Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 28, 2013
PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family Year A - December 29, 2013
"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!
Martes, Disyembre 24, 2013
SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! (SMP) Reposted and Revised : Reflection for Christmas Day - Year A - December 25, 2013
Naitanong mo na ba kung bakit may Pasko? Bakit nga ba pinili ng Diyos na maging tao gayong kaya naman Niya tayong iligtas sa isang pitik lamang ng Kanyang kamay? May kuwento ng isang grupo ng mga bibe na tuwang-tuwang nagtatampisaw sa ilog. Sa kanilang katuwaan ay di nila namalayan ang papalapit na unos. May isang magsasakang nagmagandang loob na dalhin sila sa isang kuweba upang mailigtas sa paparating na bagyo. Ngunit sa halip na magpuntahan doon ay nagkanya-kanya sila at hindi sumunod sa pambubugaw na ginawa ng magsasaka. Ang tanging nasabi ng magsasaka ay: "Sana, maging katulad din ako nila, makapagalita sa kanilang lengguwahe ng maintindihan nila ako at mailigtas ko sila!" Bakit nga ba naging tao ang Diyos? Simple lang ang sagot: dahil mahal Niya tayo! Nais niya tayong mailigtas sa pamamagitan ng pag-ari sa ating pagkatao at ng sa ganoon ay maipadama sa ating ang kanyang pagmamahal. Ang bawat pagdiriwang ng Pasko ay pagdiriwang ng malaking pag-ibig ng Diyos sa tao. Sa pananalita ni San Juan: "Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mundo kaya't ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan!" (Jn. 3:15) Kung mauunawaan natin ito ay mas magiging makahulugan ang ating Pasko. Magiging kakaiba sa mga nagdaang Pasko na ating naipagdiwang. Kung nais mong maging kakaiba ang Pasko mo ay isama mo si Kristo sa iyong pagdiriwang. Ang mga nagsasabing matamlay ang kanilang Pasko, tulad ng mga miyembro ng SMP ay may maling pag-intindi ng masayang Pasko. Hindi lang ang mga materyal na bagay ang nakapagsasaya sa atin sa Pasko. Hindi masaya ang Pasko sapagkat marami kang pera, may bago kang jowa, may bag o kang damit, o maraming nagregalo sa 'yo. Ang sukatan ng isang masayang Pasko ay kung si Kristo ba ay nasa puso mo! At kung si Kristo ay nasa puso mo, nararapat lang na ibahagi natin naman Siya sa iba. Ngayong Pasko, subukan mong mas maging mabait sa mga taong mga makakasalubong mo. Wala naman masama kung ikaw ay ngingiti at babatio ng Merry Christmas! Wala namang masama kung kakausapin mo ang mga taong hindi mo nabibigyang pansin sa mga karaniwang panahon. At wala rin namang msama kung magpapatawad ka sa mga taong nakasamaan mo ng loob nitong taon. Tandaan mo, ikaw lang ang makakapagdesisyon kung nais mong maging masaya ngayong Pasko. Kung magagawa mo ito ay makakasama ka sa mga tunay na SMP... ang SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO! Masaya ang Pasko sapagkat kasama natin si Kristo!
Sabado, Disyembre 21, 2013
KATAPATAN AT PAG-AALINLANGAN: Reflection for the 4th Sunday of Advent - Year A - December 22, 2013
Ang Pasko ay ang pagdiriwang ng "katapatan ng Diyos!" Ito ang ating pinagninilayan sa tuwing sumasapit ang araw ng Kapaskuhan: May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan. Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan. Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao? Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose. "Believe in a God who believes in you!"
Sabado, Disyembre 14, 2013
SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO (S.M.P.) : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 15, 2013
Siyam na tulog na lang at Pasko na! Excited ka ba? Marami sa atin ang siguradong masaya sa araw ng Pasko. Ngunit di mapagkakaila na may ilan-ilan sa atin ang magiging malungkot ang paskong darating. Hindi ko tinutukoy ang mga naging biktima ng earthquake sa Bohol o supertyphoon Yolanda sa Tacaloban. Ang mga taong tinutukoy ko ay yung masahol pa sa bagyo at lindol ang pinagdaraanan. Mga taong patuloy na nadudurog ang puso at gumuguho ang pagkatao dahil sa lungkot at pagdadalamhati. Sila ang mga bumubuo ng SMP... ang Samahan ng Malalamig ang Pasko! Isa ka rin ba sa mga kasapi ng grupong ito? Kung sabagay, unti-unti nga namang lumalamig ang paligid. Masarap matulog. Masarap maghilik sa kama. Masarap namnamin ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit pati rin ba ang nararamdaman mo ay palalamigin mo? Para sa akin ay sapat na ang lamig ng paligid. Ang Pasko ay araw na dapat tayong lahat ay maligaya! Bawal ang nakasimangot! Bawal ang malungkot! Bawal ang SMP ngayong Pasko! Sa katunayan sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Dapat tayong magsaya sapagkat si Kristo ay naririto na!" Siya ang dahilan ng ating pagdiriwang. He is the reason of the season! Kaya nga't mayroon tayong lahat na dahilan upang magdiwang! Sa Ebanghelyo ngayon ay nagtanong si Juan Baustista kung si Jesus na nga ba ang kanilang hinihintay na Mesiyas. Magandang katanungan din na dapat nating itanong sa ating mga sarili: "Sino ba ang hinihintay ko ngayong Pasko?" Kung ang hinihintay ko ay ang pagbabalik ng jowa kong ipinagpalit ako sa iba ay certified member nga ako ng SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang darating na 13 month pay o Christmas Bonus na pinatatagal ibigay ng amo kong kuripot ay siguradong magiging certified SMP member ako. Kung ang hinihintay ko lang ay regalong matatanggap ngayong Pasko ay malamang na isa rin akong SMP. Kung ang hinihintay ko ay ang paghingi ng patawad ng kagalit ko certified SMP din ako. Bakit di mo hintayin si Jesus na darating sa iyong puso? Maging maunawain, mapagpatawad, mapagkawang gawa, matulungin at maalalahanin sa kapwa! Magagawa mo lang ito kapag si Jesus ay nasa puso mo. Sapagkat tanging ang Diyos lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan na hindi kailanman maibibigay ng mundong ito. Simulan mo ng lininisin ang puso mo upang makapasok si Jesus at maibigay sa iyo ang "Gaudete" o LIGAYA ng Pasko! Kapag ginawa mo ito ay magiging TUNAY KANG S.M.P. Hindi na Samahan ng Malalamig ang Pasko ang grupong kabibilangan mo kundi... SAMAHAN NG MASASAYA ANG PASKO!
Linggo, Disyembre 8, 2013
SA LAKAS NG DIYOS POSIBLE: Reflection for the Solemnity of Immaculate Conception - December 8, 2013
Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"
Sabado, Disyembre 7, 2013
MAGPANIBAGO: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year A - December 8, 2013
Kailan ba ang huli mong pagkukumpisal? Marami sa atin ang tumatanggap ng "Katawan ni Kristo" sa Banal na Komunyon kapag nagmimisa ngunit ilan kaya ang palaging nagkukumpisal? "Next time na lang po Father... kapag malapit na akong mamatay! Bata pa naman ako. Mahaba pa ang buhay ko!" Tingnan natin kung may katotohanan ito. Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay!Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang magtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Ang pagnanais magbago ay hindi dapat ipinagpapaliban sapagkat hindi natin maiiwasan ang muling pagdating ni Jesus. Kaya nga ang diwa ng Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Kapaskuhan kundi ito rin ay paghahanda kay Kristong muling darating sa atng piling at ang pagbabago ang pinakamagandang paghahanda na magagawa natin. Kapag Pasko naghahangad tayo ng maraming bago. Bagong damit, bagong sapatos, bagong gadgets, at marami pang iba. Bakit hindi naman natin hangarin na magbago ang ugali natin? Huwag natin munang hangarin na magbago ang kapwa natin. Simulan natin ito sa ating mga sarili. Ang sarili lamang natin ang mapanghahawakan natin at tayo lang ang makapagpapabago sa ating sarili. Ano ang magagawa natin? Una ay ang pagsusuri ng ating sarili kung ano ba ang ating mga nagawang mali at pagkukulang. Pangalawa ay ang pag-ako o pag-amin nito. At pangatlo ay ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kung kinakailangang magkumpisal at may pagkakataon ay gawin natin ito. "Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay sapagkat nalalapit na ang paghahari ng Diyos" Iti ang panawagan ni Juan Bautista at pinakamahusay na paghahanda sa pagtanggap kay Jesus.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)