Isang mapayapa at puno ng pag-asang bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2022 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng maraming pahirap na ibinigay sa atin ng panahon ng pandemya. Sa katunayan ay nagpapatuloy pa rin ang pahirap na dala nito dahil sa banta ngayon ng bagong covid19 variant na Omicron. Noong nakaraang Disyembre 29 ay nakapagtala ng 889 na new confirmed cases an DOH. Senyales ito na unti-unti na namang tumataas ang Covid infections sa ating bansa. Ngunit sa kabila nito, maraming pa rin sa atin ang positibo sa pagharap sa bagong taon. Sa survey na ginawa ng SWS noong Dec. 12-16, 2021, 93% sa ating mga Pilipino ay sasalubungin ang taong 2022 na puno ng pag-asa! Marami pa rin ang umaasa na malapit na matatapos rin ang kahirapang nararanasan natin ngayon. Ngunit hindi lang naman ang pandemyang ito ang ating pasanin. Isama na rin natin dito ang maraming alalahanin sa buhay na nagdudulot sa atin ng walang kasiguruhan kung ano ba ang mangyayari ngayong taong 2022. Ngunit tulad nga ng nabasa ko ay walang naibibigay na mabuti ang labis na pag-aalala: "Worrying does not take away tomorrow's troubles, it takes away today's peace!"
Bagong taon... bagong buhay... bagong pag-asa! Marami tayong dapat baguhin sa taong ito. May nakasalubong akong kaibigan na may kasamang babaeng balingkinitan ang katawan. Tuwang-tuwa siya ng makita ako at ibinida sa akin ang kanyang kasuotan. "Pare, tingnan mo 'tong polong suot ko... bago yan! Itong pantalon ko... bago rin yan. Itong sapatos ko, relo at kuwintas.... bago lahat 'yan!" Sabi ko sa kanya: "Ang galing naman pare! Talagang new year na new year ang dating mo ah! Bago lahat.... teka sino nga pala yang kasama mong seksi at magandang dilag?" "Ay siya nga pare, nakalimutan kong ipakilala ang misis ko sa 'yo.... BAGO din yan!" hehehe...
Ano ba ang bagong meron ka ngayong bagong taon? Ang pagsusuot ng mga bagong damit at pagkakaroon ng mga bagong kasangkapan ay sumasagisag na nais nating tanggalin ang luma, na marahil ay puno ng kamalasan, at palitan natin ng bago, na magbibigay sa atin ng suwerte at kapalaran!
Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito? Maaalis ba natin ang malas ngayong taong ito? Aminin natin na ang gusto nating lahat na mangyari sa taong ito ay alis malas... pasok buenas! Kaya't kahit na bawal ay hindi pa rin mawawala ang pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon. Naniniwala kasi tayo na na itinataboy ng ingay ng mga paputok ang masasamang espiritu na nagdadala ng kamalasan. Ngunit sa ating mga nanampalataya ay ito ang dapat nating tandaan: "Hindi po ingay ng paputok ang magpapalayas sa mga demonyo. Ang magpapalayas sa mga demonyo ay: taimtim na pagdarasal, madalas na pakikiisa sa Sakramento ng Eukaristiya at Kumpisal, pag-iwas sa kasalanan maliit man o malaki at madalas na pagdalaw at pagdedebosyon sa Banal na Sakramento."
Paano ba papasok sa atin ang buenas o suwerte? Marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong meron kayo nyan sa inyong lamesa sa pagpalit ng taon. Pero dapat nating tandaan, "Hindi mga prutas ang mag-aakyat ng blessings sa buhay mo. Ang makapagbibigay ng blessings sa buhay mo ay si Jesus lamang at wala ng iba!" Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ang polka-dots na sumisimbolo sa pera; mas maraming polka-dots, mas maraming pera ang makukuha.
Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa pagtanggal ng kanyang masasamang pag-uugali at matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Katulad ng isang sisidlang may lamang maruming tubig, hindi natin ito maaring lagyan ng bago at malinis na tubig. Nararapat munang tanggalin ang luma at marumi. Ano ba ng mga masasamang pag-ugali na maari kong tanggalin sa pagpasok ng taong ito? Naririyan ang inggit sa kapwa, pagtatanim ng galit at sama ng loob, pagiging maramot, pagkakalat ng tsismis o pagiging "Marites", panlalait sa kapwa, pagiging mayabang at pagiging sinungaling. Marahil mayroon pa kayong maidaragdag... kayo na ang bahala sa nais ninyong tanggalin. Dahil pagkatapos nito ay dapat naman nating punuin ng pagpapala ang ating buhay.
At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran.
Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Napuspos ng pagpapala ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos. Sa katunayan ay ipinapahayag natin ito sa ating panalangin; "Hail Mary, full of Grace, the Lord is with you!" Bakit napuspos si Maria ng biyaya? Sapagkat ang Panginoon ay sumasakanya! Literally, ito ay totoong nangyari sa kanya sapagkat dinala si Jesus sa kanyang sinapupunan. Ang tawag namin d'yan sa Griego ay THEOTOKOS, the bearer of God, tagapagdala ng Diyos! Sinasabi nito sa atin na dapat ay sikapin din nating "dalhin si Kristo" sa ating pagkatao. Punuin natin ang ating buhay ng grasya ng Diyos katulad ni Maria kung nais nating pagpalain ng Panginoon ang ating buhay. Tinanggap na natin ang biyayang ito noong tayo ay bininyagan. Taglay natin si Kristo maging sa ating pangalan. Ang kulang na lamang marahil ay isabuhay natin ito sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang kalooban. Si Maria ay bukod na pinagpala dahil sa kanyang matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Malaking hamon ito sa atin sa pagpasok ng bagong taon sapagkat sa simula pa lang ay may problema na tayong kinahaharap. Parang napakahirap isakatuparan ang kalooban ng Diyos sa ating sitwasyon ngayon na marami sa atin ang naghihikahos sa buhay gawa ng pandemyang ito. Ngunti manalig tayo ng may pag-asa. Tandaan natin na tayo ay nasa taon ng pagdiriwang ng ika-500 Anibersaryo ng Paghahatid ng Pananamplatayang Kristiyano sa ating bansa. Pinapaalalahanan tayo na wala tayong dapat ipangamba sapagkat hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Maraming pagsubok na hinarap at patuloy na hiniharap ang ating Simbahan ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin itong matatag at patuloy na gumaganap sa kanyang misyon. Ang paalala sa atin ay "We are gifted to give!", na tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos upang magbigay ng pag-asa sa ating kapwa!
Nasa atin na ang "BIYAYA", walang iba kundi si Jesus, kinakailangan na lang natin itong ibahagi sa iba! Sa pagpasok ng bagong taon nawa ay maging mas mabubuting tao tayo at mas tapat na mga Kristiyano. Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang tunay na kapayapaan at kaligayahan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating inaasam. Nawa ay pagharian tayo ng Kristo sa taong ito ng 2022.
Isang Masagana, Mapagpala at Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat!