May isang lumang kuwento na minsan daw ay nagpakita si Jesus sa isang mayaman at sinabing siya ay bibisita sa kanyang bahay bago magpasko. Inihanda niya ang kanyang bahay, ipinalinis sa mga katulong, nagpaluto ng masasarap na pagkain, nagbihis siya ng magarang damit. Dumating ang araw na kanyang hinihintay. Muling nagpakita si Jesus sa kanya at sinabing darating na siya kaya't maghanda na siya. May kumatok sa pintuan. Dali-dali niyang binuksan sa pag-aakalang si Jesus iyon. Ngunit laking pagkadismaya niya ng makita ang isang pulubi na nanghihingi ng kaunting limos. Pinagtabuyan niya ito. Pagkatapos ng ilang oras ay muling may kumatok sa pintuan. Muli niyang binuksan sa pag-aakalang si Jesus iyon. Muli siyang nadismaya ng makita ang kanyang kapitbahay na nangungutang upang ipambili ng pagkain para sa kaanyang pamilya. Sinagawan niya ito at sinabing wala siyang pakialam kung mamatay sila sa gutom. Muli siyang naghintay at sa katahimikan ng paligid ay may mga batang nangangaroling na tumapat sa kanyang bahay. Nagalit siya at pinagtabuyan ang mga bata at tinakot pang isusumbong sila sa barangay dahil wala silang facemask at social distancing habang kumakanta. Lumipas ang mga oras at hindi nagpakita si Jesus. Nakatulog siya at sa panaginip ay muli siyang tinagpo ng Panginoon. "Lord, nagtatampo ako sa 'yo dahil inindian mo ako!" ang sabi ng mayaman. Sumagot si Jesus: "Hindi kita inindian! Sa katunayan ay tatlong beses kong sinubukan na tagpuin ka ngunit ipinagtabuyan mo ako. Tandaan mo, ang ginawa mo sa mga taong ito ay ginawa mo rin sa akin!"
Mga kapatid, marahil ay maraming beses ng sinubukang dumating ni Jesus sa ating buhay ngunit kadalasan ay atin siyang hindi makita at maramdaman. Marami tayong pagtangging ginawa at hindi siya tinanggap sa mga taong nangangailangan ng ating pagmamahal at pag-aaruga. Marami tayong pagkukulang at kalabisan sa ating mga sarili na dapat nating ayusin. Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..." Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin? Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok." Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak? Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin. Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal. Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan. Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay?
Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay. Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin. At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura". Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain. Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili. Nakakalungkot na may mga kristiyanong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila. Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao!
Ngayong Taon ng "Missio Ad Gentes" ay marami rin tayong dapat ayusin sa ating pagkatao at pakikitungo sa ating mga kapatid. Mga lambak ng pagkukulang tulad ng ating pagpapabaya at hindi pagpapahalaga sa kanila. Ang kawalan ng oras natin sa ating mga anak, ang hindi natin pagbibigay ng atensiyon at pagmamahal ay ilan lamang sa mga ito. Gayundin ay hinahamon tayong magpakumbaba sa kanilang harapan. Patagin ang burol ng kayabangan at itaas natin ang kanilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili. Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin tulad ng mga masamang halimbawa na ating ipinapakita sa kanila. Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako." Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay. Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling. Bukas ba ang ating puso sa pagtanggap sa kanya?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento