Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 11, 2014
BINYAGANG LAYKO...TAGASUNOD NI KRISTO: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 13, 2014
Ang Taong 2014 ay Taon ng Mga Layko o Year of the Laity. Ang "LAITY" ay hindi ang mga dumarating sa Misa ng late! Ang "laity" ay ang mga hindi kabilang sa mga itinalaga o inordenahan bilang ministro tulad ng diakono, pari at obispo. Sa madaling salita sila ang mga "karaniwang binyagan" na nakikibahagi sa Misyon ni Kristo! Sino ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya.Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento