng Banal na Santatlo dahil ito'y "Misteryo", hindi ibig sabihin na hindi na natin ito maaring makatagpo. Ayaw ng Diyos na pilit natin Siyang unawain bagkus mas nais Niyang Siya'y ating mahalin! Tanging ang mga taong marunong magmahal ang makakaunawa kung sino ba talaga ang Diyos! Kaya't pansinin ninyo na ang mga taong mapagpatawad, mapag-aruga at mapagmahal ang mga taong tunay na masaya sapagkat nararanasan nila ang Diyos bilang pag-ibig. Samantalang ang mga taong puno ng poot, mapaghiganti, mapagsamantala sa kapwa ay mga taong walang saysay ang buhay at kailanman ay hindi makikilala ang Diyos. Kaya nga't sa Kapistahang ito ng Banal na Santatlo ay inaanyayahan tayong iparanas ang pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Hindi man natin maipaliwanag ng husto ang Misteryo ng Banal na Santatlo sapat ng maipadama natin ang Kanyang pagmahahal sa bawat taong ating nakakatagpo. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay hinahamon tayong gawin nating buhay ang mga misteryong hindi natin maipaliwanag. Bigyang buhay natin ang mga katotohanang ating pinaniniwalaaan. Ang Misteryo ng Banal na Santatlo ay mabibigyang buhay lamang natin kung tayo ay matututong magmahal. Ibigin mo ang Diyos, ibigin mo ang iyong kapwa. mahalin mo ng tama ang iyong sarili at makikita kong ang misteryong ito ay magliliwanag sa iyong buhay at tatanglaw sa iba at magpapanibago sa mundong nababalot ng dilim ng pag-aalinlangan!
Huwebes, Mayo 23, 2013
TO JESUS THROUGH MARY: Reflection for the Feast of Mary Help of Christians - May 24, 2013 -YEAR OF FAITH
Mayroong isang kuwento na minsan daw sa langit ay naglalakad ang Panginoong Hesus at nakakita siya ng mga di kilalang kaluluwa na gumagala sa Kanyang kaharian. Agad niyang tinawag si San Pedro upang tanungin kung sino ang mga bagong "migrants" na iyon. Walang masabi si San Pedro kaya't katakot-takot na sermon ang inabot niya sa Panginoon. "Hindi ba sabi ko na sa iyong isarado mong mabuti ang pinto upang walang makakapasok dito na hindi natin nalalaman?" Sabi ni Hesus. Tugon ni San Pedro: "Sinasarado ko naman po... kaya lang ang nanay ninyo binubuksan naman ang bintana at doon ipinupuslit ang mga migranteng ito!" hehehe... Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng aral tungkol sa ating Mahal na Birhen. Tandaan natin: hindi Tagapagligtas ang Mahal na Birhen. Iisa lamang ang ating tagapagligtas, ang ating Panginoong Jesus. Ang pagbubukas ng bintana ay hindi nangangahulugang may kapangyarihang magligtas si Maria. Ang nais ipahiwatig nito ay maari siyang makatulong sa atin upang mas mapadali ang ating pagpasok sa langit. Tunay ngang siya ay "tulong ng mga Kristiyano" o "Help of Christians". Ang kasaysayan ang ating patunay na si Maria ay laging tumutugon sa pangangailanan ng Simbahan. October 7, 1571 ng magapi ng mga mandirigmang Kristiyano ang mga turko sa malamilagrong "Battle of Lepanto. May 24, 1814 ng nakalaya si Pope Pius VII sa pagkakabihag ni Napoleon at nawala ang pagtatangkang sirain ang Simbahan. Noong panahon ni Don Bosco (1815-1888) ay talamak at hayagan ang pagbatikos sa Simbahan ng mga "Anti-clericals". Lahat ng pagsubok na yan ay nalagpasan ng Simbahan sa pamamagitan ng pamimintuho at debosyon sa kanya. Kaya nga't hindi nagdalawang isip si Don Bosco upang kunin siyang patron ng kanyang gawain. Hanggang ngayon ay patuloy ang paggawa ni Maria ng himala at namamagitan siya sa pangangailangan ng Simbahan. Marami pa rin ang sumisira at tumutuligsa sa ating pananampalataya. Hingin natin ang kanyang makapangyarihang pamamagitan upang mapangalagaan ang ating Simbahan. Ang ating buhay dito sa lupa ay paglalakbay... PATUNGO KAY JESUS KASAMA ANG MAHAL NA BIRHENG MARIA!
