Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 27, 2019
PAGDUDUDA AT PAGTITIWALA: Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year C - April 28, 2019 - EASTER SEASON
Ngayong kasalukuyang panahon na laganap ang "fakenews" at mga maling impormasyon ay hindi masamang pairalin ang kaunting pagdududa bago natin paniwaalaan ang ating mga naririnig, nababasa at napapanood. Lalo na't lumalapit na naman ang eleksiyon at may mga ilan-ilan na namang kandidato ang gagamit ng mga mabulaklak na pananalita at mga pangakong malayo sa katotohanan. Kaya't kinakailangan ang maging mapanuri, kilatisin ang kanilang mga salita, at bakit hindi, magkaroon ng kaunting pagdududa at hanapin ang katotohanan. May kuwento ng isang matandang pari na kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguihin ang kanyang masamang pag-uugali. Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Marami sa kanila ang nagduda sa kanilang nabasa. Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Nanunumbat na na naman siya! Naninigaw! Aburido! Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried..." pero may karugtong "... and on the third day he rose again!" May katwiran ngang magduda ang kanyang kasama kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda! Kahit nga nga tayo ay laging naghahanap muna ng katibayan bago paniwalaan ang isang bagay. "To see is to believe!" Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya! Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..." Kapag humarap ang ating Simbahan sa maraming pag-uusig at karahasan tulad ng mga taong naging biktima ng pagsabog ng mga simbahan sa Sri Lanka, pag-alipusta sa ating pananampalatayang Katoliko at sa mga namumuno nito; sa tila bagang pagbaluktot sa mga katotohanang ating pinaniniwalaan at pinahahalagahan bilang mga Kristiyano at Pilipino, ay hinahamon tayo ni Jesus na huwag magduda sa Kanya. Siya na nananaig sa kamatayan ay ang Diyos ng awa at habag na nagpapadama ng kanyang walang hanggang pagmamahal at nagsasabing hindi niya tayo pababayaan. Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang itinakda ring Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa o mas kilala sa ingles na "Divine Mercy". Ang Kapistahang ito ay itinalaga ni St. Pope John Paul II noong taong 2000 sa okasyon ng pagiging santa ni St. Faustina Kowalska, isang madre na pinagkalooban ng natatanging biyayang pagpahayagan ni Jesus bilang Hari ng Banal na Awa. Sa araw na ito ay maaaring makatanggap ng biyaya ang mga deboto sa pamamagitan ng pagdarasal ng "Chaplet and Novena of the Divine Mercy", pakukumpisal at pagtanggap ng Banal na Komunyon sa araw ng kanyang kapistahan. Kung isa ka sa mga nagdarasal ng 3 o' clock Habit ay isa ka rin sa mga nagpapalaganap ng debosyong ito sapagkat ang pinakalayunin naman ng debosyon ay upang ipahayag sa buong mundo ang isang mensahe: na ang Diyos ay maawain at mahal niya ang sangkatauhan. Siya ang Diyos na may malasakit at nagmamahal sa ating lahat! Kaya sa kapistahang ito ng kanyang Banal na Awa ay pairalin at ugaliin natin ang magtiwala sa kanyang kabutihan. Sa maraming pagdududa sa ating buhay lagi nating sambitin: "Lord Jesus, I trust in you!"
Sabado, Abril 20, 2019
BEARERS OF GOOD NEWS: Reflection for Easter Sunday Year C - April 21, 2019 - EASTER SEASON
Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS? Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda. Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..." Papayag ka bang totoo ang survey na ito. Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe... Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag. Kailanman ay hindi magagapi ng kadiliman ang liwanag. Hindi magagapi ng masama ang mabuti. Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay! Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila ni Maria Magdalena ay ninakaw ang katawan ni Jesus ng makita niyang nabuksan ang pinto ng libingan. Tumakbo si Pedro ang alagad na minamahal ni Jesus. Bagamat naunang pumasok si Pedro sa libingan ay ang alagad na minamahal ni Jesus ang nakakita at nanampalataya a siya ay muling nabuhay! Hindi siya nagpadala sa fake news at pinaniwalaan niya ang GOOD NEWS ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon! Ang libingang walang laman ay dapat magpaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS.
Huwebes, Abril 18, 2019
THE GOOD IN GOOD FRIDAY(Reposted): Reflection for Good Friday - Year C - April 19, 2019 - EASTER TRIDUUM
May bumati sa akin: "Good morning Father!" pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin. At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!" At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!" hehehe... What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY? Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating mahihirap. Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang karukhaan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos. Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal. Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal. Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan. Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito. Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan. God is good today and will always be good all the time!
EUKARISTIYA AT PAGPAPARI: Reflection for Holy Thursday Year C - April 18, 2019
May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday, ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin". Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34) Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin. Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao. Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin. Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo. Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig. Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo. Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!
Sabado, Abril 13, 2019
MAHAL NA ARAW BANAL NA ARAW: Reflection for Palm / Passion Sunday - Year C - April 14, 2019
Sinisimulan natin ngayon ang SEMANA SANTA o ang MGA MAHAL NA ARAW. Nagsisimula ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday na kung saan ay gingunita natin ang marangyang pagpasok ni Jesus sa Jersalem at ang mainit na pagtanggap ng mga tao roon kay Jesus bilang "Anak ni David" o ang kanilang tagapagligtas. Tinatawag din itong "Passion Sunday" sapagkat sa araw na ito ay sinisimulan natin ang "Passion Week" na kung saan ay pagninilayan natin sa buong linggong ito ang misteryo ng paghihirap at pagkamatay ni Jesus. Sa katunayan ay binasa na natin ng maaaga ang pasyon ng kanyang paghihirap sa ating Ebanghelyo. Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal! Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito. Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay. Sa halip na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine. Kapag ganito ang ginagawa natin ang mahal ay ginagawa nating mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang! Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."
Sabado, Abril 6, 2019
UMUNAWA... HINDI MANGHUSGA: Reflection for the 5th Sunday of Lent Year C - April 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ang ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din sa ingles na "Passion Tide." Kung papasok kayo sa simbahan sa panahong ito ay makakakita kayo ng kakaiba... mga estatwang nababalutan ng telang kulay lila (violet). Ang mga estatwang ito, maliban sa krusipiho, ay mananatiling nakatakip hanggang bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Bakit dapat silang takpan? Ginagawa ang pagtatakip sa mga estatwa upang bigyan tayo ng kakaibang pakiramdam sa nalalapit na mahahalagang araw na ating ipagdiriwang. Hindi lang kakaibang pakiramdam ang ibinibigay nito kundi pati na rin ang pag-aasam na sana ay dumating na agad ang pagdiriwnag ng pagkabuhay ni Jesus upang muli nating masiganan ang mga imahaeng nagtataas ng ating pananampalataya sa Diyos. Ngunit higit sa lahat ay upang mas higit nating maituon ang ating sarili sa paghihirap ni Jesus lalo na sa mga pagbasang ating maririnig habang lumalapit na ang mga Mahal na Araw. Katulad na lang ng magandang pagbasa ngayong Linggo. Kung paanong noong nakaraang Linggo ay hinikayat tayong maging maawain katulad ng ating Ama, ngayon naman ay hinihikayat tayong maging "maunawain" sa ating kapwa at iwasan natin ang agad-agad na panghuhusga. May nakakatuwang kuwento tungkol sa mag-amang lumuwas sa bayan kasama ang kanilang alagang "patpating" kabayo. Natural na pinasakay ng tatay ang anak sa kabayo dahil may kalayuan ang paglaalkabay. Ngunit ng makita sila ng mga tao ay agad nakarinig sila ng pagpuna. "Wala namang utang na loob at paggalang ang batang ito sa kanyang ama. Nakita na niyang matanda na ang kanyang ama at pinaglalakad niya ito. Bakit hindi niya pasakayin sa kabayo?" Nang marinig ito ng dalawa ay agad nagpalit sila ng puwesto. Ngunit nakarinig uli sila ng pagpuna. "Tingnan mo ang matandang ito. Walang pagmamalasakit sa anak! Bakit hindi siya ang maglakad? Kawawa naman ang bata!" Sa huli, nagdesisyon silang pareho na lang silang sumakay sa kabayo. Ngunit ng makita ito ng mga tao ay awang-awa nilang sinabing: "Kawawang kabayo... masyadong pinahihirapan ng mag-ama! Ang payat-payat na nga pareho pa nilang sinasakyan!" At ang sumunod na eksena... buhat-buhat ng mag-ama ang kabayo! Kung minsan ay napakadali nating pumuna at manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology". Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan. Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali. Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran. Tayong mga tao nga naman! Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon". Nais nilang siluin siya upang may maiparatang sila sa kanya. Hinusgahan na rin nila ang babaeng nakiapid na makasalanan at dapat mamatay. Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isa ang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!" Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga. "Who am I to judge?" ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis. Lahat naman tayo ay makasalanan. Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa. May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan. May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala. Ang Simbahan ay para sa mga taong ito. Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao. Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos. Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus. Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain. Magmahal upang tayo rin ay mahalin. Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)