Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 9, 2019
THE REAL MOMO CHALLENGE: Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - March 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH / LENTEN SEASON
Naging trending topic kamakailan sa social media at maging sa mainstream media ang "Momo Challenge". Sa katunayan ay ilang araw din itong naging laman ng mga balita at nagdala ng takot hindi lang sa mga bata ngunit maging sa mga magulang. Marami ang pumatol dito dahil nga naman sa pangambang pinsala na maaari nitong maibigay lalong-lalo na sa mga bata. Nitong huling mga araw ay may lumabas na balitang isang "viral hoax" lang naman pala ito. Ibig sabihin ay walang katotohanan ang mga balitang kumakalat na may mga namatay dahil sa pagtanggap sa mga "Momo Challenge" at lalo ng walang karakter na "momo" na dadalaw sa inyong bahay para patayin ang mga mahal mo sa buhay. Bagamat wala namang palang katotohanan ay may sinabi pa rin ang ating Simbahan tungkol sa mga ganitong nakapangangambang gawain. Ang sabi ng isang obispo: "Ang anumang nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo." Kung minsan ay mapapaisip ka kung paanong ang nakakatakot na bagay ay ginagamit ng demonyo upang makaakit ng mga tao upang gumawa ng kasamaan. Hindi ito ang kanyang pamamaraan lalo na sa kasalukuyang panahon. Kalimitan, ginagamit ng demonyo ang mga bagay na nakakaakit sa atin at nagbibigay ng kaluguran sa ating katawan. Ang pagtukso kay Jesus sa ilang ay ang isang magandang halimbawa. Hindi magpapakita ang diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang "kahali-halinang tukso" upang maakit niya ang bawat isa sa atin. Kaya nga mali ang sinasabi ng awit na "O tukso, layuan mo ako!" sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit. Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa atin ng harapan. Sa pagpasok ng panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na talikuran ang kasalanan at sumampalataya kay Jesus. Ito ay narinig natin noong tayo ay tumanggap ng abo sa ating mga noo. Ang pagtalikod sa kasanalan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagsisikap na labanan ang tuksong pinangungunahan nito. Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng dalawang paraan upang mapagtagumpayan ang tukso. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin upang mapagtagumpayan natin ang tukso ng diyablo. Sa panahon ng Kuwaresma ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Sanayin natin ang ating sarili na makipag-usap sa Diyos. Maglaan tayo ng "quality time" para sa Kanya. Sikapin din nating gumawa ng mga sakripisyo tulad ng pag-aayuno. Ito ay hindi lamang pakikibahagi natin sa paghihirap ni Jesus kundi ito rin ay epektibong paraan ng pagdisiplina sa ating mga sarili. Kapag kaya nating tanggihan ang mga kasarapang dala ng ating mga hilig ay makakaya rin nating tanggihan ang mga tuksong darating sa ating buhay. Marahil ay "viral hoax" lang nga ang "momo challenge", ngunit tandaan nating mas makatotohanan ang araw-araw na pagharap natin sa mga tukso na ibinibigay sa atin ng demonyo! Maging maingat tayo. Maging mulat sa mga nangyayari sa ating palagid. Panatilihin nating nakatuon ang ating "moral compass" sa kung ano ang tama at makatotohanan. Huwag tayong magpalinlang sa nakakahalinang panghihikayat ng diyablo. Ito ang tunay na "momo challenge" na hindi dapat pinapatulan nating mga kristiyano na kapag nagpagamit tayo ay siguradong ikapapahamak na tuluyan ng ating kaluluwa.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento