Sabado, Disyembre 28, 2013

PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family Year A - December 29, 2013

"SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito.Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang batang pangit, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sis, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay... ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya!  Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL.  Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi.   Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago.  Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO."  Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito.  Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya.  Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA.  Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga.  Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya.  May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA.  Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga.  Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang.  Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA!  At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN.  "The family that prays together, stays together!"  Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL.  Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban.  Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan.  Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig  ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Walang komento: