Biyernes, Nobyembre 23, 2018

ANG PAGHARIAN NI KRISTO: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 25, 2018: YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Kapistahan ngayon ni Kristong Hari.  Si Jesukristo ay pinahahayag natin bilang "hari ng sanlibutan" at "hari ng ating buhay." Ang kapistahang ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismo o makamundong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos"  at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo.  Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo. Sino nga ba ang mga kinikilala nating hari?  Sila ba na mga tanyag, kilala at hinahanganan natin ay matatawag nating hari?  Si Michael Jackson ay tinanghal bilang "King of Pop Music".  Si  Dolphy ay kilala bilang "King of Comedy".  Si  FPJ ay pinarangalan din ng titulong "Hari ng Pelikulang Pilipino."  Ang  hari noong unang panahon ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Kaya nga sila ang mga taong may tatlong "K":  Kasikatan, Kayamanan at Kapangyarihan!  Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus... "Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan."
Ano sinasabi sa atin ni Jesus tungkol sa kanyang paghahari?  Una, ito ay ang PAGHAHARI NG KATOTOHAN.  Ito ay ang kabaliktaran ng ibig sabihin ng salitang diablo o "Diabulos" sa wikang Griego na ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak" o "mapanira".  Kaya nga ang paglaganap ng "fakenews" ay masasabi nating gawa ng diablo!  Dahil sa mali at mapanirang balita, nagkakawatak-watak ang mga tao at sinisira ang pagkakaugnayan ng bawat isa!  Mag-ingat tayo na huwag tangkilin at higit sa lahat ay wag magpakalat ng "fakenews" lalo na sa socia media na kung saan ay maraming tao ang ating maakay sa kamalian.  Dahil d'yan ay nagiging kampon tayo ng "hari ng kasinungalian at kadiliman!"  Maging mapanuri tayo sa ating naririnig, binabasa o pinapanood.  Sundin natin ang sinasbi ng ating budhi na kung totoong matuwid ay laging ituturo sa atin ang katotohanan at hindi kamalian.  Tandaan natin na ang paghahari ni Kristo ay "paghahari ng katotohanan!"  Ikalawa, ang pagiging hari ni Jesus ay taliwas sa makamundong paghahari.  Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao.  Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan.  Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan.  Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod.  Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition".  Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay!  Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin.  Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili!  Sa pagtatapos ng Year of the Clergy and Consecrated Persons, nawa ay makita natin si Jesus sa bawat taong nakakatagpo lalong lalo na sa mga mahihirap at nangangailangan.  Hilingin natin ay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari.  MABUHAY SI KRISTONG ATING HARI!

Sabado, Nobyembre 17, 2018

ANG WAKAS NG PANAHON AT ANG TAMANG PANAHON: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of the Clergy and Consecrated Persons

Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?" Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon."  Bakit nga ba natin ito kinatatakutan?  Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?"    Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  Kita na ninyo... hindi lahat ng KATAPUSAN ay kinatatakutan.  May KATAPUSAN na kinapapanabikan!  Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko bagamat sa mga mangagawa at namamasukan ay inaabangan nila ito.  Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga nating kapanabikan.  Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon.  Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay "Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho. Ngunit itinama ni San Pablo ang ganitong pag-iisip.  Hindi ganito ang inaasahan ng ating Panginoon na uri ng paghahanda. Nakakatakot ang wakas ng panahon  kung mali ang ating paghahanda at lalo na siguro kung hindi tayo naghahanda. Ano ba ang tamang paghahanda sa "wakas ng panahon?"  Una, tanggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso.  Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap. Wag nating idahilang mahirap din tayo.  Para kay St. Theresa of Calcutta, hindi kinakailangang malaki ang pagtulong ang sabi niya: "Kung hindi mo kayang magpakain sa isangdaang katao, kaya mo naman siguro ang isa!"  Kaya nga't tama ang sinabi ng Simbahan na "walang taong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba."  Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Sa ating Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon sa darating na "katapusan", hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan.  Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito.  Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang TAMANG PANAHON ay ngayon na!  Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!

Sabado, Nobyembre 3, 2018

PAG-ALALA SA PATAY... PAGMAMAHAL SA BUHAY: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time - Year B - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ngayong Nobyembre ay inaalala natin ang ating mga mahal na yumao. Sa katunayan sa buong buwan na ito ay aalayan ng misa ang mga kaluluwang ang mga pangalan ay nakasulat sa mga sobreng ito na nasa harap ng altar.  Bumisita ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng undas?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehehe. May options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay!  Ang maraming taong dumagsa sa sementeryo ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao.  May ilang sementeryo nga na kahit lubog sa baha ay dinalaw pa rin ng mga tao.  Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang natin ipinapakita na mahal natin sila?  Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal.  Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos?  Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel!  ‘Pakinggan mo, Israel!  Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong  pag-iisip, at nang buong lakas.’  Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio.  Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18.  Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama.  Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito.  Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!"  Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang.  Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan.  Ang tawag natn dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith.  Sa taong ito ng pananampalataya, itukod natin ang ating buhay sa isang malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala.  Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya.  Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa.  Marahil ay magandang paalala ang iniwan sa atin ng yumaong singer na si Rico Puno.  Ang sabi ng isang kanyang pinasikat niya:  "Kung ano ang di mo gusto 'wag gawin sa iba. Kung ano ang 'yung inutang... ay siya ring kabayaran. Sa mundo ang buhay ay mayroong hangganan dahil tayo ay lupa lamang.  Kaya't pilitin mong ika'y magbago, habang may panahon ika'y magbago.  Pagmamahal sa kapwa ay... isipin mo!"  Kaya ngayong buwan ng Nobyembre ay mahalin natin ang mga buhay habang ating inaalala ang ating mga patay.