Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 12, 2013
THANKS-GIVING: Reflection for 28th Sunday in Ordinary time Year C - October 13, 2013 - YEAR OF FAITH
Kailan ka huling nagsabi ng "thank you" sa Diyos? Kung nakakalimot ka na ay para sa iyo ang kuwentong ito: Minsan daw sa langit ay tinuturuan ang mga bagitong anghel. Sila ang mga anghel nasa OJT (On the Job Training) o SIPT (Supervised In Plant Training). Inilibot sila sa kalangitan at nakita nila ang tatlong malalaking bodega na kung saan ay maraming anghel na abalang-abala sa pagtratrabaho. Pinasok nila ang unang bodega na punong-puno ng mga anghel na nakatutok sa kanilang mga computers na parang nasa call centers. "Ano ang tawag sa lugar na ito?" Tanong ng isang anghel sa kanilang trainer. "Ah, ito ang "requesting department", dito kasi pumapasok ang lahat ng kahilingan ng mga tao sa lupa." Lumipat naman sila sa kabilang bodega at nakita nila ang mas marami pang bilang ng mga anghel na nagkakagulong nagbabalot ng mga kahong panregalo. "Ano naman ang tawag sa lugar na ito?" Tanong naman ng isa pang anghel. "Ahhh... ito ang tinatawag naming packaging department, dito kasi inihahanda ang mga kahilingang ibibigay sa mga tao." Sagot ng anghel. Lumipat sila sa pangatlong bodega. Laking gulat niya sapagkat napakatahimik ng lugar. Isang anghel lang ang nakita niya at ito ay nanood pa ng telebisyon. Anong palabas? Tamaaa! "My Husband's Lover" na ngayon ay nasa huling linggo na. "Eh anong tawag naman dito sa lugar mo?" tanong ng kaluluwa. Sagot ang anghel: "Ito ang thanksgiving department, dito dapat bumabalik ang mga kahilingang nabigyang tugon mula sa lupa... pero nakakalungkot. Kakaunti ang nagbabalik ng kanilang "Thank You!" Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGI NOON... PENGI NOO!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan. Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "pamilya". Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "buhay". Mamaya, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya. Kapag araw ng Linggo magsimba ka, ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat! Ngayong Taon ng Pananampalataya ay lagi nating isaisip na ang taong marunong magpasalamat sa Diyos ay taong marunong magbigay. Kaya nga "thanksgiving" ang ingles ng salitang pasasalamat ay sapagkat may kasamang pagbibigay ang pasasalamat sa Diyos. Pagbibigay na higit pa sa salapi. Pagbibigay ng buong pusong pananalig, pagtitiwala at pagsunod sa Kanya. Sa isang salita... PANANAMPALATAYA!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento