Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 27, 2018
BIBLE CHRISTIANS: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - January 28, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ang ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon ay inilalaan ngayon sa pagdiriwang ng National Bible Sunday o Pambansang Linggo ng Bibliya. Sa katunayan ang buong buwan ng Enero ay naideklara ng Bible Month ng ating Presidente noong Enero 5 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng Proclamation Number 214. Batid natin ang kahalagan ng Salita ng Diyos sa ating buhay kristiyano. Nagsisilbing ilaw ito upang gabayan ang ating paglalakbay sa mundong ibabaw. Kaya nga't nararapat lang sigurong ating pahalagahan ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Nakakalungkot lang na nagagamit ang Salita ng Diyos sa pag-aalipusta ng kapwa na may ibang paniniwala. Sa halip na pagkakaisa ay pagkakawatak-watak ang idinudulot nito. Ano ba talaga ang Bibliya at paano ba ito dapat gamitin? Minsan, sa isang Bible Study Group na binubuo ng mga bata ay nagtanong ang kanilang guro. "Pedro, halimbawang nakita mo ang mas bata mong kapatid na nangungupit ng pera sa wallet ng inyong tatay anong sasabihin mo sa kanyang gamit ang Salita ng Diyos?" Sumagot si Pedro: "Pastor, ipapaalala ko po sa kanya ang Deuteronomio 5:16 na nagsasabing: "Huwag kang magnanakaw!" "Magaling!" sabi ng Pastor. "Ikaw naman Pablo, halimbawang makita mong nag-aaway ang iyong dalawang kaibigan, paano mo gagamitin ang Salita ng Diyos para pagkasunduin sila?" tanong ni Pastor. "Aba, e sasabihin ko po sa kanila ang Mateo 5:3 na nagsasabing: "Ibigin mo ang iyong kaaway!" "Magaling! paghanga ng Pastor. "Ikaw naman Juan, halimbawang makita mo ang dalawa mong kalaro na may tangan-tangang pusa sa magkabilang paa at pilit na hinihila sa magkasalungat na direksiyon, anung sasabihin mo sa kanila gamit ang Salita ng Diyos?" Sumagot si Juan: "Pastor, sasabihin ko po ang nakasaad sa Mateo 19:6... "Ang pinagsama ng Diyos 'wag paghiwalayin ng tao!" Mukhang mali ang ata ang pagkakagamit ng Salita ng Diyos ni Juan. Ang Mateo 19:6 ay binanggit ni Jesus upang pahalagahan ang pagbubuklod ng Diyos sa mag-asawang ikinasal at hindi sa isang pusang pinag-aagawan ng dalawang bata. "Always read the text in context!" Ito ang turo sa amin ng aming propesor sa pag-aaral ng Bibliya. Sapagkat ang Bibliya ay hindi karaniwang libro. Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store na naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Lalong lalo na, ang Bibliya ay hindi "science book" na magpapaliwanag sa atin ng paglikha ng mundo o ng lagay ng panahon at parating na mga kalamidad. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Maari rin nating sabihin na ang Bibliya ay ang "Love Letter" ng Diyos sa atin na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa kabila ng ating pagiging hindi karapat-dapat. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang mga pocketbooks o magbabad sa "wattpad", bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: "Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan!" Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa. Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan. Kung kaya nating magsayang ng oras sa pagkakalat ng tsismis o mga walang kapararakang bagay, bakit di natin subukang ikalat ang "Mabuting Balita ni Kristo" sa ating mga kapitbahat at kaibigan? Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians".
Sabado, Enero 20, 2018
MATULAD SA ISANG BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino - Year B - January 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!" Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño." Kaya nga't kung pag-iisipang mabuti ay hindi lang para sa mga bata ang kapistahang ito kundi para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood. Kaya't batiin natin ang bawat isa ng "Happy Feastday!" Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata." Bakit? Ano bang meron sa isang bata? May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos. Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord, bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike. Pero wala pa rin siyang natanggap. Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary. Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar. Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!" Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme. Direct to the point! Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili. Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..." Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito. Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata. Una ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan. Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano.. ang pagtitiwala. Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang. Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay. Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos! At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan. Pangalawa ay ang pagiging tapat at totoo sa ating sarili. Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali. Ang matatanda ay laging "denial" sa kanilang mga pagkukulang. Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili. Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo. Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa. Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas. Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at magbigay saksi sa Kanya. Tandaan nating lahat tayo ay minsan ng dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga katangiang ito. Ang sabi nga ng isa pang kanta: "Matanda ngunit bata pa rin ang bawat tao sa ating mundo." Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos. Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga. Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!
