Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 18, 2019
PAGBABAGONG DALA NG KATARUNGAN AT PAGMAMAHAL: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - EASTER SEASON AND YEAR OF THE YOUTH
Natapos na ang halalan. May mga pinalad at hindi pinalad. May mga masaya na sa resulta. May mga ilan na hindi pa rin kuntento at humihingi ng pagpapaliwanag sa mga aberyang nangyari. Pero sabi ko nga sa isang post ko sa FB: "Hindi man nanalo ang mga binoto ko, masaya pa rin ako dahi sa puso tama ang ginawa ko!" Kaya nga anuman ang kalalabasan ng final canvassing, matutulog akong masaya at mapayapa dahil sinasabi ng konsiyensiya ko na ginawa ko ang tama! Sana kayo rin! Makakatulog kayo ng mahimbing dahil alam ninyo na ang ibinoto ninyo ay tama at sila ang magiging daan sa tunay na PAGBABAGO. Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan. Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin? Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao. Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa pagdaraos ng Halalan Mayo 13. Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na LP at HNP. Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng HNP at LP. Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, at PDP." Lalong naguluhan si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan. Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang napagtanungan. Sagot ng binata: 'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang na hanggang ngayon ay hindi matapos ang bangayana at away!" At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated." Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang, pandaraya ang nangyayari sa ating halalan. Ang mga partido ay walang pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters. Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal. Kapag may katarungan ay walang pandaraya, pamimilit at pagyapak sa dignidad ng kapwa. Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang. Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may pagmamahal. Ang pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano. Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos. "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin. Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba. Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag: "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21:5) Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin? Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik. Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili. Sabi nga ng isang post sa Facebook: "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!" Ibig sabihin hindi ang ating iniidolo ibinoto ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex. Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina! Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan, naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili. Kahit sinong Avengers o Abangers pa ang ilgay mo sa puwesto ng pamumuno... walang pagbabagong magaganap. Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!" Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato. Hayaan nating pagharian tayo ng katarungan at pagmamahal sa ating pakikitungo sa iba. Ito ang maka-Kristiyanong sagot natin sa mundong magulo at marahas. Nangana ang alaga kong pusa. Natuwa ako sa kuting nung makita ko syang nakapikit pa at nakalabas ang ulo sa kanyang munting cat-house. Tila baga sinasabi niyang: "One day I will open my eyes and see the beauty of God's creation!" Totoo naman talaga, ang mundong ibingay ng Diyos sa atin ay maganda at mabuti. Tayo lang talaga ang nagpapasama dito! Ibalik natin ang kagandahan at kabutihan ng mundo sa harap ng maraming kasamaaan. Kaya naman pala ito ang huling habilin ni Jesus para sa ating lahat bago niya tayo lisanin sa mundo: "I give you a new commandment: love one another. As
I have loved you, so you also
should love one another."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento