Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 28, 2015
KINATATAKUTAN : Reflection for 2nd Sunday of Lent Year B - March 1, 2015 - YEAR OF THE POOR
Mayroon ka bang kinatatakutan? May kuwento ng isang lalaking nagpunta sa isang psychiatrist sapagkat lagi siyang balisang balisa. "Kaya ka balisa ay sapagkat sa simula pa lang ay natakot ka na ng misis mo. Napikot ka lang kasi at ngayon ay 'under de saya' ka pa," sabi ng psychiatrist. "Ano po ang dapat kong gawin?" tanong ng mister. "Unahan mo ang asawa mo. Ipakita mo na hindi na ikaw ang dapat katakutan at hindi siya." Pagkauwi sa bahay ay agad-agad na nagsiga-sigaan siya. Kinalabog ang pinto, sinipa ang lamesa at sinabi: "Ipaghanda mo ako ng makakain, gutom ako!" Pasigaw na utos ng mister. Nasindak naman ang misis. Agad sinunod ang utos. "Pagkatapos, maghugas ng pinggan, linisin mo ang kotse ko at me lakad ako! Ako lang ha? Hindi ka kasama!" Patuloy ang matigas na pananalita ng mister. "Siyanga pala, ihanda mo rin ako ng maligamgam na tubig, paliguan at bihisan mo na rin ako!" habol na utos ng mister. Biglang naubos ang pasensiya ni misis, kumuha ng kutsilyo at hinarap si mister. "Ako pa rin ba ang magpapaligo at magbibihis sa iyo?" matigas na tinig ni misis. "Ikaw nga! Bingi ka ba?" pasigaw namang sagot ni mister. "Sa palagay ko ay iba ang magpapaligo at magbibihis sa iyo!" maangas na sigaw ni misis. "At sino, aber? tanong ni mister. "Yung punerarya! " sagot ni misis, sabay labas ng kutsilyo. At biglang na lang hinimatay sa takot ang mister! Ano ba ang kinatatakutan mo sa buhay? Marami tayong maaring katakutan at kung minsan ay nagbibiggay ito sa atin ng pagkasira ng loob at madali tayong bumigay sa buhay! Alam ni Jesus na darating ang sandali na kung saan ay pangungunahan ng takot ang mga alagad sa sandaling harapin na niya ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kaya nga isinama nya ang kanyang mga piling alagad sa bundok upang palakasin ang kanilang loob. Hinayaan ni Jesus na maranasan nila Siya bilang Panginoon at Mesiyas. Nagbagong anyo siya sa kanilang harapan at ipinakita pa si Moises at Isaias na kasama niya upang sabihing siya ang katuparan ng mga batas at hula ng mga propeta. Ang pangyayaring ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling maghirap si Jesus sa kamay ng mga kaaway at ang magbibigay din sa kanila ng pananampalataya sa oras na marinig nila ang balitang siya'y muling nabuhay! Ngunit nilinaw ni Jesus na hindi muna ito ang dapat mangyari. May paghihirap na dapat niya munang harapin at hindi nila ito maaaring takasan. "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanyang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng gawaing bahay. Sabi sa isang text na aking natanggap: "NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! NO ID, NO ENTRY!" Ano'ng "connect?" Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Hesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Nais ni Jesus isusuot natin ito palagi hanggang sa humarap tayo sa pintuan ng langit. Kapag naroon na tayo ipapakita natin ito at sasabihin nating ito ang patunay na nakiisa ako sa paghihirap ni Kristo! Nagsakripisyo din ako! Ngayong Taon ng Mga Dukha nawa ay makita natin ang paghihirap bilang daan upang makamit natin ang kaluwalhatian. Na ang mahihirap ay mapalad sapagkat nasa kanila na ang pagkakataon upang makibahagi sa paghihirap ni Kristo. Walang dapat katakutan ang mga mahihirap sapagkat may Diyos na hindi nagpapabaya at lagi nilang maaring sandalan sa oras ng kahirapan. Kinakailangan lang magtiyaga upang makamit ang kaluwalhatiang ipinangako ni Kristo.
Sabado, Pebrero 21, 2015
ANG TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year B - February 22, 2015 - YEAR OF THE POOR
Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryto Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay. Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda. Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban". Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano." Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga. Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos. Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano? Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag. Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan? Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggalin sa ating harapan. May kuwento na minsan ay may isang pari na namasyal sa mall. May nakita siyang magandang babae. Nagdasal siya sa Panginoon na sana ay iadya siya sa tukso. "Anak, ipikit mo ang iyong mga mata" sabi ng isang mahiwagang tinig. Sinunod naman niya ngunit pagkadilat niya ay may dumaan na naman sa kanyang babaeng balingkinitan ang katawan Muling siyang nagdasal at muli niyang narinig ang mahiwagang tinig na "Anak, ipikit mo uli ang iyong mga mata." Paglipas ng ilang sandali, sa di kalayuan, ay nakita niyang papalapit ang isang seksing babae na naka-micro-mini, seksi, tisay at ubod ng ganda. Hindi na niya nakuhang magdasal at nagsabi na lamang ng "Lord, puwede ba, pikit mo muna ang iyonng mata?" Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan. Kaya nga may kasabihan: "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!" Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng tukso!
Martes, Pebrero 17, 2015
PANAHON NG KUWARESMA: Reflection for ASH WEDNESDAY - February 18, 2015
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Linggo, Pebrero 15, 2015
THE UNLOVABLES : Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 15, 2015 - YEAR OF THE POOR
Noong dumalaw ang Santo Papa at binigyan siya ng pagkakataong makausap ang mga kabataan sa UST, isa sa mga katanungang binitawan niya sa kanila ay "What is the most important subject you have to learn in the univesity?" At sinagot din nya ang kanyang tanong: " It is to learn how to love... Real love is all about loving and letting yourself be loved." Ang paanyaya niyang ito ay hindi lang para sa mga kabataan ngunit para sa atin ding lahat: "To love and to be lovable!" Bakit? Sapagkat may mga taong matatawag nating UNLOVABLE! Sa ating mga pagbasa ngayon ay may mga taong matatawag na "unlovable" sapagkat sila ay iniiwasan, hinihiwalay at pinandidirihan. Sila ang mga "ketongin". Bagamat ngayon ay may lunas na ang sakit na ketong, gayunpaman ay kinatatakutan pa rin ito ng ilan. Noong panahon ni Jesus ang ketong ay iniuugnay sa kasalanan. Kaya nga't ang isang may ketong na gumaling sa kanyang sakit ay dapat magpasuri sa mga saserdote. Paano hinarap ni Jesus ang "unlovable" na ito? Sa halip na umiwas ay hinayaan niyang magpahayag ang ketongin ng kanyang saloobin, "Kung ibig po ninyo, mapapagaling n'yo ako!" At dahil sa kanyang pagnanais na gumaling ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanayang kahilingan, "Ibig ko, gumaling ka!" Sa ating kasalukuyang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan ding magkaroon ng bukas-pusong pagtanggap sa taong "unlovable." Marahil wala tayong biyaya ng pagpapagaling ngunit tandaan natin na hindi lang naman "physical healing" ang maari nating ibigay. Higit sa "physical healing" ay tinatawag nating "spiritual healing" na kung minsan pa nga ay nagsisilbing daan ito upang makamit ng isang maysakit ang ganap na kagalingan. Ang sakit na "ketong" sa ating Ebanghelyo ay sumisimbolo hindi lamang sa pisikal na karamdaman. Ito rin ay tumutukoy sa katayuan ng mga taong hinihiwalay, iniiwasan, pinandidirihan. Ang Simbahan ay dapat magbukas ng pintuan para sila ay tanggapin. Ito ang nais ni Papa Francisco na gawin natin: tangkilikin ang mga kapatid nating nahihiwalay dahil sa ating pagtataboy at malamig na pakikitungo sa kanila. Hindi sapat ang magpakita ng pagmamahal, dapat ay maging kaibig-ibig tayo sa kanila. "To let ourselves be loved!" Hindi ito madali sapagkat nangangahuugan ito na dapat nating labanan ang isang bagay na laging nagsisilbing sagabal upang maging "lovable" tayong mga tao... at iyan ay ang ating sarili. Pansinin ninyo na sa salitang "pride", ang nasa gitna ay ang letrang "I", pareho din sa salitang "sin." At ano ang "I" na ito kundi ang ating sarili, ang ating mapagmataas at mayabang na sarili. Mahirap unahin ang iba kapag ang sarili natin ang umiiral. Mahirap maging "lovable" sa iba kapag ang pagiging makasarili natin ang naghahari. Mas masahol pa ito sa sakit na ketong sapagkat hinihiwalay nito ang ating sarili sa ating kapwa at sa Diyos. "Let go and let God!" Ito ang susi sa isang buhay na masaya. I-let go natin ang ating pagiging makasarili at hayaan natin ang Diyos na gumalaw sa atin. Sa ganitong paraan mas madali nating pakitaan ng pagmamahal ang mga UNLOVABLE.
Sabado, Pebrero 7, 2015
PRO-LIFE : Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 8, 2015 - YEAR OF THE POOR
Minsan ng binansagan ang lugar namin dito sa Tundo na "lugar ni Asyong Salongga". Totoong ang lugar namin ay kinatatakutan at iniiwaasan dahil sa maraming krimen na halos araw-araw ay nangyayari at parang naging kabahagi na ng mga naninirahan sa lugar na ito. Ngunit lagi kong sinasabi sa mga bumibisita dito na ito ay ang mukha ng Tundo mahigit apatnapung taon na ang nakalilipas! Marami nang nagbago sa lugar lalong-lalo na sa aspeto ng kaayusan at kapayapaan. Ngunit hindi pa ata hinog ang aking akala. Nitong nakaraang araw lamang ay naging saksi ako sa kaguluhang muling nanggulat sa aming lugar. Pauwi ako noon sakay ng isang tricycle galing sa Plaza Morga na may dala-dalang siyam na pirasong take-out na Mang Inasal. Nagulat na lamang ako ng dumaan kami ng Quezon St. at bigla na lamang huminto ang aming sasakyan. Ilang sandali lamang ay may mga tao ng nagtakbuhan at maging ang driver ng tricycle ay biglang bumaba at kumaripas ng takbo! Iniwan akong mag-isa sa loob ng tricycle at narinig ko na lamang ang sigaw na "May barilan! May barilan! Magtago kayo... may barilan!" Hawak-hawak ko ng mahigpit ang supot ng Mang Inasal sabay dasal at karipas na rin ng takbo. Mabuti na lang at may Hardware store na nagpapasok sa akin at doon nakita ko si Mamang driver ng tricycle na nakangiti sa akin! Haaay si Manong talaga! Pag-uwi ko sa Don Bosco ay doon ko nabalitaan na may binaril palang isang kabataang lalaki at ito ay kabilang sa mga mag-aaral namin sa Alternative Learning System. Hindi naman talaga siya ang pakay ng mga saralin ngunit nadamay siya dahil sa hindi nila makita ang kanilang hinahanap. Isang buhay ang nawala. Isang pangarap ang naglaho! Katulad din ito ng nangyari sa tinaguriang "Fallen 44". Sila ang mga "future leaders" na nasawi. Sila ang pag-asa ng ating lipunan na maagang naging bayani. Sila ay mga buhay na agarang nawala dahil na rin marahil sa kapabayaan ng ilan sa ating mga namumuno. Nakakalungkot na nangyari ang lahat ng ito pagkatapos ng pagbisita ng Santo Papa Francisco na nag-iwan sa atin ng mensahe tungkol sa pagpapahalaga sa buhay ng tao. Ang Linggong ito ay tinagurian ding "Araw ng Pagpapahalaga sa Buhay" o PRO-LIFE SUNDAY. Bakit gayun na lamang kung lustayin ng ilan itong regalong buhay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Bakit kinakailangang pumatay? Bakit kinakailangang isakripisyo ang buhay ng marami para lamang sa katuparan ng isang misyon na hanggang ngayon ay ayaw akuin ng direkta ang responsibilidad? Mga kapatid, dapat nating pahalagahan ang buhay sapagkat ang Diyos mismo ang nagpahalaga dito. Una ay ginawa Niya tayo ayon sa kanyang larawan. Pangalawa ay nagkatawang tao Siya upang ibalik ang dignidad ng ating pagkatao na sinira ng kasalanan. At pangatlo ay pinabanal niya tayo bilang Templo o Tahanan ng Espiritu Santo noong tayo ay biniyagan. Kaya't nararapat lang na igalang, alagaan, at ipagkapuri natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Sa Ebanghelyo ay narinig natin kung paano itinaguyod ni Jesus ang kahalagahan ng buhay sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit at sa pagpapalayas ng mga demonyo sa mga inaalihan nito. Nangangahulugan na batid ni Jesus ang kabanalan ng katawan kung kaya't kinakailangan niyang ibalik ito sa tamang katayuan. Sa pagdalaw ng ating mahal na Santo Papa Francisco ay muli niyang pinaalalahanan tayong mga Pilipino na "dapat nating igalang ang buhay ng tao mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan nito!" Kaya nga tayong mga Kristiyanong Katoliko ay dapat PRO-LIFE sa ating pag-iisip at pagkilos. Hindi kalayaang matatawag ang mga pagpili na sumisira sa ating sariling buhay at sa buhay ng iba. Ipanalangin natin na nawa ang mga pinuno ng ating lipunan ay laging magabayan ng pagpapahalaga sa buhay sa pagpapatupad ng mga batas at kanilang tungkulin. Ipanalangin din natin ang bawat isa na isa-isip, isa-puso, at isagawa ang tunay na pagmamahal sa kapwa (to think well, feel well, and do well) tulad ng paalala sa atin ni Papa Francisco. Nawa umiral ang ating malasakit at habag lalong lalo na sa mga nabiktima ng karahasan at kawalang ng paggalang sa dignidad ng tao. Naniniwala akong sa kasabihang: "Sa Tundo man... may langit din!" Ito ay kung hindi natin gagawing impiyerno ang ating kasalukuyang buhay. Itigil na ang karahasan at pairalin natin ang isang mataas na moral na pamumuhay. Maging instrumento tayo ng kapayapaan at pagkakaisa at hindi ng alitan at pagkakawatak-watak. Hindi ito imposible kung magagawa lamang nating pairalin ang rispeto o paggalang sa isa't isa. Pahalagahan mo ang buhay mo at ang buhay ng iba sapagkat tayo ay regalo ng Diyos sa isa't isa! Tayong mga Kristiyano ay PRO-LIFE! Our Primary Responsibility Option: LIFE!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)