Sabado, Enero 13, 2018
KORDERO NG DIYOS: Reflection for the 2nd Sunday in Ordinary Time Year B - January 14, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE
Naalala ko noong bata pa ako tuwing magsisimba paborito kong kantahin ang Kordero ng Diyos. Kakanta ako ng malakas ng ganito: "kaldero ng Diyos...." tapos papagalitan ako ng nanay ko at itatama ang pagkanta ko. "Anak, hindi kaldero kundi kordero!" Kakanta uli ako: "koldero ng Diyos..." Ano nga ba ang ibig sabihin ng "Kordero ng Diyos?" Yung susunod na kataga ang magpapaliwanag nito: "... na nag-aalis ng mga kasalana ng sanlibutan..." Ang kordero ay isang batang tupa na inihahandog sa templo. Makahulugan ng ang pagpatay sa kordero. Sa Lumang Tipan, sa Aklat ng Exodo, inutusan ni Yahweh si Moises na lagyan ng dugo ng kordero ang pintuan ng ma bahay ng Israelita upang hindi sila pasukin ng anghel ng kamatayan at hindi mamatay ang kanilang mga panganay. Dahil dito ay pinayagan na ng paraon ang mga Israelita na umalis sa Ehipto at nakamit nila ang kalayaan mula sa pagkakaalipin sa mga dayuhan. Sa Bagong Tipan, ginamit ni Juan ang imahe ng kordero upang ilarawan ang misyon ni Jesus bilang Mesiyas o Kristo... siya ang mag-aalis sa pagkakaalipin natin sa kasalanan! Alalahanin natin na si Juan ay anak ni Zakarias na marahil ay marami niyang beses na nakasama sa templo sapul pa ng kanyang pagkabata at nasaksihan niya ang paghahandog sa mga kordero. Ngunit masasabi natin na ang Espiritu ng Katotohanan ang nagtulak kay Juan Bautista upang magpakababa at ituro si Jesus sa kanyang dalawang alagad upang kanilang sundan. Narinig natin ang sagot ni Jesus ng tanungin siya ng dalawang alagad kung saan siya nakatira: "Halikayo at tingnan ninyo, " ani Jesus. Katulad ng dalawang alagad tayo rin ay tinatawag ni Jesus na sumama sa kanya at maranasan ang buhay na nagmumula sa kanya. At hinihintay niya ang ating agarang pagtugon katulad ng pagtugon ni Samuel nang una siyang kausapin ng Panginoon. "Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod," ang agarang pagtugon ni Samuel pagkatapos siyang turuan ni Eli ng maunawaan nitong ang Panginoon ang nangungusap kay Samuel. Tayo rin ay nakatanggap ng pagtawag sa Panginoon sa bisa ng binyag na ating tinanggap. Marahil ay mga bata pa tayo noon at wala pang muwang sa kahulugan ng kanyang pagtawag ngunit ngayon na mayroon na tayong sapat na pag-iisip ay tinatawag tayo ng Diyos na maging mga buhay na saksi ng kanyang katapatan at pagmamahal. Ito ay tinutugon natin sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa "bokasyon" na ibinigay sa atin ng Panginoon. May mga tinawag sa pag-aasawa at may tinawag sa paglilingkod sa pamamagitan ng pagpapari o pagiging relihiyoso. At ngayon nga ang itinalagang Year of the Clergy and Consecrated Life. Inaanyayahan tayo ni Jesus na pagnilayan ang kahulugan at kahalagahan ng bokasyong ito lalo na sa aspeto ng paglilingkod tulad ng paglilingkod na ginawa ni Jesus. Bagamat lahat naman tayong mga Kristiyano ay nakikibahagi sa "Common Priesthood" noong tayo ay bininyagan ay mayroon pa ring iilang tao na tinawag naman ng Panginoon sa "Ministerial Priesthood" tulad ng mga pari at mga relihiyoso at relihiyosa. Pareho silang nangangailangan ng katapatan at pagsaksi sa katotohanan. Magkaiba ng daang tinatahak ngunit iisa pa rin naman ang pagtutunguhang kabanalan sa piling ng Diyos Ama sa kalangitan. Sa mga susunod na pagninilay ay sisikapin nating ipaliwanag ang kahalagahan ng tema ng taong ito at kung ano ang sinasabi nito sa ating buhay bilang layko at bilang kabilang sa iisang Simbahang itinatag ni Kristo. Sapat lang na ngayon maging saksi tayo sa ating mga pangakong binitawan sa binyag na magiging misyon natin ang pagtatakwil sa masama at pagpanig sa mabuti sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Tandaan natin na tinawag tayo upang makasalo sa buhay at misyon ni Kristo!
Sabado, Enero 6, 2018
ANG MGA TUNAY NA PANTAS: Reflection for the Solemnity of Epiphany Year B - January 7, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE
Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon. May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas." Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus. Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo. At dahil ito ang Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita, nararapat lang na magpakita na ang mga nagtatagong mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak. Maawa naman kayo sa kanila! hehehe... May tatlong ipinapakita ang kapistahang ito. Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus." Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo. Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat. Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, ipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY. Ang Diyos ang unang nagpakita nito nang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak at ang anak na ito ang nagbigay naman sa atin ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga susunod na araw ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno. Ito rin ay nagpapakita ng matinding deboyon nating mga Pilipino at kung paano natin ipinagkakatiwala ang ating buhay sa Panginoong naghirap at nagpasan ng krus. Kung ating pagninilayan ang imahe ng Poong Nazareno ay makikita natin ang pagkahari ni Jesus. Ipinapakita ito ng kanyang maringal na kasuotan. Makikita rin natin ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao sa kanyang mukhang naghihirap ngunit may nakapaligid namang sinag na nagpapakita ng kanyang kabanalan. Ngunit higit sa lahat ay mababakas natin sa imahe ng Poong Nazareno ang kanyang malaking pagmamahal sa ating lahat at ang pagmamahal na ito ay walang itinatangi. Ang kanyang paghihirap ay para sa lahat! Ang lagi kong lang na ipinaaalala sa mga mamamasan o mga deboto ng Nazareno ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya! Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin si Jesus bilang hari ng ating buhay at hayaan nating buhatin niya ang ating mga paghihirap at suliranin. Subukan nating hanapin Siya lalo na sa mga hindi magandang pangyayari ng ating buhay. Ang tunay na mga taong pantas ay ang handang maghanap at kumilala sa kanya bilang kanyang HARI. "Wise men still seek Him!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)