Apatnapu’t limang taon ng malasakit at habag... Ito
marahil ang maibibigay kong paglalarawan kung ano na ang parokya ni San Juan
Bosco pagkatapos ng apatnapu’t limang taon.
Lahat ay biyaya na nanggaling sa Maykapal, biyayang nagpapakita ng Kanyang
awa at malasakit sa ating lahat na kabilang sa parokyang ito. Sariwa pa sa atin ang ala-alang iniwan ng
Santo Papa Francisco. Saksi tayo sa
muling pagsigla ng ating pananampalataya at kung paanong ang presensiya ng
ating mahal na “Lolo Kiko” ay nagbigay sa ating Simbahan ng pinanibagong
pag-asa at lakas.
Nagkataon din na ang tema natin sa taong ito ng ating
kapistahan ay pagtugon sa panawagan ng Santo Papa sa atin: “Simbahang bukas palad tumutugon sa mga
kapus-palad.” Sa pagdiriwang ngayong
Taon ng mga Dukha” o “Year of the
Poor” ay binibigyang halaga natin ang
ating pananagutan sa ating mga kapatid sa parokya na higit na nangangailangan. Totoong marami sa atin ay hikahos sa buhay at
marahil ay kakaunti ang kakayahang makatulong sa mga kapus-palad. Ngunit tandaan natin ang paalala ng ating
Inang Simbahan na “walang taong masyadong mahirap upang hindi makatulong sa
iba!” Kaya nga’t ang malasakit at habag
na ipinakita sa atin ng Poong Maykapal sa loob ng apatnapu’t limang taon ay
nararapat din na ipakita natin sa ating kapwang mga kapus-palad bilang isang
Simbahan.
Mga kapatid ko kay Kristo, tayo ay biyaya sa isa’t
isa. Ibinigay tayo ng Diyos sa ating
kapwa upang maging instrumento ng Kanyang awa at pagmamahal. Nawa ang masayang pagdiriwang ng ating
kapistahan ay hindi lamang huminto sa kainan, inuman, kantahan at sayawan. Mahalaga ang mga ito sa kasiyahan ng
pagdiriwang ngunit mas magiging makabuluhan ang ating kapistahan kung magkakaroon
tayo ng malasakit, habag, at pagmamahal sa isa’t isa.
Maligayang kapistahan sa inyong lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento