Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?" Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon." Bakit nga ba natin ito kinatatakutan? Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?"
Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!" Kita na ninyo... hindi lahat ng KATAPUSAN ay kinatatakutan.
May KATAPUSAN na kinapapanabikan! Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko bagamat sa mga mangagawa at namamasukan ay inaabangan nila ito.
Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga nating kapanabikan. Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon. Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay
"Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho. Ngunit itinama ni San Pablo ang ganitong pag-iisip. Hindi ganito ang inaasahan ng ating Panginoon na uri ng paghahanda.
Nakakatakot ang wakas ng panahon kung mali ang ating paghahanda at lalo na siguro kung hindi tayo naghahanda. Ano ba ang tamang paghahanda sa "wakas ng panahon?" Una, t
anggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso. Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng
paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap. Wag nating idahilang mahirap din tayo. Para kay St. Theresa of Calcutta, hindi kinakailangang malaki ang pagtulong ang sabi niya:
"Kung hindi mo kayang magpakain sa isangdaang katao, kaya mo naman siguro ang isa!" Kaya nga't tama ang sinabi ng Simbahan na
"walang taong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba." Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Sa ating Ebanghelyo ay nagbabala ang Paningoon sa darating na "katapusan",
hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan. Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na
"Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON! Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito. Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang TAMANG PANAHON ay ngayon na! Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento