Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 26, 2013
DASAL-EPAL: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 27, 2013 - YEAR OF FAITH
Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Habang nalalapit ang pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya ay isapuso natin ang tunay na diwa ng panalangin. Maging mapagkumbaba sa pagdarasal. Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba. Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!
Biyernes, Oktubre 18, 2013
PREXTING: Prayer in Texting! : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 20, 2013 - YEAR OF FAITH
Kakatapos lamang ng tatlong araw na Philippine Conference on New Evangelization na ginanap sa University of Sto. Tomas. Naanyayahan akong magfacilitate ng ng isang prayer session sa unang araw at ang naassign sa akin ay ang stream na Downloading God Through the New Media, particulary texting. Tama! Di kayo nagkakamali ng basa... TEXTING! Dahil daw ito sa hilig kong magpadala ng mga "Kiliti-ng-Diyos" through text messages at dahil addict daw ako sa pagtetext! hehe. Pinamagatan ko ang aking session na PREXTING, coined words for PRAYER IN TEXTING! Biruin mo puwede pala iyon: ang gawing panalangin ang iyong text! Bilang pari ay marami ang lumalapit sa akin upang ipagdasal ang kanilang mga kahilingan. Ang iba ay personal na nakikipag-usap. Ang iba naman ay mas hi-tech na at sa "Facebook" ipinadadala ang kanilang mga prayer requests. Ngunit higit na marami ang gumagamit ng mobile phone through texting. Mas simple nga naman ang magtext kaysa mag-internet, mas mura at mas praktikal. Hindi ko alam kung natugunan ang kanilang mga kahilingan. Marahil ay nabigyan naman ng kasagutan ang kanilang mga panalangin sapagkat wala pa naman ni isang nagreklamo na dinedma siya ng Panginoon. Papaano kaya kung hindi naibigay ang matagal mo ng hinihiling sa pagdarasal? Ano ang gagawin mo? Isang bata ang malapit ng magbirthday at hiniling niya kay Hesus na sana ay regaluhan siya ng isang mountain bike. Dahil noon ay buwan ng Oktubre ay araw-araw siyang nagrosaryo sa Simbahan upang hingin sa Diyos ang hiling niyang "birthday gift". Laking pagkadismaya niya sapagkat tila nagbibingi-bingihan ang Diyos sa kanyang panalangin. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala ni gulong ng mountain bike na dumarating. Pagsapit ng katapusan ng buwan, na kung saan ay idinaraos ang "Rosary Rally" ng parokya, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa Simbahan. Nawawala ang estatwa ng Mahal na Birhen na itatanghal sana sa living rosary! Sa halip ay isang text message ang natanggap ng kura paroko. Binasa niya ang text at ganito ang nakasaad. "Padre, pakisabi kay Jesus na... kapag hindi N'ya ibinigay ang hiling kong mountain bike ay hindi ko rin ibabalik ang nanay N'ya!" Kahanga-hanga ang "simpleng pananampalataya" ng bata sa kuwento. Ang araw-araw niyang pagsusumamo na sana ay maipagkaloob sa kanya ang kanyang hinihiling ay nagpapakita lamang ng katotohanang sinasabi sa Ebanghelyo ngayon: huwag tayong manghinawa sa ating panalangin at paghingi sa Diyos ng ating mga kinakailangan. Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan, Hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat. Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya! Humiling tayo ng may pagpupursigi at pagpapakumbaba. Kung minsan ay sinusubukan lamang Niya ang ating pananampataya. Kung ang masamang hukom sa talinhaga ay pinagbigyan ang kahilingan ng babaeng balo ay paano pa kaya ang ating Diyos na lubos ang kabutihan! Kaya wag tayong magsawang humingi lalo na kung ito ay makabubuti sa ating kapwa at hindi lamang para sa ating sariling kapakanan. Huwag tayong magsawang "kulitin" ang Diyos sapagkat gusto Niya ang ganitong uri ng panalangin. Ngayon din ay Linggo ng Pandaigdigang Misyon o World Mission Sunday. Hiliningin natin sa Diyos na pagpalain niya ang gawain ng misyon at ng mga misyonero. Ang gawain ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa maraming bansa ay hindi maisasakatuparan kung wala ang mga misyonero. Tandaan natin na tayong lahat din ay mga "misyonero". Sa pamamagitan ng ating mapursiging pananalangin ay malayo ang ating mararating at maraming kaluluwa ang ating maliligtas! Gamitin natin ang PREXTING upang ipagdasal ating mga misyonero. Si Santa Teresa ng Batang Jesus ay naging patron ng misyon kahit siya ay nasa loob lamang ng kumbento sapagkat araw-araw niyang pinagdarasal ang mga misyonero. Sa makabagong panahon ngayon ay makabagong pamamaraan din ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo ni Jesus. Gamitin natin ang teknolohiya upang maiparating natin ang pangangailan. ng makulit na panalangin. Magprexting na!
Sabado, Oktubre 12, 2013
THANKS-GIVING: Reflection for 28th Sunday in Ordinary time Year C - October 13, 2013 - YEAR OF FAITH
Kailan ka huling nagsabi ng "thank you" sa Diyos? Kung nakakalimot ka na ay para sa iyo ang kuwentong ito: Minsan daw sa langit ay tinuturuan ang mga bagitong anghel. Sila ang mga anghel nasa OJT (On the Job Training) o SIPT (Supervised In Plant Training). Inilibot sila sa kalangitan at nakita nila ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala sa pagtratrabaho. Pinasok nila ang unang bodega na punong-puno ng mga anghel na nakatutok sa kanilang mga computers na parang nasa call centers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng isang anghel sa kanilang trainer. "Ah, ito ang "requesting department", dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa." Lumipat naman sila sa kabilang bodega at nakita nila ang mas marami pang bilang ng mga anghel na nagkakagulong nagbabalot ng mga kahong panregalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong naman ng isa pang anghel. "Ahhh... ito ang tinatawag naming packaging department, dito kasi inihahanda ang mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat sila sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng telebisyon. Anong palabas? Tamaaa! "My Husband's Lover" na ngayon ay nasa huling linggo na. "Eh anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang thanksgiving department, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbabalik ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGI NOON... PENGI NOO!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan. Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "pamilya". Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "buhay". Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Kapag araw ng Linggo magsimba ka, ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat! Ngayong Taon ng Pananampalataya ay lagi nating isaisip na ang taong marunong magpasalamat sa Diyos ay taong marunong magbigay. Kaya nga "thanksgiving" ang ingles ng salitang pasasalamat ay sapagkat may kasamang pagbibigay ang pasasalamat sa Diyos. Pagbibigay na higit pa sa salapi. Pagbibigay ng buong pusong pananalig, pagtitiwala at pagsunod sa Kanya. Sa isang salita... PANANAMPALATAYA!
Sabado, Oktubre 5, 2013
PANANAMPALATAYANG MAPAGKUMBABA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 6, 2013 - YEAR OF FAITH
Lumalapit na tayo sa pagtatapos ng Taon ng Pananampalataya. Kaya nga magandang tanungin natin ang ating mga sarili kung lumalim ba ang ating pananampalataya pagkatapos ng halos isang taon na pagninilay at pagsasabuhay nito. O baka naman ang ating pananampalataya ay tulad pa rin ng dati, hiwalay sa ating pang-araw-araw na buhay at walang kinalaman sa ating karaniwang gawain. Anung uring pananampalataya ba ang ipinapahayag ko bilang isang Kristiyano? May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos. Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw "Allah... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa. Ngayon naman ay ang pari. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah... Allah iligtas mo ako!" Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos. Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang utos ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Hindi natin maunawaan kung bakit natin susundin ang isang bagay lalo na't hindi tayo sang-ayon sa ating kalooban. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin." Ito ang pananampalatayang mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng himala. Hingin natin ito sa Panginoon ngayong malapit na nating tapusin ang Taon ng Pananampalataya sapagkat hinding hindi matatanggihan ng Diyos ang panalangin ng isang taong may pananampalatayang mapagkumbaba.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)