Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 16, 2019
ANG SAWIMPALAD AT MAPAPALAD: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Bagamat natapos na ang Valentines Day noong February 14, ang buong buwan ng Pebrero ay tinatawag pa ring "love month". Sa katunayan, maari pa tayong bumawi kung may nakalimutan tayong padalhan ng mga simbolo ng ating pagmamahal. Isaalang-alang lang natin ang mga "kulay" ng ating ipapadala upang maging mas makahulugan sa mga taong ating pagbibigyan. Halimbawa, sa isang taong tunay mong minamahal hanggang sa kabilang buhay ay bigyan mo s'ya ng GREEN ROSES. Nakakita ka na ba nito? Wala di ba? Sapagkat ang sabi nila ang "green roses" daw ay matatagpuan lamang sa hardin ng kalangitan. Sa mga "crushes" mo naman na kung saan ay mayroon ang paghanga ay maari kang magbigay ng WHITE CHOCOLATES. White upang maipadama mo sa kanya ang malinis mong hangarin ng paghanga. Sa mga kaibigan naman ay puwede ng magbigay ka ng PINK BALOONS! Hindi ko alam kung bakit pink. Bahala na kayong magbigay ng kahulugan! hehe. At sa mga taong "loveless" anu kaya ang tamang kulay na ating ibibigay? Puwede mo siyang bigyan ng color RED! Bakit RED? Bigyan mo siya ng RED HORSE! Red horse extra-strong beer! Samahan mo na rin ng pulutan para mas masaya! hehehe... Sinasabi nilang SAWIMPALAD daw ang mga pusong sawi! Mukhang totoo nga naman... Kasi nga, kapag loveless ka ang buhay ay "parang aso na walang amo. Parang adik na walang damo. Parang dinuguan na walang puto. Parang Zesto na walang staw. Parang tinola na walang sabaw. Parang babae na walang dalaw. Parang bahay na walang ilaw... Parang ako na walang ikaw! " Lakas ba ng hugot? Bakit nga naman ganun tayo mag-isip? Para bagang wala ng karapatang lumigaya ang mga taong SAWIMPALAD. Ganito kasi mag-isip ang mundo! Kawawa ang mga nagdadalamhati. Kawawa ang mga mahihirap. Kawawa ang mga nagugutom... Ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo! Ngunit iba ang logic o pag-iisip ng Diyos. Para sa Diyos, mapalad ang mga dukha. Mapapalad ang ma nagugutom. Mapapalad ang mga tumatangis... Parang katawa-tawa ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung iyong pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad." Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan. Hindi ang mundong ito ang sukatan ng kanilang pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan. Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili. Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot. Ang magmahal o manghamak ng kapwa. Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin. Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad! May nagsabi sa akin na ang PAG-IBIG daw ay hindi Feb 14. Ang pag-ibig daw ay John 3:16. Ano ba ang nasasaad sa John 3:16: "For God so love the world that He gave his only Son..." Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "selfless sacrifice" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak. Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan! Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal. Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama. Hindi lang banal ngunit gayun din ang mga makasalanan. Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love. Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba. "Love your enemies, pray for those who persecute you!" Magmahal tayo na walang hinihintay na kapalit. Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay. Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap. Kapag nagawa natin ito, masasabi mong tunay kang nagmahal! At dahil dito ay tatawagin kang MAPALAD at hindi SAWIMPALAD!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
miss ko na umatend ng mass mo fr. dudz. hehehehehe
-richel
Mag-post ng isang Komento