Sabado, Mayo 18, 2013
BUHAY SA PAGGABAY NG ESPIRITUNG BANAL: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year C - May 19, 2013 - YEAR OF FAITH
Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman yan!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pinananatili Niya itong banal sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang Simbahan ay sapagkat pinananatili ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Ngayong Taon ng Pananampalataya, hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga. Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon. Mabuhay tayo sa ayon Espiritu. Tahakin natin ang landas ng pagpapakabanal...
Linggo, Mayo 12, 2013
MGA BUHAY NA SAKSI... DAPAT TAMA! : Reflection for The Solemnity of the Lord's Ascension Year C - May 12, 2013 - Year of Faith
Bukas ay marami sa atin ang lalabas ng bahay upang bumoto. Muli nating gagamitin ang ating kapangyarihan upang humalal ng mga taong tatawagin nating "mga punong-lingkod" (servant leaders) ng ating bayan. May mga pangalan ka na bang naglalaro sa iyong isipan? Sigurado ka na ba sa pagpili mong gagawin? Sa ating pagpili at pagdedesisyon lagi nating siguraduhing... DAPAT TAMA! Tama ang ating desisyon kung ito ay gagawin natin ng may pagsasaalang-alang sa ating "identity" bilang mga Pilipino at Kristiyano. Tandaan natin na mayroon tayong "dual citezenship". Mamamayan tayo dito sa lupa ngunit tayo rin ay mamamayan ng langit! Kaya dapat sa ating pag-iisip at kilos tayo ay mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayang Pilipino. Ang pagtupad ng mabuti sa ating tungkulin bilang mamamayan ng ating lipunan sa pamamagitan ng tapat na pagboto ay ang ating pagiging saksi bilang mga Kristiyano. Nang si Jesus ay iniakyat sa langit, naiwan ang mga alagad na nakatingin sa alapaap. Dalawang lalaking nakaputi ang tumayo sa harap nila at nagsabi: “Mga taga-Galilea, bakit kayo narito’t nakatingala sa langit? Itong si Hesus na umakyat sa langit ay magbabalik tulad ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Sinasabi nito na dapat ay hindi tayo maiwan sa pagkamangha kay Jesus. Ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang paghanga kay Jesus na muling nabuhay at umakyat sa langit. Ang pagiging Kristiyano ay pagiging saksi sa ating Panginoong sinasamba! Kaya nga sa Ebanghelyo ay pinaaalalahanan naman tayong maging mga buhay na saksi ni Kristong muling nabuhay: "Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito." Ngayon din ay ang "Linggo ang Komunikasyong Pandaigdig". Pinapaalalahanan tayo ng Simbahan na tayo ay mga instrumento ng pagpapahayag ng mabuting balita ni Kristo. Napakaraming paraan ng komunikasyon ang magagamit natin ngayon sa ating modernong panahon tulad ng internet, mobile communication, broadcast at print media at iba pa. Gamitin natin ang mga ito at huwag tayong pahuhuli. Ngunit tandaan natin na ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!" Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!"Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri... Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos... Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!
Sabado, Mayo 4, 2013
KAPAYAPAANG HANDOG NI KRISTO: Reflection for 6th Sunday of Easter Year C - May 5, 2013 - Year of Faith
Saan nga ba matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano ba natin ito makukuha? Maari ba natin itong makamit? Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon. Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan. Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan. Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili. At pinakawalan niya ang kalapati. Nagpalipad-lipad ito. Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa. Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan. Hanggang sa makalabas ang kalapati. Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan." Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na "kalapati ng kapayapaan" upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili. KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo! Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan." Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito. Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo. Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos. Kaya nga ang kapayapaan ay "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili. Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay. Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan" ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran. Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Pangalawa ay ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin, Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang. At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Sa Taon ng Pananampalataya ay pagsumikapan nating kamtin ang tunay na kapayapaan. Magtiwala tayo na pasasaan bat makakamit din natin ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay kay Kristo at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay. Ipagdasal natin ang darating na halalan na sana ay pagharian ng tunay na kapayapaang nagmumula sa Diyos na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Jesus!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)