Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 3, 2015
ANG PAGPAPAKITA NG AWA AT PAGDAMAY : Reflection for the Solemnity of the Epiphany - Januray 4, 2015 - YEAR OF THE POOR
Happy Three Kings? Alam n'yo bang MALI ang pagbating ito? Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus. Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa, hindi sila TATLO. Wala namang binggit na bilang ng mga pantas si San Mateo. Ang sinabai ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas ng matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY. Mukhang hindi na masasaya ang mukha iba sa atin! Marahil naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehehe. Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS! Sapagkat ngayon ay bahagi pa rin naman ng panahon ng Pasko. Sa katunayan, sa ibang bansa, ang tawag dito ay ikalawang Pasko at sa araw na ito sila nagbibigayan ng regalo. Kaya ang mga ninong at ninang na tinaguan ang kanilang mga inaanak ay hindi pa rin ligtas ngayon. Ibig sabihin puwede pang habulin ang mga ninong at ninang na nagtago noong nakaraang Pasko! Ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay EPIPANYA na ang ibig sabihin ay PAGPAPAKITA. Ipinakita ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbisita ng mga Pantas na Siya ang tunay na HARI ng sanlibutan, na Siya ay tunay na DIYOS, at Siya rin ay tunay na TAO na daranas din ng kamatayan. Kaya ang Anak ng Diyos ay tinawag nating "Emmanuel" na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin." Inako ng Diyos ang ating pagkatao at nanirahan Siya kapiling natin. Naging katulad Siya natin, maliban sa pagiging makasalanan upang iparamdam sa atin ang pag-ibig at AWA ng Diyos. Ipinakita Niya ang Kanyang PAGDAMAY sa ating sa pag-ako Niya ng ating mga kahirapan at sa kahuli-hulihan ay ang kamatayan ng ating katawang lupa. Akmang-akmang ito sa tema ng pagdalaw ng Santo Papa dito sa atin sa darting na January 15-19, 2015. MERCY AND COMPASSION ang tema ng kanyang pagdalaw. Nais niyang ipadama sa atin, bilang pinuno ng Smibahan, ang AWA AT PAGDAMAY ng Diyos! At ito rin ang hamon niya sa ating lahat: na sana ay kaya rin nating ipakita at ipadama ang AWA ar PAGDAMAY ng Diyos sa ating kapwa, lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan. Nagkataon na ngayon din ay Year of the Poor para sa Simbahan natin dito sa Pilipinas. Pinapaalalahanan tayo na bigyan natin ng natatanging pansin at pagkalinga ang mga materially poor nating mga kababayan. Sila dapat ang unang pinapakitaan natin ng awa at pagdamay. Tandaan natin na hindi hadlang ang ating pagiging mahirap upang hindi tayo tumulong sa iba. Mag-isip tayo ng mga konkretong gawain upang maipadama natin ang ating pagdamay sa kanilang abang kalagayan Suriin din natin ang uri ng ating pamumuhay at tingnan natin kung ito ba ay isang malaking paglapastangan sa kalagayan ng mga kapatid nating mahihirap. Tandaan natin na ang mga biyaya at pagpapala ng Panginoon ay hindi atin. Ipinagkatiwala lamang ito sa atin upang magamit din natin sa pagtulong sa ating mga kapatid na higit na nangangailangan. Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa ay hindi lang kasaganahan ng pamumuhay ang ating mithiin. Hilingin natin sa Panginoon ang kapayapaan sa ating mga sarili. Anhin mo pa ang kasaganahan kung araw-araw ka namang nabubuhay sa pagkabalisa at takot? Ang pagpapakita ng AWA at PAGDAMAY ay makatutulong upang magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga sarili. Ang pagtulong sa ating kapwa ay nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa mga gumagawa nito. Ito ang EPIPANYA na kasalukuyang panahon. Ito ang Epipanya nating mga Kristiyano... IPAKITA NATIN ANG AWA AT PAGDAMAY NG DIYOS sa ating mga kapatid lalong-lao na sa mga mahihirap.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento