Ang lahat ba ng katapusan ay kinatatakutan? Kailan nga ba ang pagdating ng "wakas ng panahon?" Marami sa atin ay natatakot sa pagdating ng "wakas ng panahon." Bakit nga ba natin ito kinatatakutan? Tunay nga bang nakakatakot ang "katapusan?" Kung pagbabasehan natin mga salitang binitawan ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay mukhang nakakatakot nga! "Sa mga araw na iyon, pagkatapos
ng mga napakalaking kapighatian,
magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag
mula sa langit ang mga bituin, at
mayayanig ang mga kapangyarihan
sa kalawakan..." Sino nga ba naman ang hindi matatakot sa "katapusan?"
Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw. Isang taong nakadamit na amerikana at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end is near!" Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!" Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG! 'WAG KA NGANG EXCITED!" Kita na ninyo... hindi lahat ng ktapusan ay kinatatakutan. May katapusan na kinapapanabikan!
Hindi ang "katapusan" dahil sa hinihintay na suweldo ang tinutukoy ko bagamat sa mga mangagawa at namamasukan ay talaga namang inaabangan nila ito. Sa ating mga kristiyano ang katapusan o wakas ng panahon ay hindi dapat katakutan kundi bagkus ay dapat pa nga natin itong kapanabikan. Sa katunayan ang mga unang Kristiyano ay atat na atat na sa pagsapit ng katapusan ng panahon. Ang kanilang parating sinasambit ay "MARANATHA!" na ang ibig sabihin ay "Halina, Hesus! Halina!" Ang kanilang akala ay agaran ang kanyang pagdating kaya marami sa kanila ang nagbenta ng kanilang ari-arian at hindi na nagtrabaho. Naghihintay na lamang sa darating na katapusan!
Hindi naman sa nais tayong takutin ni Jesus sa pagdating ng "wakas ng panahon." Nais n'ya lang na maging mapagmatyag tayo at laging maging handa. Maging matalino tayo sa ating buhay at matutong basahin ang hininaharap. Ginamit ni Jesus ang paglalarawan sa isang puno ng igos. "Unawain ninyo ang aral mula sa
puno ng igos: kapag sumisipot na
ang mga dahon sa sanga nito, alam
ninyong malapit na ang tag-araw.
Gayon din naman, kapag nakita
ninyong nangyayari na ang mga
bagay na ito, malalaman ninyong
malapit na ang panahon ng pagparito
niya - nagsisimula na." Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng paala-ala at babala.
Paala-ala na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Hindi ba't ito ang parating sinasabi sa atin sa buwan ng Nobyembre? Sa tuwina nakikita natin itong ma sobre sa ating harapan at naririnig natin silang ipinagdarasal ay pinaaalalahanan dapat tayo na balang araw ay maisusulat din ang mga pangalan at ilalagay sa kahon na ito. Haharap tayong lahat sa Diyos at magsusulit tayo ng ating buhay. Tayo ay kanyang hahatulan kung ginamit ba natin ng mabuti ang buhay na ipinagkaloob niya sa atin.
Kaya nga nais ng Panginoon na maging matalino ang bawat isa sa atin. Paghandaan natin ang wakas ng panahon. Paghandaan natin ang katapusan ng ating buhay. Kung magaling tayong magpalano sa ating buhay at marami taong pagsisigurong ginagawa tulag ng mga insurance plan, ay dapat maniguro rin tayo sa ating kahihinatnan paglipat natin sa ating buhay sa "kabila."
Ano bang paghahanda ang aking magagawa? Una, tanggalin natin ang masamang pag-uugali at kung kinakailang dumulog sa kumpisal ay gawin natin ito. Walang hihigit pang mainam na paghahanda sa pagkakaroon ng isang malinis na puso. Ikalawa, gawin nating makatotohanan ang ating mga panalangin at pagsisimba sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan at pagtulong sa mga nangangailangan lalong-lalo na sa mga mahihirap. Sa madaling salia ang inaasahan sa atin ay ang pag-iwas sa kasamaan at pagsisikap na gumawa ng kabutihan!
Araw-araw ay may pagkakataon tayong gumawa ng maliliit na kabutihan para sa ating mga kapatid na nangangailangan. Ang ating Panginoon ay nagbabala sa atin tungkol sa darating na "katapusan", hindi upang takutin tayo, kundi bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito. Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari. Hindi na mahalaga kung kailan at saan. Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang WAKAS NG PANAHON. Sa katunayan ay lagi nating sinasabi sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay! SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON! Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo at naniniwala rin tayo na may Diyos na makatarungan at mapagmahal na hindi tayo pababayaan sa araw na ito. Ang WAKAS NG PANAHON ay parating pa lang... Ang tamang panahon ng paghahanda ay ngayon na! Kumilos tayo ngayon at paghandaan ang kanyang pagdating!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento