Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 20, 2018
MISYONERO NI KRISTO (Reposted and Revised) : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa. Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod" lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan. Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain. Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita. Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus. Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa. Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO! Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!" Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay MISYONERO. Isang hindi ko makakalimutang tagpo bago mamatay ang nanay ko ay noong araw na siya ay nagdedeliryo. Ikatlong taon na mula noong siya ay lumisan sa mundong ito. Kapag nagdedeliryo ang isang tao ay kakaiba ang kanyang mga nakikita at sinasabi. Kung minsan ay nakakakita sila ng ibang pangitain. May ganoon ding nakita si nanay ngunit nagulat ako ng tinanong ko siya kung ano ang kanyang ginagawa sapagkat parang mayroon siyang hinihimas at hinahawakan. Ang sabi niya sa akin, "nagluluto ako... nagluluto ako ng bangus!" Tapos hihilahin niya ang kumot niya at sasabihing "magtitiklop ako ng mga damit. Maraming dapat itiklop!" Hanggang sa kanyang pagdidiliryo si nanay ay abala sa gawaing bahay... paglilingkod pa rin ang iniisip! At ito nga ang ipinapahayag ng ating pagbasa ngayon, na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Walang maipagmamalaki si nanay. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Hindi siya marunong gumamit ng cellphone. Ni hindi niya nga alam gamitin ang remote control ng telebisyon namin. Sa mata ng mundo ay wala siyang alam. Ang alam niya lang gawin ay magluto, maglaba, maglinis ng bahay, mag-alaga sa amin... ngunit doon ko nakita ang kanyang kadakilaan. "Ang sino man sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sino mang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat." Ito ang pagiging misyonero ni nanay. Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin. Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin magsakripisyo rin para sa ating kapwa. Mas pinatingkad pa ito ngayong pagdiriwang ng Year of the Clergy and Consecrated Persons na dapat nating pagtuunan ng pansin ang paglilingkod sa mga taong mahihirap at sinasantabi ng ating lipunan. Ang biyaya ng paglilingkod ay "kadakilaan" ngunit kadakilaan hindi sa mata ng tao kundi sa mata ng Diyos. Ang luklukang pinaparangap ng magkapatid na Santiago at Juan ay para sa mga "pinaghandaan." Ito ay para sa mga taong ang buhay ay inilaan sa paglilingkod. Katulad ni nanay! Katulad ng mga taong patuoy na nag-aalay ng kanilang sarili para sa iba. Katulad ng mga misyonerong ang buhay ay buong-buong inialay para kay Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento