May kuwento ng isang pari na nagbibigay ng homiliya at nangangaral siya tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!"
Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos. At kung mahirap maintindihan ang Kanyang pag-iisip ay mas lalong mahirap isabuhay ang Kanyang kalooban. Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita. At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?" Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!"
Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang divorce, same sex marriage o kahit death penalty ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" At tanging ang katotohanan lamang ang maaring magpalaya na magpapasaya sa atin.
Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan. Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!"
Ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay nasaksihan ng marami at marahil ay personal na naranasan ng iilan ang sakit ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay ay mas higit nating kinakailangan ang ganitong pag-iisip. Marahil ay mahirap para sa atin na maunawaan ang kalooban ng Panginoon at mas madali ang magduda at mag-alinlangan sa kanyang karunungan at pagmamahal. Dito sinusukat ng Panginoon ang katatagan ng ating pananalig sa kanya. Katulad ng Mahal na Birheng Maria na nagpakita ng katatagan sa paanan ng krus at minamasdan ang kanyang nag-aagaw buhay na anak ay maipahayag nawa natin ang kanyang "fiat voluntas tua!" "Mangyari nawa ang iyong kalooban Panginoon." Lagi lamang nating tandaan na ang Diyos ay kasama natin sa mga madilim na pahina ng ating buhay. Hindi niya tayo iniiwan at pinababayaan.
Ang taong tunay na malaya ay ang taong sumusunod sa Kanyang kalooban! Ang pagpapahayag ng AMEN ay pagpapahayag ng ating paninindigan sa ating sinasampalatayan. "Oo, naniniwala ako. Oo nananalig ako!" Nawa ay maisapuso natin ang pagsasabi nito sa tuwing humaharap tayo sa pag-aalinlangan at sa tuwing sumasalungat ang ating pag-iisip sa kalooban ng Diyos na pinapahayag sa atin ng ating Inang Simbahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento