Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 26, 2019
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 27, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia? May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?" Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Sa pakikipag-usap sa atin ng Diyos sa Banal na Kasulatan ay ipinahahayag Niya ang Kanyang kalooban. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at ng kaluluwa ng iba. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos. Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal. Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos. Basahin, pagnilayan o ipanalangin at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Nawa ay pahalagahan natin ang Salita ng Diyos sa ating buhay. May nabasa akong isang mensahe sa Facebook tungkol sa pagpapahalaga sa Bibliya. Ganito ang kanyang sinasabi: "What of we began to treat our Bibles that way we treat our cellphones? What if we carried it with us everywhere? What if we turned back to go get it if we forgot it? What if we checked it our for messages through out the day? What if we used it in case of emergency? What if we spent an hour or more using it each day?"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento