Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 17, 2015
ANG MAGING TULAD NG ISANG BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino - January 18, 2015 - YEAR OF THE POOR
"DO YOU LOVE ME?" Sabi ni Pope Francis sa simula ng kanyang homiliya sa Manila Cathedral sa harap ng mga obispo, pari, relihiyoso, madre at mga seminarista, sagot nila at naming nasa labas ng Manila Cathedral ay isang malakas na YES!!!" Napangiti si Lolo Kiko at sabi nya, "Thank You very much!" Napangiti siya kasi binabasa lang naman niya ang simula ng binasang Ebanghelyo na ayon kay San Juan. Na WOW MALI kami ni Lolo Kiko... pero na WOW TAMA naman namin siya! Totoong totoo naman talagang mahal na mahal ng mga Pilipino ang Santo Papa. Mula pa sa unang Santo Papang dumalaw sa atin sa katauhan ni Blessed Paul VI noong 1970, sa dalawang pagdalaw ni St. John Paul II, noong 1981 at 1995, at ang inabangan nating pagdating nang ating kasalukuyang Santo Papang si Papa Francisco, ay talagang ipinakita nating mga Pilipino na tayo ay bansang nagmamahal sa Santo Papa! Saang bansa ka nga naman makakakita na kahit may bagyo na ay di pa rin natitinag ang mga tao sa paghihintay at nakapagdaos pa ng misa habang binabayo ng malakas na hangin at ulan? O napakahabang linya ng mga taong matiyagang nag-aabang ng halos limang oras upang ilang segundo lamang masilayan ang pagdaan ng kanilang pinagpipitagang Kahalili ni Kristo? ONLY IN THE PHILLIPPINES! Ngunit sa mga Santo Papang dumalaw sa atin ay may kakaibang katangiang nagpapatingkad kay Papa Francisco at yan ay ang kanyang kapayakan o simplicity. Kaya nga't hindi nakapagtataka na ang bilin niya sa mga pari at relihiyoso at relihiyosa ay iwaksi ang materialismo at mumuhay na dukha at payak tulad ni Kristo. Ang pagdiriwang ng Santo Nino ay parehong aral din ang ibinibigay sa atin. Ang wika ni Jesus: "Ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At ano ang katangiang nasa isang maliit na bata na nais ni Jesus na ating makamit? Walang iba kundi ang kapayakan at kababaang-loob! Ang isang maliit na bata ay walang maipagmamalaki sa kanyang sarili. Kalimitan ang mga magulang ang dahilan kung bakit nagiging mapagmataas ang kanilang mga anak. Ang bata ay payak. Hindi magarbo ang pamumuhay. Habang tumatanda ay doon dumadami ang kanyang nais makamtan sa buhay na kalimitan ay mga bagay na materyal. Nais ni Jesus na taglayin natin ang dalawang katangiang ito ng mga bata. Tanging ang kababaang-loob ang makapagbibigay sa atin ng tamang pananaw sa buhay upang iwaksi ang makamundong pagnanasa ito man ay kayamanan, posisyon o katayuan sa buhay! Isa rin itong paraan upang maipakita natin ang malasakit sa ating mga kapatid na mahihirap ngayong Year of the Poor. Isa pang katangiang nais kong idagdag ay ang pagiging masiyahin ng mga bata. Walang Kristiyanong malungkot sapagkat ang ating Diyos ay Diyos na buhay! Nais ni Jesus na maging masasaya tayong kanyang mga tagasunod sapagkat ang hatid Niya ay pag-asa at kaligtasan. Tinaglay ni Papa Francisco ang mga katangiang ito at ito rin ang nais niyang taglayin natng mga Kristiyano. Maging simple sa ating pamumuhay mapagkumbaba sa pakikitungo sa ating kapwa at maging tagapaghatid ng ligaya ng Mabuting Balita ni Kristo sa iba! Hindi ko alam kung talagang sinadya ng Santo Papang itapat ang kanyang pagdalaw sa Kapisthan ng Banal na Sanggol ngunit sinadya man o hindi, ito ay isang mabiyayang pagkakataon para sa ating mga Pilipino. Mabuhay ang Santo Papa! Mabuhay ang Santo Nino!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento