Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 24, 2015
PADRE DE PAMILYA: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time - Year B - January 25, 2015 - YEAR OF THE POOR
May kuwento tungkol sa tatlong magkakaibigang pari. Naupo sila at nagkwentuhan ng kanilang sikereto: Unang Pari: "Pare, may sikreto ako na kayo lang dapat ang makaalam. Nakabuntis ako at may anak akong sikretong inaalagaan." Ikalawang Pari: "Ako naman, nilulustay ko ang koleksyon ng Simbahan at hindi ko na alam kung paano ito maibabalik." Ikatlong Pari: "Ako din may sikereto na dapat walang makakaalam... TSISMOSO AKO!" Patay! hehehe... Kagabi habang hinhanda ko ang aking homiliya at nanonood ako ng I-WITNESS ay nakahatak sa aking atensiyon ang pamagat ng kanilang palabas: PADRE DE PAMILYA.. Ito ay tungkol sa mga paring nagkaroon ng asawa at mga anak at patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kabilang sila sa mga paring ipinaglalaban ang tinatawag na "Optional Celibacy" na ang ibig sabihin ay hindi obligado ang pagiging walang asawa ng pari. Nakaka-intriga sa simula ang palabas sapagkat kahit mismo ang mga tao sa kanilang lugar ay tanggap ang kanilang katayuan at patuloy sila sa pagganap ng kanilang tungkuling pagmimisa at pagganap sa mga sakramento. Sa katunayan ay vinideo pa nila ang pagbibinyag ng pari sa kanyang sariling anak at ang misa na kanilang ipinagdiwang. Balak daw nilang ipalabas ito kay Pope Francis para makita ang kanilang kalagayan. Tama ba ito o mali? Noong dumalaw ang Santo Papa dito sa atin, ang unang Misa na ipinagdiwang niya ay ang misa sa Manila Cathedral kasama ang mga obispo, pari, mga madre at relihiyoso. Bagamat hindi naman pinagbawalang dumalo ang mga layko, marahil ay sinadya niya munang kausapin ang mga "hinirang ng Diyos sa paglilingkod" upang bigyang diin ang mahalagang papel nila sa paghahatid ng Mabuting Balita ni Kristo. Ang kanyang unang pananalita ay ang tanong ni Jesus kay Pedro na "Do you love me?" na naging katatawanan sapagkat sumagot ang kongregasyon ng "Yes!" At binigyang diin ng Santo Papa sa kanyang mga tagapakinig na: "All pastoral ministry is born of love... a sign of God's reconciling love!" Ibig sabihin, sa aming tagapaghatid ng Mabuting Balita ni Kristo, bilang mga "hinirang" ng Diyos, ay hindi dapat mawala ang pag-ibig na umuunawa, nagpapatawad at nagpapakasundo. Nang tinawag ni Jesus ang mga alagad ay kapuna-puna ang agarang pagtugon nila sa pagtawag ni Jesus. Iniwan nina Simon at Andres ang kanilang lambat. Iniwan naman ni Santiago at Juan ang kanilang amang nasa bangka at sumunod din kay Jesus. Totoong ang pagpapari o pagiging relihiyoso/relihiyosa ay personal na pagtugon sa pagtawag ni Jesus. At marami ang tapat na patuloy na tumutugon sa pagtawag na ito. Iniwan nila ang kanilang pamilya at ang pagkakataong magkaroon ng pamilya para kay Kristo. Ngunit may ilan na sa kanilang pagtugon ay nagkamali sa kanilang desisyon. Masasama ba silang tao dahil nagkamali sila? "Who am I to judge?" sabi nga ni Pope Francis. Bilang Simbahang may AWA at MALASAKIT dapat ay iparamdam sa kanila ang pagmamahal na umuunawa at nagpapatwad. Hindi ibig sabihin na sainasang-ayunan natin ang mga PADRE DE PAMILYA sa kanilang ginawa. Sabi nga ni retired bishop Oscar Cruz, noong sila ay naging seminarista at naging pari ay alam nila ang batas ng celibacy. Hindi naman tama na dahil nilabag nila ito ay babaguhin natin ang batas! Ngunit hindi rin naman tama na pabayaan sila ng Simbahan. Hindi tama na itrato silang "masama" sapagkat nagkamali sila. Ang pagbisita sa atin ng Santo Papa ay nagpapaalala sa ating ang Simbahan ay isang INA na laging handang tanggapin at patawarin ang kanilang mga nagkamaling anak.. Hindi ito pangungunsinti sa maling nagawa nila. Hindi ito pagbibigay daan para sang-ayunan ang mali. Ito ay pagpapakita ng MALASAKIT at HABAG ni Kristo sa kanyang mga kapatid. Kung mayroon man tayong natutunan sa pagdalaw ng Santo Papa ay ang pagkakaroon ng mas malawak na pag-intindi sa mga taong nagkakamali. Siguro ay nakakasalubong natin sila araw-araw. Marahil ay nakakdaupang-palad natin sila at nakakausap. Ituring natin silang kabilang sa ating pamilya. Iisang pag-ibig ang nagbubuklod sa atin. Ang Diyos ng pag-ibig ay patuloy sa Kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Siya ang tunay na PADRE DE PAMILYA na nagbubuklod sa Kanyang mga anak. Kung tinatanggap ka ng Diyos... sino ka para hindi tanggapin ang kapwa mong nagkamali?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento