Kung ang Panahon ng Adbiyento ay may tinatawag na "Gaudete Sunday", ang Panahon ng Kuwaresma ay may "Laetare Sunday" kung tawagin. Katulad ng Adbiyento, ang kahulugan ng Laetare ay "magsaya". Magsaya sapagkat nalalapit na ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo. "Magsaya" sapagkat sa kabila ng maraming kahirapang dala ng COVID-19 sa ating kabuhayan ay pasasaan ba't babalik din sa normal ang ating pamumuhay at marahil mas magiging matatag pa tayo sa marami pang mga pagsubok na kakaharapin natin sa buhay! Magsaya sapagkat nababaagan na natin ang liwanag na gagapi sa kadiliman at pagkabulag ng sanlibutan.
May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang katulad ng pagkabulag na binanggit sa ating Ebanghelyo. Kalimitan ay wala na itong lunas at nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din naman na nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan". Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita!
May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi kahangalan sapagkat nabubuhay ka sa imahinasyon!"
Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... ang pagkabulag sa katotohanan, ang ikalawang uri ng pagkabulag. Sa ating Ebanghelyo ay makikita naman natin ito sa mga taong nakapaligid sa sa taong bulag na pinagaling ni Jesus. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating maling ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay!
Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang akong bisyo! Sumusunod naman ako sa sampung utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?"
Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Tanging "mata ng pananampalataya" ang ating magagamit na panlunas sa sakit na pagbubulag-bulagan. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!" Ang pagbubulag-bulagan ay nagiging sagabal din upang makita natin ang katotohanan sa mga maling nangyayari sa ating paligid. Kung minsan ay nabubulagan tayo ng ating paniniwala dahil sa galit na naghahari sa atin o kung minsan naman ay dala ng inggit at ng ating maling pananaw sa buhay. Hindi na natin makita na mali na pala ang ating mga iniisip at ikinikilos. Akala natin ay nasa tama pa rin tayo. Ang mas masama ay hindi na natin nakikita ang kabutihan at pagkatama ng iba. Kaya siguro may mga taong nagsasabing wala namang masama sa pagmumura, pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay kung ito naman ay magbubunga ng kabutihan. Ito ay masamang uri ng pagkabulag sapagkat ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali.
Hingin natin sa Panginoon na sana ay pagalingin tayo sa ganitong uri ng pagkabulag. Ang utos ng Diyos at ang turo ng Inang Simbahan ang maaring gumabay sa atin kung tayo ba ay nabubulagan na sa ating pananaw sa buhay. Walang masama kung itatama natin ang ating maling pag-iisip. Walang masama kung itatama natin ang ating pagbubulag-bulagan! Ngayong Taon ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay huwag tayong maging bulag sa mga hinanaing ng ating mga kapatid. Maging bukas ang ating pag-iisip at tanggalin natin ang pagiging makasarili na maaring magdala sa atin sa kapalaluan. Gisingin natin ang ating pagbubulag-bulagan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento