Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Setyembre 7, 2018
LISTENING HEART: Reflection for 23rd Sunday on Ordinary Time Year B - September 9, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa free throw line at kapag nagmintis magmumura ng malutong pa sa Lapid's Chicharon! O kaya naman ay isang deboto ng Poong Nazareno na hindi mawawala sa Traslacion ngunit patuloy pa rin sa pagsusugal at paglalasing. O isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! May isang kuwento para sa mga taong ang pananampalataya ay natatali lamang sa panlabas na pagpapakita nito. "Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Habang pakrus na iwinasiwas ang kamay! hehehe. Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam tapos hindi naman nag-aral ng mabuti. Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit. Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya. Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag! Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan. Isabuhay nating ang tunay na "Effata!" Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay "paglilingkod at hindi paglingkuran." Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado. Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan. Ibig sabihin tayo rin ay dapat magpakita ng paglilingkod lalong-lalo na sa mga kapatid nating mga dukha at lubos na nangangailangan. Hilingin din natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap. Kung ating titingnan ay hugis puso ang ating tainga. Kapag piangkabit mo ang kanan at kaliwang tainga mo ay magkakaroon ka ng hugis puso. Sa katunayan sa gitna ng salitang HEART ay mayroong EAR. Kaya pala mayroong salitang LISTENING HEART sapagkat ang ginagamit natin sa tunay na pakikinig ay ang ating puso! Gamitin natin ang ating puso sa pkikinig sa mga hinanaing ng ating mga kapatid na mahihirap. Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing. Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin. Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang magaling, kahit na maliit, kapag ginagawa ng malimit ay patungong langit!" Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan. Hilingin din natin ang biyayang maging bukas ang tainga ng ating puso sa at ang ating panalangin ay matulad din sa panalangin ni Jesus upang buksan ito... EFFATA!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento