Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 2, 2019
PROPHETIC CHURCH: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year C - February 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews." Sino nga ba naman ang may gusto nito? Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon. Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita. "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema. Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis." Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh. “Before I formed
you in the womb I knew you,
before you were born I dedicated you. A prophet to the nations I appointed you." Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao ngunit wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. "But do you gird your loins:
stand up and tell them all that I
command you. Be not crushed
on their account... They will fi ght against
you, but not prevail over you,
for I am with you to deliver
you,” says the Lord." Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: “Amen, I say to
you, no prophet is accepted in
his own native place." At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya! Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Ito ang paninidigang sinabi ng ating mga obispo sa kabila ng matinding pangbabatikos at paglapastangan sa kanila: “As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'" Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media. Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang patuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang "drug addicts" na para bagang ito na lamang ang solusyon para malinis ang ating lipunan. Marami sa mga biktima nito at kanilang mga pamilya ay napagkakaitan ng katarungan. Marami sa kanila ay mahihirap na ang tanging boses na inaasahan ay ang pagsasalita ng Simbahan. Dahil dito ang Simbahan ay umaani ng batikos at tinatawag pang kakampi ng kasamaan. At buhay na buhay pa rin ang issue ng "same sex marriage". Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan. Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual". Ang Simbahan ay malugod na tumatanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian. Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin. Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan. Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan! At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. At naririyan pa rin ang issue ng "divorce" o paghihiwalay ng mag-asawa. Kailanman ay hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahan kahit siya na lamang ang naninindigan dito. Ang pagsasama ng mag-asawa na piangbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado. May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay. Ngayon ay PRO-LIFE SUNDAY at ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban. Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito. May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan. Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan. Hindi tayo badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!" Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento