Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Hulyo 13, 2014
MAKINIG ANG MAY PANDINIG! : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 13, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Marunong ka bang makinig? Pakinggan mo ang kuwentong ito na pinamagatan kong "Ang Ika-apat na Gabi". May isang nanay na lubos ang pagmamahal sa kanyang anak na dalaga. Isang gabi, nakita ng nanay ang kanyang anak na subsob ang ulo sa pag-aaral. Halos alas dos na ng madaling araw ay bukas pa rin ang ilaw ng kwarto ng anak sapagkat aninag ito sa ilalim ng pintuan. Kaya’t nagdesisyon siyang kumatok at pangaralan ang anak: “Anak, matulog ka na. Madaling araw na.” Tiningnan siya ng masama ng anak at sinabi: “Nanay, sino ang nag-aaral, ikaw o ako?” “Ikaw...” tulalang sagot ng magulang. “Ako naman pala e! Matulog na kayo!” Paaburidong sagot ng anak. Napahiya ang nanay na bumalik sa kanyang silid. Iyon ang UNANG GABI... Kinabukasan, ginabi ng uwi ang anak. Nagparty sila ng kanyang barkada pagkatapos ng exam. Labis na namang nag-alala ang nanay. Hindi natulog. Hinintay ang anak. Naglabas ng maraming plantsahin at hinarang sa may pintuan ng bahay. Alas dos ng umaga, dumating ang anak. Nagulat siya ng makita ang nanay na nagplaplantsa pa ng damit sa ganung oras. Tinanong ito: “Nanay, ba’t di ka pa natutulog? Umaga na.” Nakasimangot na sagot ng nanay: “Bakit? Sino ba ang namamalantsa ikaw o ako?” “Kayo po” sagot ng anak. “Ganun naman pala eh! Matulog ka na!” Sagot ng nanay na may pagmamalaking nakaganti rin siya. ‘Yon ang IKALAWANG GABI... Kinabukasan, nang ika-apat na gabi... uuups! Alam kong iniisip ninyo? IKATLO PA LANG! Pero sino ba ang nagkukuwento? Ikaw o ako? Kaya making ka na lang! Hehehe... Kung isa ka sa mga nagsabing "ikatlong gabi" pa lang ay matuwa ka. Isa ka sa mga marunong makinig! Mapalad ka sapagkat hindi ka kasali sa mga taong KSP kung tawagin: mga taong KULANG SA PAKIKINIG o kaya naman ay mga taong hindi marunong makinig! Karamihan kasi sa mga tao na mas gusto ang magsalita kaysa makinig. Ang problema nang kakulangan sa pakikinig ay kapag sabay-sabay lahat na nagsasalita. Sa mga taong ito ang pakikipagtalastasan ay "more talking... less listening" Pero kung iisipin mo, tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang bibig at dalawang tenga upang mas makinig kaysa magsalita, "less talking more lsitening!" Kaya siguro nais ni Jesus na gamitin natin ang ating kakayahang makinig. "Ang pandinig ay makinig!" Ang talinhaga ng maghahasik ay nagsasabi sa ating maging "mabubuting lupa" na nagbibigay ng pagkakataon sa "binhi" (Salita ng Diyos) upang tumubo, lumago at mamunga ng marami sa ating buhay! Ang pagiging mabuting lupa ay nasa "pakikinig" natin at pagtupad sa kalooban ng Diyos. Naglalaan ba ako ng sandali upang itahimik ang aking sarili at hayaang pagharian ng Diyos ang aking buhay? Sa pagdiriwang ng mga sakramento, lalo na sa Santa Misa, ay direktang nakikipag-usap ang Diyos sa atin. Sa mahiwgang paraan ay nakikipag-usap din siya sa atin sa pamamagitan ng ating mga mahal sa buhay, sa ating pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging sa ating mga kaaway. Ginagamit ko ba ang mga pagkakataong ito upang mapakinggan ang Salita ng Diyos na ipinahahayag sa akin? Sana ay matuto tayong makinig. Sana ay matuto tayong tumahimik . Sana ay hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating ginagawa araw-araw. Ang may pandinig ay makinig!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento