Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 26, 2019
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia? May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?" Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Sa pakikipag-usap sa atin ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay ipinahahayag Niya ang Kanyang kalooban. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at ng kaluluwa ng iba. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos. Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal. Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos. Basahin, pagnilayan o ipanalangin at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Nawa ay pahalagahan natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay. May nabasa akong isang mensahe sa Facebook tungkol sa pagpapahalaga sa Bibliya. Ganito ang kanyang sinasabi: "What of we began to treat our Bibles that way we treat our cellphones? What if we carried it with us everywhere? What if we turned back to go get it if we forgot it? What if we checked it our for messages through out the day? What if we used it in case of emergency? What if we spent an hour or more using it each day?"
Sabado, Enero 19, 2019
KABATAANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year C - January 20, 2019 - Year of the Youth
Kapistahan ngayon ng Sto. Nino! Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!" Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood". Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!" Ngunit din rin naman maipagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!" Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo! Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan." Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino. Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig natin kung paanong nag-alala si Maria at Jose ng malaman nilang hindi nila kasama si Jesus pag-alis sa Jerusalem. Hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak ngunit hindi nila natagpuan. Ganito rin ba ang nadarama ng mga magulang kapag nawawalay sa kanilang piling ang kanilang mga anak? Sadyang may mga magulang kasing masyadong malaki ang tiwala sa kanilang mga anak na pinababayaan na lamang ang mga ito hanggang sa maligaw ito ng landas. Ang mas masaklap pa nga ay may mga magulang na sila pang nagtutulak sa kanilang mga anak upang sila ay mapahamak. Ilang raid na ng ating mga kapulisan ang isinagawa na nakitang ang mga magulang pa nga ang nagbubugaw sa kanilang nga anak para sa cybersex o kaya naman ay pilitin silang magtrabaho sa murang edad sa kadahilanan ng kahirapan? Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring malaking problema ang usapin ng "child trafficking" at "child labor." Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet at nagagamit sa prostitusyon. Ang nakakalungkot ay ang sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa! Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya. Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal". Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos. Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino. Natataon na ang ating Simbahan sa Pilipinas, sa pamumuno ng ating CBCP ay idineklara rin na ang taong 2019 ay Taon ng Mga Kabataan. Nais ng ating Simbahan sa Pilipinas na bigyan natin ng pagpapahalaga ang mga kabataan sa taong ito at ituring silang mga "tunay na kayamanan" ng bawat pamilyang Pilipino. Ilang mga pamilya na lang ba ngayon ang pinagbubuklod ang kanilang pamilya sa hapag kainan at sa hapag ng Panginoon? Ilang mga magulang pa ba ang nagsasama ng kanilang mga anak sa pagsisimba? Ang pamilyang nagdarasal ng sama-sama, nanatiling magkakasama! Kaya't napakalaking responsibilidad sa mga magulang na imulat sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagdarasal at pagsisimba ng sabay-sabay. Marahil ay mahirap na sa ating panahon ngayon ngunit hindi imposibleng gawin sapagkat may ilan-ilan pa ring nakakagawa nito. Sama-sama nating labanan ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL! Muling nating ibalik ang isang pamilyang naka-sentro sa Diyos. Simulan natin sa Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pagkakaisa at pagbubuklod.
Sabado, Enero 12, 2019
MGA KRISTIYANONG PANIKI (Reposted and Revised): Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year C - January 13, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Noong nakaraang Miyerkules, ika-siyam ng Enero ay muli na namang nasaksihan ng buong mundo ang kakaibang pananampalataya nating mga Pilipino sa pagdaraos ng TRASLACION. Ito ang taunang paggunita sa paglilipat ng Imahe ng Poong Nazareno mula sa Luneta patungong Simbahan ng Quiapo. Hindi ito ang Kapistahan ng Nazareno, sapagkat ang paggunita sa paghihirap ni Jesus ay ginagawa natin tuwing Biyernes Santo. Hindi rin ito kapistahan ng Quiapo sapagkat ang patron ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Baustista. Ito ay isang malaking pagdiriwang na may anyong kapistahan dahil sa dami ng mga debotong nakikibahagi taon-taon. Saan ka nga ba naman makakakita ng uri ng pananampalatayang ipinakita ng mga deboto ng Poong Nazareno? Mahigit isang milyong taong parang along sumasabay, dumuduyan at nagpapagalaw sa andas ng Poong Nazareno. Hindi maikakaila ang mga tunay na debotong nabiyayaan ng Kanyang mahimalang tulong. Hindi rin maikakaila ang maraming taong binago ang buhay ng Poon. Mula sa magulong buhay tungo sa mapayapang pamumuhay, mula sa pagiging makasalanan tungo sa kabanalan, lahat sila ay may magandang kuwentong maibabahagi sa pakikipagtagpo nila sa Poong Nazareno. Ngunit kung may mga tunay na deboto ay mayroon din namang mga "debote" kung tawagin. Sila naman ang nag-aakala na ang pagsunod sa Nazareno tuwing "traslacion" ay sapat na upang matanggal ang kanilang kasanalan at dahil d'yan ay balik uli sa dating pag-uugali at buhay "debote" uli! Wala silang pinagkaiba sa mga "kristiyanong paniki" kung tawagin. Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!" Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking winisikan ng tubig! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang. Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi ng kasalanan! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, ang ating binyag ay pagsisimula ng ating misyon bilang mga anak ng Diyos na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano. Sana hindi lang tayo mga "Kristiyanong Paniki". Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama! Ngayong Taon ng Mga Kabataan, ipakita natin ang isang pananampalatayang buhay na buhay. Isang pananampalatayang masigasig at napapatunayan sa gawa. Isang pananampalatayang may pakialam sa mga nangyayari sa ating lipunan at nagtataguyod sa Simbahan.
Linggo, Enero 6, 2019
REGALO (reposted): Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year C - January 6, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Nabigyan ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko? Kung hindi pa ay huwag kang malungkot. May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!" Mga kapatid puwede pang magbigayan ng regalo ngayon sapagkat ngayon ang huling Linggo ng kapanahunan ng Pasko. Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)