Sabado, Abril 20, 2019

BEARERS OF GOOD NEWS: Reflection for Easter Sunday Year C - April 21, 2019 - EASTER SEASON

Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS?  Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda.  Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..."  Papayag ka bang totoo ang survey na ito.  Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe...  Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag.  Kailanman ay hindi magagapi ng kadiliman ang liwanag.  Hindi magagapi ng masama ang mabuti.  Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay!  Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila ni Maria Magdalena ay ninakaw ang katawan ni Jesus ng makita niyang nabuksan ang pinto ng libingan.  Tumakbo si Pedro ang alagad na minamahal ni Jesus.  Bagamat naunang pumasok si Pedro sa libingan ay ang alagad na minamahal ni Jesus ang nakakita at nanampalataya a siya ay muling nabuhay! Hindi siya nagpadala sa fake news at pinaniwalaan niya ang GOOD NEWS ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon!  Ang libingang walang laman ay dapat magpaalala sa atin na Siya ay buhay!  Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon.  Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. 

Walang komento: