Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 30, 2019
BUTIHING AMA: Reflection for 4th Sunday of Lent Year C - March 31 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida. Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali. Pagkatapos ng mahabang pagsubaybay sa teleseryeng "Ang Probinsiyano" nasaksihan na rin ng mga manood ang pagtatapos ng pagganap ng mga kinikilala nating kontrabida, sina "Alakdan" at ang mag-amang "Cabrera". Pero buhay pa si "Hipolito" kaya umasa kayong magtatagal pa ang inyong sinusubaybayang teleserye! Marahil, patay na tayo, buhay pa rin si Cardo! hehehe... Siya ang bida eh! Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK. Siya ba ang bida sa kuwwentong ito o isa siyang kontrabida? Kung hindi siya ang bida ay sino? Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito: Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak! Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak. Mas ipinakita niya ito sa kanyag panganay na isang ring "alibugha". Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal. Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama. Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama. "Open-ended" ang kuwento. Walang ending. Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay. Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at TAYO ang mga iyon... Ikaw ang gagawa ng ending sa talinhangang ito. Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos? Ang ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay kinaugaliang tawaging "Laetare Sunday". "Laetare" na ang ibig sabihin ay ay magsaya! Bagamat ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa pagsisisi ay inaanyayahan tayong magbalik-loob na may kagalakan sa ating puso sapagkat may Diyos tayong mahabagin at magpagpatawad. Pasalamatan natin ang kabutihan ng ating Diyos ngunit isapuso rin natin ang tungkuling mahalin Siya ng lubos kahit na tayo ay kanyang mga alibughang anak.
Biyernes, Marso 22, 2019
GOD'S PATIENCE: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - March 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang Panahon ng Kuwaresma ay pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang manalangin, magnilay, at magsisisi sa ating mga kasalanan. Kaya nga ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa "repentance" o pagsisisi sapagkat tayong lahat ay mga makasalanang nangagailangan ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ako, ikaw, tayong lahat ay may tulay na kinalalaglagan sa ating buhay.
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin: "May hangganan ba ang awa ng Diyos?" Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na. Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali. Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan.Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. Siya ang namamanhikan sa Ama upang bigyan ng pagkakataong makaahon ang kanyang mga anak at "mamunga ng sagana! "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos sapagkat ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili. Yung batang nagtanong sa akin kung mapapatawad ba tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan ay marahil nagdududa sa kabutihan ng Diyos. Father, paulit-ulit lang naman ang kinukumpisal ko! Pagkatapos kung magkumpisal, mamaya magkakasala na naman ako! Para saan pa ang pagkukumpisal?" ang tanong niya sa akin. Ito ang sagot ko sa kanya: "Nagsipilyo ka ba kanina pagkagising sa umaga?" "Siyempre naman Fads! Mabaho ang hininga ko pagkagising eh!" sagot niya sa akin. Sinabi ko sa kanya: "Bukas, pagkagising mo, huwag ka ng magsisipilyo! Kasi babaho din naman ang hininga mo! At ganun din sa susunod na araw!" Pareho rin sa pagkukupimpisal. Hindi kailanman mawawala ang "baho ng hininga" natin, Babalik at babalik yan. Ang kasalanang ating nagawa ay maaring bumalik muli. Kung minsan nga paulit-ulit. Kaya nga't mas kinakailangan natin ang pagkukumpisal sapagkat sa paglapit dito ay pinahahayag natin ang pag-amin sa ating kahinaan at ang pangangailangan natin sa kalakasan ng Diyos! Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay. Magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos. Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa. Kaya nating magbago. Kaya nating maging tapat sa Diyos! "Be patient for God is patient with you!"
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin: "May hangganan ba ang awa ng Diyos?" Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na. Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali. Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan.
Sabado, Marso 16, 2019
PAG-ASA SA PAGABAGONG ANYO: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - March 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbagong buhay... magbagong-anyo. Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo. May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan. Matanda na siya. Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala. Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan! Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay. Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro. "Hindi ito makatarungan San Pedro. Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!" Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon. At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!" Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo! Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang. Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano. Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo. Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang. Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sa isang taong nagnanais ng tagumpay. Ang sabi nga ng ilang kasabihan: "No pain, no gain!" "No guts, no glory!" At meron pa... "No ID, no ENTRY!" Teka, ano ang konek ng No ID, no entry sa paghihirap na dapat nating pagdaanan bilang Kristiyano? Simple lang ang sagot. Ang ID ng isang Kristiyano na nagbibigay sa kanya ng kanyang "identity" ay ang PAGHIHIRAP. Paghihirap na pinagdaanan ni Jesus upang mailigtas tayo sa kasalanan. At dapat bilang mga Kristiyano ay lagi nating isinusuot ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Ito ang daang dinaanan ni Kristo... ang Daan ng Krus! Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang ipaunawa sa kanila ni Jesus na dapat nilang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay nararapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. Huwag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang magandang paalala sa atin na huwag panghinaan ng loob kapag nahaharap tayo sa malalaking problema at suliranin sa buhay. Huwag tayong mawalan ng pag-asa kapag sa harap ng maraming pagkabigo. Huwag tayong masadlak sa kadiliman sapagkat may liwanag na naghihintay sa Muling Pagkabuhay ni Kristo!
Sabado, Marso 9, 2019
THE REAL MOMO CHALLENGE: Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - March 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH / LENTEN SEASON
Naging trending topic kamakailan sa social media at maging sa mainstream media ang "Momo Challenge". Sa katunayan ay ilang araw din itong naging laman ng mga balita at nagdala ng takot hindi lang sa mga bata ngunit maging sa mga magulang. Marami ang pumatol dito dahil nga naman sa pangambang pinsala na maaari nitong maibigay lalong-lalo na sa mga bata. Nitong huling mga araw ay may lumabas na balitang isang "viral hoax" lang naman pala ito. Ibig sabihin ay walang katotohanan ang mga balitang kumakalat na may mga namatay dahil sa pagtanggap sa mga "Momo Challenge" at lalo ng walang karakter na "momo" na dadalaw sa inyong bahay para patayin ang mga mahal mo sa buhay. Bagamat wala namang palang katotohanan ay may sinabi pa rin ang ating Simbahan tungkol sa mga ganitong nakapangangambang gawain. Ang sabi ng isang obispo: "Ang anumang nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo." Kung minsan ay mapapaisip ka kung paanong ang nakakatakot na bagay ay ginagamit ng demonyo upang makaakit ng mga tao upang gumawa ng kasamaan. Hindi ito ang kanyang pamamaraan lalo na sa kasalukuyang panahon. Kalimitan, ginagamit ng demonyo ang mga bagay na nakakaakit sa atin at nagbibigay ng kaluguran sa ating katawan. Ang pagtukso kay Jesus sa ilang ay ang isang magandang halimbawa. Hindi magpapakita ang diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang "kahali-halinang tukso" upang maakit niya ang bawat isa sa atin. Kaya nga mali ang sinasabi ng awit na "O tukso, layuan mo ako!" sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit. Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa atin ng harapan. Sa pagpasok ng panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na talikuran ang kasalanan at sumampalataya kay Jesus. Ito ay narinig natin noong tayo ay tumanggap ng abo sa ating mga noo. Ang pagtalikod sa kasanalan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagsisikap na labanan ang tuksong pinangungunahan nito. Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng dalawang paraan upang mapagtagumpayan ang tukso. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin upang mapagtagumpayan natin ang tukso ng diyablo. Sa panahon ng Kuwaresma ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Sanayin natin ang ating sarili na makipag-usap sa Diyos. Maglaan tayo ng "quality time" para sa Kanya. Sikapin din nating gumawa ng mga sakripisyo tulad ng pag-aayuno. Ito ay hindi lamang pakikibahagi natin sa paghihirap ni Jesus kundi ito rin ay epektibong paraan ng pagdisiplina sa ating mga sarili. Kapag kaya nating tanggihan ang mga kasarapang dala ng ating mga hilig ay makakaya rin nating tanggihan ang mga tuksong darating sa ating buhay. Marahil ay "viral hoax" lang nga ang "momo challenge", ngunit tandaan nating mas makatotohanan ang araw-araw na pagharap natin sa mga tukso na ibinibigay sa atin ng demonyo! Maging maingat tayo. Maging mulat sa mga nangyayari sa ating palagid. Panatilihin nating nakatuon ang ating "moral compass" sa kung ano ang tama at makatotohanan. Huwag tayong magpalinlang sa nakakahalinang panghihikayat ng diyablo. Ito ang tunay na "momo challenge" na hindi dapat pinapatulan nating mga kristiyano na kapag nagpagamit tayo ay siguradong ikapapahamak na tuluyan ng ating kaluluwa.
Martes, Marso 5, 2019
MAGSISI AT SUMAMPALATAYA: Ash Wednesday - March 6, 2019 Year C - LENTEN SEASON
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Sabado, Marso 2, 2019
PETMALUNG SALITA: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year C - March 2, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Paano ba nakikita ang kalooban ng isang tao? Sagot: sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Sa pagbukas ng bibig ng isang tao ay malalaman natin ang nilalaman ng kanyang puso! Kung panay pagmumura, kalaswaan at pagpatay ang lumalabas sa kanyang bibig ay huwag nating asahang maganda ang kanyang pagkatao! May kuwento ng isang malaking barko, isang inter-continental ship ang naaksidente papalubog sa gitna ng dagat. Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit. Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay. Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu. Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!" sabay talon sa dagat. Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump, at sumigaw siya ng "Long live America!" at sabay talon sa dagat. At siyempre, papahuli ba naman ang ating presidente Digong? Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa mo... PETMALU!!!" May nagtanong sa kanya... bakit hindi presidente ng China ang tinulak mo? "Ba't ko gagawin yon e BFF ko yun!" hehehe... Kuwento lang mga kapatid. Kayo na ang bahalang umunawa! Pero, may katotohanan nga ang sabi ni Jesus na ang bawat isa ay nagsasalita mula sa kung ano ang nasa puso niya. Ito ang sinasabi sa unang pagbasa sa Aklat ni Sirach: "The
fruit of a tree shows the care it
has had; so too does a man’s
speech disclose the bent of his
mind." Kaya wag muna nating purihin ang tao bago natin siya pakinggan. Masusuri natin ang isang tao sa kanyang pagsasalita. Ito rin ang sinasabi sa Ebanghelyo: "A good
man produces goodness from
the good in his heart; an evil
man produces evil out of his
store of evil. Each man speaks
from his heart’s abundance." Nagsisimula na ngayon ang pangangampanya ng mga kandidato sa darating na eleksiyon. Hindi ugali ng Simbahan na mag-endorso ng mga kandidatong dapat nating iboto. Ang sinabi ng Simbahan ay maging mapanuri tayo sa pagpili ng ating mga magiging pinuno. Pakinggan natin ang ang pananalita ng mga kakandidato dahil makikita natin dito ang kanilang pagkatao. Dahil sa pagsasalita ay mailalahad nila ang kanilang saloobin at plataporma para sa ating bayan. Hindi masama ang makipagdebate sapagkat masusukat natin dito ang nilalaman ng kanilang puso at ang mga paniniwala nila. May mga kandidatong umiiwas sa debate. Kampante na sila sa mga pakamay-kamay at pasayaw-sayaw sa enteblado. Pero paano natin malalaman ang kanilang saloobin kung hindi sila magpapaliwanag ng kanilang pinaninindigan? Totoo na mahalaga ang gawa kaysa salita. "Action speaks louder than voice!" Pero paano natin malalaman ang kanilang pananaw para sa ating bayan kung mas pipiliin nilang tumahimik na lang? Kung marumi ang pag-iisip ng isang tao, kahit na gaano pagkaingat-ingatan ang pagbuka ng kanyang bibig, madudulas at madudulas din siya! Sa ganang atin naman, bilang mga Kristiyano, ay hinihimok tayong ingatan ang ating pagsasalita at ating pag-iisip. Magkaroon tayo ng malinis at tuwid na pag-iisp ng sa gayon ay magagawa nating magsabi sa iba ng kanilang kamalian na dapat itama. Kung hindi ay magiging hipokrito tayo tulad ng sabi ni Jesus: "Hypocrite, remove the plank
from your own eye fi rst; then
you will see clearly enough to
remove the speck from your
brother’s eye." Katulad din yan ng kanta ni Rico J: "Bago mo linisin ang dungis ng yong kapwa, hugasan ang yong putik sa mukha!" Magagawa natin yan kung may malinis tayong pag-iisip at pananalita. Paano natin malilinis ang kalooban natin? Paano natin maayos ang ating puso at damdamin? Una, huwag nating pasukan ng dumi ang ating kalooban. Dumadaan ito sa 'ting mga mata at tainga kaya bantayan natin ang ating nakikita at naririnig. Pangalawa ay alamin natin ang katotohanan. Wag tayong makinig sa sabi-sabi ng iba. Wag tayong mabuhay sa kasinungalingan. Wag tumangkilik sa mga fake news! Pangatlo, matuto tayong magpatawad o magpaumanhin kung may masama tayong karanasan sa ibang tao sa halip na magkimkim tayo ng galit at sama ng loob. Tandaan natin na ang magpatawad ay nakabubuti hindi lang sa taong pinatawad kundi sa tao ring nagpapatawad. At panghuli, piliin natin na isipin ang mga bagay na mabuti. Kung magagandang bagay ang nasa loob natin, magagandang pananalita ang lalabas sa ating bibig. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Efeso: "Let no corrupting talk come out of your mouths, but only such as is good for building up, as fits the occasion, that it may give grace to those who hear." Pakatandaan: mahuhuli tayo sa ating "petmalung" pananalita!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)