Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 7, 2015
PRO-LIFE : Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 8, 2015 - YEAR OF THE POOR
Minsan ng binansagan ang lugar namin dito sa Tundo na "lugar ni Asyong Salongga". Totoong ang lugar namin ay kinatatakutan at iniiwaasan dahil sa maraming krimen na halos araw-araw ay nangyayari at parang naging kabahagi na ng mga naninirahan sa lugar na ito. Ngunit lagi kong sinasabi sa mga bumibisita dito na ito ay ang mukha ng Tundo mahigit apatnapung taon na ang nakalilipas! Marami nang nagbago sa lugar lalong-lalo na sa aspeto ng kaayusan at kapayapaan. Ngunit hindi pa ata hinog ang aking akala. Nitong nakaraang araw lamang ay naging saksi ako sa kaguluhang muling nanggulat sa aming lugar. Pauwi ako noon sakay ng isang tricycle galing sa Plaza Morga na may dala-dalang siyam na pirasong take-out na Mang Inasal. Nagulat na lamang ako ng dumaan kami ng Quezon St. at bigla na lamang huminto ang aming sasakyan. Ilang sandali lamang ay may mga tao ng nagtakbuhan at maging ang driver ng tricycle ay biglang bumaba at kumaripas ng takbo! Iniwan akong mag-isa sa loob ng tricycle at narinig ko na lamang ang sigaw na "May barilan! May barilan! Magtago kayo... may barilan!" Hawak-hawak ko ng mahigpit ang supot ng Mang Inasal sabay dasal at karipas na rin ng takbo. Mabuti na lang at may Hardware store na nagpapasok sa akin at doon nakita ko si Mamang driver ng tricycle na nakangiti sa akin! Haaay si Manong talaga! Pag-uwi ko sa Don Bosco ay doon ko nabalitaan na may binaril palang isang kabataang lalaki at ito ay kabilang sa mga mag-aaral namin sa Alternative Learning System. Hindi naman talaga siya ang pakay ng mga saralin ngunit nadamay siya dahil sa hindi nila makita ang kanilang hinahanap. Isang buhay ang nawala. Isang pangarap ang naglaho! Katulad din ito ng nangyari sa tinaguriang "Fallen 44". Sila ang mga "future leaders" na nasawi. Sila ang pag-asa ng ating lipunan na maagang naging bayani. Sila ay mga buhay na agarang nawala dahil na rin marahil sa kapabayaan ng ilan sa ating mga namumuno. Nakakalungkot na nangyari ang lahat ng ito pagkatapos ng pagbisita ng Santo Papa Francisco na nag-iwan sa atin ng mensahe tungkol sa pagpapahalaga sa buhay ng tao. Ang Linggong ito ay tinagurian ding "Araw ng Pagpapahalaga sa Buhay" o PRO-LIFE SUNDAY. Bakit gayun na lamang kung lustayin ng ilan itong regalong buhay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. Bakit kinakailangang pumatay? Bakit kinakailangang isakripisyo ang buhay ng marami para lamang sa katuparan ng isang misyon na hanggang ngayon ay ayaw akuin ng direkta ang responsibilidad? Mga kapatid, dapat nating pahalagahan ang buhay sapagkat ang Diyos mismo ang nagpahalaga dito. Una ay ginawa Niya tayo ayon sa kanyang larawan. Pangalawa ay nagkatawang tao Siya upang ibalik ang dignidad ng ating pagkatao na sinira ng kasalanan. At pangatlo ay pinabanal niya tayo bilang Templo o Tahanan ng Espiritu Santo noong tayo ay biniyagan. Kaya't nararapat lang na igalang, alagaan, at ipagkapuri natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Sa Ebanghelyo ay narinig natin kung paano itinaguyod ni Jesus ang kahalagahan ng buhay sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit at sa pagpapalayas ng mga demonyo sa mga inaalihan nito. Nangangahulugan na batid ni Jesus ang kabanalan ng katawan kung kaya't kinakailangan niyang ibalik ito sa tamang katayuan. Sa pagdalaw ng ating mahal na Santo Papa Francisco ay muli niyang pinaalalahanan tayong mga Pilipino na "dapat nating igalang ang buhay ng tao mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan nito!" Kaya nga tayong mga Kristiyanong Katoliko ay dapat PRO-LIFE sa ating pag-iisip at pagkilos. Hindi kalayaang matatawag ang mga pagpili na sumisira sa ating sariling buhay at sa buhay ng iba. Ipanalangin natin na nawa ang mga pinuno ng ating lipunan ay laging magabayan ng pagpapahalaga sa buhay sa pagpapatupad ng mga batas at kanilang tungkulin. Ipanalangin din natin ang bawat isa na isa-isip, isa-puso, at isagawa ang tunay na pagmamahal sa kapwa (to think well, feel well, and do well) tulad ng paalala sa atin ni Papa Francisco. Nawa umiral ang ating malasakit at habag lalong lalo na sa mga nabiktima ng karahasan at kawalang ng paggalang sa dignidad ng tao. Naniniwala akong sa kasabihang: "Sa Tundo man... may langit din!" Ito ay kung hindi natin gagawing impiyerno ang ating kasalukuyang buhay. Itigil na ang karahasan at pairalin natin ang isang mataas na moral na pamumuhay. Maging instrumento tayo ng kapayapaan at pagkakaisa at hindi ng alitan at pagkakawatak-watak. Hindi ito imposible kung magagawa lamang nating pairalin ang rispeto o paggalang sa isa't isa. Pahalagahan mo ang buhay mo at ang buhay ng iba sapagkat tayo ay regalo ng Diyos sa isa't isa! Tayong mga Kristiyano ay PRO-LIFE! Our Primary Responsibility Option: LIFE!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento