"Life is difficult!" Ito ang sabi ng isang sikat na manunulat sa kanyang librong pinamagatang "The Road Less Travelled." Ito rin ang saloobin ng maraming tao ngayon dahil sa kahirapang dala ng COVID 19. Mas maraming tao ang nasadlak sa hirap at patuloy na bumabangon upang maisalba ang kanilang kabuhayan. Hindi ito maipagkakaila sa marami sa atin, lalong lalo sa aming mga mahilig kumain ngayong umiiral pa rin ang GCQ o General Community Quarantine! Limitado ang mga restaurant na puwedeng kainan. Di tulad ng dati, masayang kumain kasama ang mga kaibigan lalo na kapag ang kainan ay "Eat All You Can!"
Alam nyo bang ngayon ay araw ng Kapistahan ng Pagkain? Kaya para sa mga katulad kong masarap kumain... HAPPY FEAST DAY sa inyong lahat! hehehe. Simple lang naman ang prinsipyong isinasabuhay ng mga mahilig kumain: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!" Dumarami ngayon ang mga restaurant na "Eat All You Can". Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! (Di naman ako seryoso n'yan! hehe)
Pero ang ipinagtataka ko eh bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag sa aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit nga ba ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain.
We become what we eat...! Kaya nga ingat-ingat lang. Kapag puro baboy ang kinakain mo ay magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang magiging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inialay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Kaya nga ngayon mas mauunawan natin kung bakit sinabi ni Jesus na S'ya ang pagkaing nagbibigay buhay. Nais n'yang tayong lahat ay mabahaginan ng buhay na walang hanggan! "I am the living bread that came down from heaven; whoever eats this bread will live forever; and the bread I will give is my flesh for the life of the world!"
Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo, maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba. Become what you eat... become like Christ!
1 komento:
Thank you very much po. It helps a lot for me for sharing, for additional knowledge about faith, I wish po na sana mas maaga pa napopost, thx po...
Mag-post ng isang Komento