Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Pebrero 24, 2019
UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Halos patapos na tayo sa "Buwan ng Pag-ibig" at marahil magandang kamustahin natin ang ating relasyon sa isa't isa. Ano na ba ang relationship status mo? Sa facebook ay makikita pa ang mga status tulad ng single, married, in a relationship, it's comlplicated at nadagdagan pa ito ng engaged, married, widowed, separated, divorced, in civil union, in a domestic relationship. Isama na natin ang mga kakaibang jejemon relationship tulad ng MOMOL (Make Out Make Out Lang), MOMOX (Make Out Make Out Extreme), HOHOL (Hang Out Hang Out lang) COCOL (Coffee Coffee Lang) MU (Mutual Understanding? Hindi... MU for Malanding Ugnayan! hehehe) Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo. Kaya nga dapat tinatanong natin sa isa't isa ang katagang "Mahal mo ba ako?" Mahal ba ako ng asawa ko? Mahal ba ako ng mga anak ko?... ng mga kaibigan ko?... Mahal ba ako ng aking Diyos? Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan. Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos! Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao. Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing. Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kaya nga't nasabi niyang: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!" At para bigyan ito ng paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit. Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro! Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal. Isang magandang paala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti. Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid. Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi). Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!" Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob? Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha. Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso. Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito. Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!" "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento