Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus. Ngunit anong uring pagdating ba ni Jesus ang ating pinaghahandaan? Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda: Una ay ang kanyang unang pagdating noong UNANG PANAHON na kung saan ang Diyos ay nagkatawang tao na ginugunita natin taun-taon sa tuwing nagdiriwang tayo ng araw ng Pasko. Ang ikalawa ay ang kanyang muling pagdating sa WAKAS NG PANAHON na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras, at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihan o kasamaang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa. Sa gitna ng una at ikalawa nyang pagdating ay ang pangatlong uri, ang kanyang mahiwagang pagdating sa ating piling na patuloy nating nararanasan sa paraang mahiwaga katulad ng pagtanggap natin ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa na kung saan ay nagbibigay Siya sa atin ng TAMANG PANAHON upang atin siyang makatagpo.
Anung uring paghahanda ang inaasahang gawin natin sa Panahon ng Adbiyento? Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas" labang bilang paggunita sa "unang panahon": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party. Marahil ay kailangan din naman ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan ngunit hindi lang ito ang dapat na paghahanda para sa isang masaya at makahulugang pagdating ng Panginoon. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus." Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras.
Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa TAMANG PANAHON na kung saan ay hindi tayo nagpapabaya at walang ginagawa. Kaya nga sa paghahandang ito ay hinihimok tayong tanggalin ang ating masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Ang Taon ng MISSIO AD GENTES ay nagpapaalala sa ating tayo ay may misyong dapat gampanan bilang mga alagad ni Kristo at nag-aanyaya sa atin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating: Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling. At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan.
Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong . Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating simbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Gunitain natin at ipagdiwang ang UNANG PANAHON, tanggapin ang ibinibigay Niya sa ating TAMANG PANAHON, at salubungin natin Siya ng may pag-asa sa WAKAS NG PANAHON. Halina Jesus, manatili ka sa aming piling!